Kris Aquino clarifies "sighting" with Mayor Junjun Binay

IMAGE 0


"In my position right now, kung may makita lang akong katabi, siya na matsitsismis sa akin next... Kaya ko ito itinutuwid kasi na-bother yung mga kapatid ko...," says Kris Aquino about reports that she was spotted with Mayor Junjun Binay in Makati.


Sa panayam ng The Buzz kay Kris Aquino na ipinalabas kahapon, September 5, binigyang-linaw na ng actress-TV host ang tungkol sa isyu ng sighting sa kanila ni Makati City Mayor Junjun Binay sa Glorietta 4 noong August 30. (CLICK HERE to read related story.)

Unang lumabas ang report sa PEP Alerts noong September 2. Ang exclusive video naman nito ay ipinalabas noong September 3 sa Q-11 showbiz program na Tweetbiz, kung saan tinanong pa ng anak ni Kris na si Baby James kung boyfriend ba ng kanyang mommy ang alkalde.

Paliwanag ni Kris, sa sitwasyon niya ngayon na nakipaghiwalay siya sa asawang si James Yap at nag-file pa ng declaration of nullity ng marriage nila, parang sinumang makasama o makatabi niya ay mali-link at matsitsimis na agad sa kanya.

"In my position right now, kung may makita lang akong katabi, siya na matsitsismis sa akin next. May tumabi lang sa akin at mag-hello sa akin, biglang nagagawan na ng kuwento na hindi talaga totoo. Kaya ko ito itinutuwid kasi na-bother yung mga kapatid ko. At sinabi nila i-correct ko daw ito kaagad," sabi ni Kris.

Hindi raw totoong si Mayor Junjun ang "ka-date" niya sa Glorietta, kundi si Vice Ganda at ang mga anak niya na sina Joshua at Baby James. Nagkataon lang daw na nandoon din sa naturang mall ang alkalde ng Makati at aksidenteng nagkita sila sa labas ng mall habang naghihintay ng kanilang sasakyan.

"Nilabas ko yung mga anak ko. Nag-Timezone sila at nanood sila ng Cats and Dogs. Ako, kasama ko si Vice Ganda, nanood kami ng In Your Eyes. Tapos lumabas kami sa lobby at pasakay na ng sasakyan. It just so happened si Mayor Junjun was also there with his family. Nag-hello sa akin. At lumabas na nagmo-malling kami! Hindi talaga totoo," diin ni Kris.

Sa lumabas na report na PEP ay walang binanggit na "nag-date" sina Kris at Mayor Junjun. Ang tanging sinabi ng report ay "nakitang magkasama" ang presidential sister at mayor ng Makati.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

VICE GANDA'S EXPLANATION. Sinegundahan naman ng mismong kasama ni Kris nang gabing iyon na si Vice Ganda ang paliwanag ng actress-TV host.

"Yeah, nag-movie date kami ni Miss Kris. Tapos, pagkatapos naming manood ng In Your Eyes, umuwi na kami kasi gabi na yun. E, kasama rin namin yung mga bagets, sila Baby James at Joshua. Pero iba yung pinanood nila. Pagkatapos nun, sabay-sabay kaming lumabas. Naghihintay kami ng van, pauwi na kami, sakto namang biglang dumating si Mayor Junjun Binay," sabi ni Vice.

Dagdag pa ni Vice, walang katotohanan ang isyung sinadyang magkita nina Kris at Mayor Junjun para mag-date.

"Hindi, 'no!" bulalas ni Vice. "Ako ang date ni Kris nun. Talagang nakita nila si Mayor Junjun at saka si Kris na nag-uusap, pero kasama ako. Pero hindi sila nag-date, hindi nag-mall, hindi nag-stroll—as in hindi sila nagkasama kahit ng limang minuto. Walang ganun. Parang nagbigay respeto lang since nasa isang lugar sila at magkakilala sila."

Hindi naman ikinaila ni Vice na totoong itinanong ni Baby James sa Mommy Kris niya kung boyfriend nito si Mayor Junjun.

"Oo, nakakatawa yun, si Bimby [Baby James], taklesa din. Nung pinapakilala sa akin ni Kris si Mayor Binay, kasama namin si Baby James. Tapos nakatingin lang siya. Sabi niya, 'Mommy, is he your boyfriend?' Gumanun, ang lakas ng bibig.

"Ang sabi ni Mayor Junjun, 'No, I'm just your mom's friend.' Sabi ni Kris, 'No, Bimby. He's just my friend. He's not my boyfriend.' Tawa ako nang tawa. Sabi nga ni Kris, 'Nakakaloka ka, Bimby... ang mga pasabog mo, ha!'" kuwento pa ni Vice.

Nakiusap din si Vice Ganda na sana huwag nang gawan ng intriga ang insidenteng ito.

"Huwag nating bigyan ng kulay...na ginagawan ng isyu na nag-date sina Kris at Mayor Junjun. Hindi po totoo yun. Ako po ang makakasiguro sa inyong lahat dahil ako po ang kasama ni Kris Aquino. Walang ganung eksena. 'Wag kayong charotera!"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN