Rio Locsin embraces supporting and villain roles gracefully

IMAGE 0


Seasoned actress Rio Locsin has worked with Grazilda lead star Glaiza de Castro in the past. The two were part of the cast of GMA-7's 2007 show Boys Nxt Door. "Ngayon mas may kumpiyansa na siya," Rio said about Glaiza. "Tsaka napakagandang break nito para sa kanya and makikita mo talaga 'yong confidence niya ngayon on screen, importante kasi 'yon."


Wicked stepmother ni Cinderella and papel na gagampanan ng seasoned actress na si Rio Locsin sa bagong GMA-7 fantaserye na Grazilda.

Matilda ang pangalan ng character ni Rio at siya rin ang tumatayong nanay ni Grazilda sa mundo ng Fantasia.

"Something different for me kasi naka-costume kaming lahat, 'tapos mga bagong kasama na naman, mga young blood.

"Pero kami nila Joel [Torre] kasi, parang reunion 'to from Gulong ng Palad [ABS-CBN's 2006 drama series], tapos magkakasama kami ulit pero ibang estasyon nga lang," nakangiting bungad ni Rio.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang mahusay na aktres sa presscon ng Grazilda, noong Martes, September 7, sa Studio 5 ng GMA Network Center sa Quezon City.

Pangunahing adjustment daw para kay Rio ang pagsusuot ng gown, na hinihingi siyempre ng mala-fairy tale sa mga karakter nito.

Wala rin namang problema kay Rio ang maging kontrabida onscreen dahil nasubukan na rin naman niya ito dati.

Sabi ni Rio, "Masaya nga maging kontrabida kasi parang marami kang puwedeng gawin. Kung api ka lang, iiyak ka lang.

"Pero 'yong kontrabida, maraming kulay, maraming aspeto. 'Tsaka kahit anong gawin mo, puwede. Dun sa bida at inaapi, kailangan nakakaawa ka lang all the way."

REMINISCING OLD TIMES. Taong 1979 nang magsimulang pasukin ni Rio ang mundo ng show business.

Sexy ang unang naging image ni Rio, sa pelikulang Disgrasyada ng Regal Films, subalit di kalaunan ay nakilala rin siya bilang isang magaling na serious dramatic actress.

Ilan lamang sa mga pelikulang ginawa ni Rio ay ang mga sumusunod: Ina, Kapatid, Anak (1979); Bira, Darna, Bira! (1979); City After Dark (1980).

Unang Yakap (1980); Tinimbang ang Langit (1982); Haplos (1982); Gamu-gamo sa Pugad Lawin (1983).

Soltero (1984); Working Girls (1984); Kay Dali ng Kahapon, Kay Tagal ng Bukas (1985).

Bilanggo sa Dilim (1986); Kailan Tama ang Mali (1986); Mula sa Puso (1999); Bayaning Third World (2000); at marami pang iba.

Tanggap ni Rio na hindi permanente ang pagiging lead star sa pelikula at telebisyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ganun naman daw talaga ang kalakaran sa showbiz, lalo pa't hindi nawawalan ng mga bagong mukha na nais ding gumawa ng pangalan sa industriya.

"Hindi naman buong buhay mo bida ka. Magkakaedad ka, magbabago ang buhay mo...

"Ang importante, may trabaho pa rin kami hanggang ngayon. Maraming nawala, maraming pumapalit. Pero hanggang ngayon, nandito pa rin kami," paliwanag ng magaling na aktres.

Bilang isang showbiz veteran ay nasaksihan at naranasan ni Rio ang lahat ng mga naging pagbabago sa mundo na kanyang ginagalawan.

Masuwerte din si Rio dahil nakatrabaho niya ang mga magagaling na direktor noong araw, sa pangunguna siyempre nina Lino Brocka at Ishmael Bernal, na kapwa nang yumao.

"Istrikto" kung ilarawan ni Rio ang mga direktor noon. At dahil napag-usapan na rin ay ikinumpara ni Rio ang working style ng dalawang legendary directors.

Si Ishmael Bernal: "Ano talaga siya, pag dumating ka sa set na hindi mo alam ang ginagawa mo, patay ka!"

Si Lino Brocka: "Kasi kay Lino naman, kapag break [time], barkada tsika-tsika. Pero pag trabaho, trabaho talaga."

Dagdag niya, na natatawa: "Kay Bernal, kahit na break, nakakatakot pa rin siya, e!"

Memorable para kay Rio ang pelikulang Init, na ginawa niya noong 1979 sa ilalim ni Brocka: "Bagong-bago ako nun, hindi ako marunong sa mga love scenes.

"Tinuturuan niya pa 'ko, 'O, ganitong gagawin mo.' Nakatanga lang ako kasi neneng-nene pa ako nun.

"Kay Bernal naman, makikinig ka, and dami-daming sinasabi, daming inputs, dami mong ia-absorb, ang dami mong dapat tandaan. 'Tapos pag take na, kailangan magawa mo. Dun ko sa kanya nakuha 'yong... Di ba, kissing scene?

"Ganito 'yong gusto niyang ipagawa: 'Gawin mo na nang minsan kasi pag hindi ko nagustuhan, uulit-ulitin mo din, e. Sino bang maaapektuhan? Ikaw din. Uulit-ulitin mo, di paulit-ulit kang humahalik. Pero pagka ginawa mo na nang minsan at tama, tapos na.'"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Malaki na raw ang kaibahan ng mga modern directors sa kasalukuyan pagdating sa istilo nila ng pagtatrabaho at pakikisalamuha sa kanilang mga artista.

Wala namang mali dito, ayon kay Rio, pero maaaring may epekto rin daw ito pagdating sa work attitude ng mga batang artista ngayon.

"Nung unang panahon talaga, 'yong mga direktor istrikto dahil may authority sila. Ngayon, kahit may authority sila, puwede mo rin sila maging barkada.

"Kaya lang, parang merong problema minsan kasi parang nawawala 'yong authority nila.

"Sa amin, okay 'yon, kasi nadaanan na namin 'yon. Sa mga bata, dapat makita nila na kahit mabait 'yong direktor, may authority pa rin sila," saad ni Rio.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN