Carmina Villarroel and Zoren Legaspi prefer a "simple" wedding

IMAGE 0


"Like I've said, we don't feel na parang incomplete kami. Akala nga namin, mag-asawa lang kami. Kapag natatanong kami, 'Ay, hindi pa nga pala tayo kasal.' So, parang palagi naming nalilimutan. So, kumbaga, hindi mag-iiba," says Carmina Villarroel about her 10-year relationship with partner Zoren Legaspi.


For the very first time, magkakasama sa isang morning talk show bilang hosts ang celebrity couple na sina Carmina Villarroel at Zoren Legaspi, ang Love ni Mister, Love ni Misis. Magsisimula itong mapanood sa August 9, Lunes, mula 9:30 a.m. hanggang 10:15 a.m. sa GMA-7.

Sa press conference ng kanilang programa kahapon, July 27, sa Studio 5 ng GMA Network Center, nakitaan na ng enjoyment ang dalawa sa kanilang paghu-host together. Nasasakyan at nasusundan ni Zoren ang kakikayan ni Carmina. Nakikita rin ang contrasting personalities nila and at the same time, nagra-radiate din ang love na meron sila sa isa't isa.

MORNING SHOW. Masaya at excited si Carmina na finally ay nagkaroon sila ng opportunity ni Zoren na magkasama sa isang show.

"Very excited!" bulalas niya. "Mixed emotions, e. But more on really excited and thankful. Kasi nga, parang hindi na ako manganganay kung sino ang kasama ko, ganoon din siya. Kasi nga, I'm very comfortable with him.

"Like, sinabi ni Zoren na we will really try our best to have a fun show. Pero wala na kaming pretentions. Kumbaga, kung ano ang makikita n'yo rito sa Love ni Mister, Love ni Misis, ganoon talaga kami sa isa't isa. Ganoon kami kung paano namin tratuhin ang isa't isa. Para kaming magkabarkada."

Ten years nang nagsasama sina Carmina at Zoren at nabiyayaan na sila ng kambal na anak, sina Mavy at Cassy. Pero hindi naman lingid sa kaalaman ng karamihan na hindi pa sila kasal.

May nagtanong kung bakit Love ni Mister, Love ni Misis ang title ng kanilang show. Baka raw kasi pagsimulan ito ng isyu dahil technically, hindi pa sila puwedeng tawaging "Mister" at "Misis" dahil hindi pa naman sila kasal.

Pero ayon kay Carmina, "Kaya po hindi naman namin sinabi na 'Love ko si Mister or Love ko si Misis.' So, hindi po nagpe-pertain sa amin. Kumbaga, kahit sinong Mister ang love ni Misis. At ang show po na ito, hindi lang po siya nagko-concentrate sa mga mag-asawa. Hindi po. Kundi pang lalake, pang-babae, kay lolo, kay kuya, kay ate, sa mga kapitbahay, sa lahat po. Anything under the sun."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

IDEA FOR PILOT EPISODE. Dito nga pumasok ang revelation ni Zoren na ang idea niya sana para sa pilot episode nila ay yung actual wedding day nila. Pero ayaw raw ni Carmina ng idea na 'yon.

Katuwiran ni Mina sa bagay na ito, "Siyempre, I want it to be, you know, hindi naman yung nationwide na ganyan."

Hirit ni Zoren, alam daw kasi niyang maraming gustong makakita. Kaya sabi ni Carmina nang natatawa: "Malay n'yo naman, ihabol natin sa birthday ko, bilang August [17] naman ang birthday ko."

Nagbiro pa si Carmina na hindi pa naman daw nagpo-propose sa kanya si Zoren at hindi pa siya sumasagot. Pagkarinig nito, biglang "nag-propose" si Zoren kay Carmina during the press conference. Dahil wala namang dalang singsing, ibinigay ni Carmina ang suot niyang diamond ring at saka siya tinanong ni Zoren ng: "Will you marry me?"

"Hay naku, papetek-petek ka! Ang tagal!" ang natatawa namang sagot ng 34-year-old actress-TV host.

THE WEDDING. Aminado si Zoren na yung "proposal" niya during the presscon ang una niyang pagpu-propose kay Carmina. Katwiran niya, given naman na raw yun na kapag nag-propose siya ay siguradong "yes" ang isasagot ng kanyang longtime partner.

Pero if ever daw, sa isang "very romantic dinner" magaganap ang kanyang proposal lay Carmina.

Nang magsalita ang SVP for Entertainment ng GMA-7 na si Ms. Wilma Galvante, nag-promise ito na "ipapakasal" nila ang dalawa sa first anniversary ng kanilang show. Pero kumontra si Carmina na hindi raw maganda sa feng shui ang 2011 para magpakasal. Pero ayon naman kay Ms. Wilma, may mga pangontra naman do'n.

Tinanong namin ulit si Carmina tungkol dito after the question-and-answer portion.

"Parang ang tagal pa, 'no? Dapat 2010 nga!" natatawa niyang sabi. Kaya hirit ni Zoren, bago raw matapos ang 2010 ay ikakasal na sila.

If ever, anong klaseng wedding ang gusto nila, something grand o simple lang?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ako, ayoko talaga. I want it to be really simple. Civil lang," sabi ni Carmina. "Buong pamilya lang ang nandoon. Okey na. Hindi ako maarte. Siguro, baka lumipas na yung panahon na... Lahat naman tayong mga babae, gusto natin gano'n, ganyan. Pero tapos na siguro, lumipas na.

"Of course, it's nice to have a very nice wedding that everyone's invited to witness. But it's also, mahirap din. Pero ayoko kasi ng mahabang damit. Puwedeng mini-skirt na lang, di ba?" biro niya.

Dagdag pa niya, "As of now, ha, gusto namin na simple lang."

Ang kambal ba nilang sina Mavy at Cassy ay nagtatanong kung kailan ang kasal nila?

"Wala, siguro parang buong buhay...they never asked. So, parang hindi rin naman kami nagsisinungaling kasi they never asked. So, kapag ito, dumating ito..." saad ni Carmina.

May idea na ba ang mga anak nila sa plano nilang magpakasal?

"Hindi, e, hindi sila aware," sagot niya. "Kasi nga, parang siguro nga, we're so complete and we don't feel incomplete. So, wala naman."

Nabanggit din nina Carmina at Zoren na si President Noynoy Aquino ang gusto nilang mag-officiate ng kanilang kasal. Ipinaliwanag ni Zoren na gusto niya ang Presidente ng bansa at gusto niya ang mga sinasabi nito. May "nice feeling" daw siya about the President.

Sinegundahan naman ito ni Carmina. Aniya, "Ako rin naman, maybe because kaya rin magaan ang loob namin dahil alam namin kung papaano siya bilang isang anak. So, alam namin ang relationship niya sa mga siblings niya, sa nanay niya. E, parang very close. So, kung papaano siya sa pamilya niya, ganoon din kami towards our family. Family-oriented, ganyan."

HE IS THE ONE. Nasabi ni Carmina during the start of the presscon na nasa punto siya na kuntento na siya at hindi na naghahanap pa sa pagsasama nila ni Zoren. So, we asked her, kailan niya na-realize ang lahat ng ito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ay, matagal na!" sambit niya. "In fairness, matagal ko naman nang naramdaman yun. Kasi ako naman, kapag pumapasok ako sa isang relationship, I want it to last na. Hindi naman yung parang, 'O, short term lang 'to, bahala na si Batman after ng isang taon.'

"At saka ako," patuloy ni Carmina, "positive thinking. Never akong pumapasok sa isang relationship kapag hindi ako sure. So, alam ko na siya na. Parang nako-confirm lang through the years kasi nga, hanggang ngayon, ganoon pa rin siya."

Kung nagkataon na nagpakasal sila noon pa, sa palagay niya kaya ay ganito pa rin sila ngayon?

"Yes, wala naman kasi... Like I've said, we don't feel na parang incomplete kami. Akala nga namin, mag-asawa lang kami. Kapag natatanong kami, 'Ay, hindi pa nga pala tayo kasal.' So, parang palagi naming nalilimutan. So, kumbaga, hindi mag-iiba."

Sa loob ng sampung taong pagsasama nila, hindi ba siya nakaramdam ng kahit anong insecurity knowing that they are not yet married?

"Hindi, maybe because nga, depende rin 'yan sa lalake kung ano ang pinapa-feel niya sa 'yo. Ngayon, kung ang lalake, pinapa-feel niya na, 'Uy, hindi pa tayo kahit may mga anak na tayo.' Kasi kapag magkasama kami, nag-uusap kami.

"Siguro nga, pareho kami ng wavelength na even if not really saying the words, parang nagkakaroon na kami agad ng mutual understanding. Kumbaga sa tinginan, alam mo na ang ibig sabihin no'n."

Pero nilinaw ni Carmina na hindi nangangahulugan na hindi na importante sa kanya ang kasal.

"Ang sa akin, hindi ko sinasabi na balewalain natin ang kasal, hindi po, hindi po. Inaano ko po 'yan, ipinapaliwanag na importante pa rin sa akin ang kasal. Kapag yun ba, sinabi mong kasal at siguradong-sigurado na ako," paliwanag niya.

Sa ngayon ay mukhang maayos na maayos ang pagsasama nina Carmina at Zoren what with their blooming career, numerous endorsements, and beautiful and healthy children. Pero may plano pa ba silang sundan ang kambal nila?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Parang quota na yata!" natatawang sabi ni Carmina. "E, kasi yung kambal, ang gulo. Minsan gusto, minsan ayaw. At saka, parang sila talaga ang nasusunod, di ba? Ewan... Parang hindi na yata, ang hirap kasing magpapapayat."

GUESTING BB GANDANGHARI. Bukod sa idea ni Zoren na actual wedding day sana nila ni Carmina ang maging pilot episode ng show nila, pumasok din daw ang idea na maging guests nila sa show ang kani-kanilang exes.

Si Ruffa Gutierrez, na ex-girlfriend ni Zoren, ay nakapag-taping na para sa isang episode ng kanilang show. Sa kaso naman ni Carmina, handa na raw siyang harapin ang kanyang dating asawa na si Rustom Padilla sa bagong katauhan nito bilang BB Gandanghari.

Feeling ni Carmina, baka ang kalabasan ng show, kung matuloy nga na mag-guest si BB, ay magtawanan na lang sila.

"Actually, nakakanerbiyos lang," pag-amin ni Carmina. "Hindi naman sa ninenerbiyos ako dahil sa may galit or anything. It's just that, I'm facing a new person. Kumbaga, hindi pa talaga kami...hindi pa kami magkakilala kasi ibang tao na nga siya. Parang ikaw, kung meron kang imi-meet, parang looking forward lahat ng taong hindi mo kakilala. So, parang ikaw rin naman siyempre, manenerbiyos ka rin. Pero ang nerbiyos ko nga, on a positive note naman and a very normal na reaction. And like what we said, parang we're very open to have her in our show."

What if may mag-isip na parang ginagamit or magagamit nila si BB for their show?

"Hindi naman," sambit niya. "Actually, puwede pa lang mangyari na yung ex mo pala, puwede mo palang maging kaibigan kahit ano pa man ang nangyari sa taong yun. Puwede rin maging eye opener sa ibang mag-asawa.

"Hindi nga lang namin siya mahanap. Baka nasa America siya. So, BB, we really would like to have you as our guest sa show namin. Kontakin mo na lang kami. Hindi ko alam kung papaano, pero maliit lang naman ang mundo. Sabi nga ni Zoren, you're very welcome in our show," panawagan pa ni Carmina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN