Glaiza de Castro promises not to let success go to her head

IMAGE 0


Glaiza de Castro's living the dream, starring in her own series, and buying a beautiful home. But the lead star of the GMA-7 fantaserye Grazilda says, "Nakatapak pa rin ang mga paa ko sa lupa."


Sa mismong araw ng pilot telecast ng Grazilda sa Monday, September 13, ay lilipat na sa bagong bahay niya si Glaiza de Castro.

Natupad na ang matagal niyang pangarap na makabili ng magandang bahay para sa kanyang pamilya.

Sa isang subdivision sa Commonwealth Avenue sa Quezon City ang kanilang bagong tahanan, at ikinatutuwa niya na malapit ito sa guard house kasi mas safe ang feeling niya.

Mga P4 million ang halaga ng five-bedroom house. Kumpleto na ang mga gamit nito at handa na silang lumipat.

GOOD VIBES. Ang mommy at daddy ni Glaiza ang nakahanap ng bahay. Ilang buwan na raw silang naghahanap ng tamang malilipatan, pero nang makita ni Glaiza ang bahay, nagustuhan niya raw kaagad ito.

"Maganda ang vibes ko sa house," ang sabi ng bida ng Grazilda.

Masayang-masaya para kay Glaiza ang mga kaibigan nito, at tinatanong nga siya kung ano pa ang kulang na puwede nilang iregalo para sa bahay.

"Naku, nahihiya ako. Sinabi ko naman sa kanila na huwag na lang. Tutal, halos kumpleto naman na ang mga gamit namin.

"Kasama ko sila Mommy at Daddy na namili ng mga bagong furniture para sa bahay. Gusto kasi namin na kapag lumipat na kami, kumpleto na ang mga gamit.

"Thank you na lang sa mga kaibigan ko. Alam ko na masaya sila para sa akin.

"Huwag na silang mag-abala na ibili pa ako ng mga gamit kasi okey naman lahat. Gusto kong nandoon sila kapag nagpa-bless na kami ng house."

SMALL TOWN GIRL. Lumaki si Glaiza sa Valenzuela City at nakalakhan na niya ang parating pagtaas ng tubig sa kanilang lugar tuwing malakas ang ulan.

Sa bagong lilipatan nila ay malayo na sila sa baha.

"Mataas na kasi itong subdivision kaya wala nang baha," tawa ni Glaiza.

Sabi pa niya, "Gusto ko namang mabigyan ng magandang tirahan ang pamilya ko. Gusto ko yung safe at hindi kami nangangamba na biglang magkakagulo sa paligid namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nagpapasalamat ako sa Diyos at na-grant niya ang wish ko na ito."

Ang maiiwan na lang daw sa bahay nila sa Valenzuela ay ang isang kapatid niyang may pamilya na.

Kasama niyang lilipat sa bagong tahanan ang kanyang mga magulang at ang kapatid niyang nasa showbiz din na si Alchris Galura.

Tuwang-tuwa rin si Glaiza na tahimik ang lugar. "Tamang-tama, kasi malalayo na kami sa ingay noong dating tinitirhan namin. 'Tsaka malapit pa sa trabaho ko."

Pero hindi naman daw totally lilisanin ni Glaiza ang Valenzuela at bibisita pa rin siya roon kapag may panahon siya.

"Kasi nandoon ang mga pamangkin ko. Hindi ko naman basta tatalikuran ang Valenzuela kasi lumaki ako roon at marami pa akong mga kaibigan doon.

"Proud pa rin akong sabihin na laking-Valenzuela ako," ngiti niya.

ENTREPRENEUR. Pinasok na rin ni Glaiza ang pagnenegosyo kasama ang kanyang tiya.

Sa Makati matatagpuan ang day spa ng aktres, at minsan ay nandoon siya para tumulong sa pagpatakbo nito.

"Yung business kasi, suggestion iyon ng tita ko. Since mahilig daw ako magpa-spa, bakit hindi na lang iyon ang inegosyo ko. Kaya nabuo namin iyong business at maganda naman ang takbo niya ngayon.

"Minsan, kapag wala akong hectic na schedule, nandoon ako at tumutulong sa pag-asikaso ng mga customers.

"Sinusubukan ko rin yung mga massage at kung anu-ano pang ino-offer ng business namin para mairekomenda ko sa mga customers."

Masasabing isang inspirasyon si Glaiza para sa mga baguhan sa showbiz.

Nagsimula siya bilang bit player, suporta sa bida, hanggang sa magmarka siya bilang isang kontrabida.

Ngayon ay bida na siya, at walang katapusan ang pasasalamat ni Glaiza sa magandang break na binigay sa kanya ng GMA-7.

"Natutuwa ako at maraming sumusuporta at maligaya para sa narating kong ito. Promise ko na hindi ko sila bibiguin.

"Hindi rin ito ikakalaki ng ulo ko. Nakatapak pa rin ang mga paa ko sa lupa. Kung sino ang Glaiza na nakilala nila noon, ako pa rin iyon ngayon," pagtatapos ni Glaiza de Castro.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN