PEP SPECIAL REPORT The Robin Padilla-Mariel Rodriguez wedding: For real, for reel—or both?

IMAGE 0


The wedding of Robin Padilla and Mariel Rodriguez, to go by the latest statement from the actor, is not for real but for reel. Robin now claims their Baguio wedding is for an upcoming ABS-CBN show, but his past and present statements, put together, have become dense and confusing, leaving everyone wondering when he can be believed.


Ikinasal nga ba sina Robin Padilla at Mariel Rodriguez—o hindi?

Ito ang katanungan ng marami—kasama na ang broadcast, print, and web media—na hanggang ngayon ay gulung-gulo sa kuwento ng "pagpapakasal" ng dalawang stars na tila nahigop sa isang whirlwind romance.

Bagamat itinanggi na ng sikat na action star na may kasalang naganap sa kanila ng mahusay na TV host sa Baguio City, Benguet, noong Setyembre 13, walang tunay na linaw ang kanyang paliwanag.

Ang simpleng "oo" o "hindi"—na siyang nais malaman ng lahat—ay ginamitan ng mga malalalim, matatalinghaga, at maliligoy na salita ng action star.

Pandagdag pa sa kaguluhan, hindi malinaw kung sinasadya ito ni Robin nang di siya mapako sa iisang sagot, o dili kaya'y hindi rin talaga malinaw sa kanya ang gusto niyang isagot.

Imbes na konkretong statement ang makuha ng publiko mula sa action star—na naging Bad Boy of Philippine Movies, Lothario, Bilibid inmate, high-profile Muslim, screen idol, TV blockbuster star, short-lived TV host, separado, at ngayon ay smitten lover—mas marami pang katanungan ang naiwang naglalaro sa kanilang isipan.

TV PATROL WORLD REPORT. Nagsimula ang lahat sa report ng regional bureau correspondent ng ABS-CBN News na si Maira Wallis, na inere sa TV Patrol World noong September 16, Huwebes.

Ayon sa news report, "ikinasal" nang dalawang beses sina Robin at Mariel sa Baguio City noong September 13, Lunes.

Mabilis na kumalat ang balita. Nang araw ding iyon, na-pick-up ito ng maraming media platforms, kabilang na ang PEP (Philippine Entertainment Portal). Sa sumunod na mga araw, na-pick-up naman ito ng mga national dailies. Sa Internet naman ay naging viral na ito sa unang araw pa lang.

NO CORRECTION FROM ROBIN AND MARIEL. Bagamat lumabas noong September 16, Huwebes, ang report ng kasal sa TV Patrol, ang primetime newscast ng ABS-CBN na napapanood sa buong bansa—walang ginawang hakbang si Robin upang kumpirmahin o ituwid ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Unang narinig ng publiko ang panig ni Robin tungkol sa "back-to-back wedding" nila ni Mariel noong sumunod na araw, September 17, Biyernes.

Ito ay sa pamamagitan ng text message ng aktor sa PEP at iba pang media outfits, na ipinadala ng kanyang manager na si Betchay Vidanes.

Ngunit kahit dito ay walang direktang inamin o itinanggi si Robin tungkol sa kasal.

Ang masalimuot niyang text message ay ganito:

"Ang mga naganap sa lupa ng mga Cariño sa Baguio ay isa lamang sa mga nagaganap na yugto sa aming pag-ibig at sa nalalapit na programa sa ABS-CBN. Walang dapat ipangamba ang mga kapatiran, kababayan at katribo sapagkat ang pagsunod namin ay sa Islam, ang pagpupugay namin ay sa Kristiyanismo, at ang pakikiisa namin ay sa kultura at tradisyong Pilipino."

Ang intindi ng media sa text message ay ikinasal na nga sila.

Ngunit ngayon, sinasabi ni Robin na walang nanggaling sa kanyang kumpirmasyon kahit kailan.

Kung gayon, siya lang ang nakakaintindi na ang sinasabi niya ay hindi siya ikinasal—habang ang lahat ng pinadalhan niya ng text message ay naniniwalang kinumpirma nga niya ang kasal.

Kabilang na rito ang dalawa sa pinakamalaking national dailies sa bansa—The Philippine Star at ang Philippine Daily Inquirer.

Sa report ng The Philippine Star noong September 18, 2010, Sabado—o isang araw matapos ng statement ni Robin—sinabi nitong: "In a text message sent to ABS-CBN News, Padilla said what happened in Baguio was part of their lives as a couple. He added the ceremony will also be used for an upcoming show on ABS-CBN."

Bilang kumpirmasyon, sinundan ito ng Star ng mismong nilalaman ng masalimuot na text message ni Robin sa press.

Noon ding araw na 'yon ay naglabas ang Inquirer ng report tungkol sa kasal nina Robin at Mariel sa Baguio City.

Bukod sa paglathala ng masalimuot na text message ni Robin, isinulat ng pahayagan ang pagkumpirma ni Betchay Vidanes sa kasal: "She told the Inquirer in a phone interview yesterday [September 17] that [Ibaloi priest Jimmy] Ong assured the couple that an Ibaloi wedding ceremony was 'legal and binding' in the country."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Siyempre pa, hindi pinalampas ng mga entertainment shows ang paglabas ng istorya tungkol sa kasalang Robin at Mariel.

Sa E-Live, isang ABS-CBN talk show, noon ding September 18, naging highlight pa ng programa ang "exclusive video" ng Ibaloi wedding ritual nina Robin at Mariel.

Ayon sa voice-over report ni Bianca Gonzales, ang video ay ibinigay sa kanila mismo nina Robin at Mariel, na co-host din sa E-Live.

Walang ginawang paglilinaw o pagtutuwid si Robin o Mariel sa videong ito. Lahat ay naniwalang totoong marriage ritual ang pinanonood.

"WALANG KASAL NA NAGANAP!" Ang unang "paglilinaw" na ginawa ni Robin tungkol sa kasal ay naganap noong Sabado ng hapon, September 18—o dalawang araw matapos ng report ng TV Patrol.

Naganap ito sa isang presscon na pinatawag ng kampo ng aktor, ngunit halos sapilitan pang napag-usapan ang kasal.

Walang intensiyon si Robin noong hapong 'yon na klaruhin o pag-usapan ang kasal nila ni Mariel.

Ang pangunahing layunin ng presscon ay ang pag-usapan ang kanyang foundation at ang despedida ng kanyang bunsong anak na si Alih.

Ito marahil ang dahilan kung bakit nagpakita ng kaunting iritasyon si Robin kapag nakakalusot ang mga tanong tungkol sa kasal.

At hindi mapasusubaliang kontrolado ng manager ni Robin, na si Betchay, ang takbo ng presscon.

Nilimita niya ang mga tanong. Tanungin lang daw ang tungkol sa foundation, sa pag-alis ni Alih, at ang latest sa career ng isa pang anak ni Robin na si Kylie. Ibig sabihin: Walang tanong sa kasal.

Nang matapos ang presscon, nilapitan ng PEP si Robin nang sarilinan. Ipinasok ng PEP ang tanong tungkol sa kasal.

Dito na sinabi ni Robin ang: "Walang kasal na naganap!"

Sinabi ng aktor, na may ngiti pa, na may koneksyon ang nangyaring Ibaloi wedding ritual sa "TV show" nila ni Mariel sa ABS-CBN.

Aniya, "Ang gusto ko lang linawin, kung ako lang may kalayaang magsalita ngayon, kung wala lang kaming TV show, ba't kami hindi magsasalita?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero siyempre, alam mo naman, meron kaming mga dapat proteksyonan. Hindi kami puwedeng magbitaw ng mga salita na baka naman yung show namin, wala nang mangyari."

Sa puntong ito, humingi siya ng paumanhin sa "kalituhan" na bumalot sa kaniyang "kasal."

Muli niyang sinabi na ang lahat ay para sa kanilang TV show ni Mariel, at pag pinalabas na ang programa ay maipapaliwanag ang lahat.

"Dadating po ang oras na lahat po kayo ay iimbitahan namin doon sa tinatawag na kasal. Lahat po kayo, iimbitahan namin.

"Pero sana po sa ngayon, ang lahat po ng nangyayari, sa amin pong dalawa ito.

"Personal pong journey namin ito, paglalakbay namin. Na makilala niya kung sino ako, at makilala ko siya bilang si Mariel.

"Paumanhin po sa lahat ng naguguluhan. Paumanhin po," sabi ni Robin.

WHAT TV SHOW? Sa una pa lang ay panay na ang pagbanggit ni Robin na may kaugnayan sa "nalalapit na programa sa ABS-CBN" ang ritwal na ginawa nila ni Mariel sa Baguio City.

Ang pahiwatig nito ay may kinalaman ang ABS-CBN sa "kasal"—at isa itong malaking publicity gimmick para magkainteres ang publiko sa programa.

Kung gimmick nga ito ng network, nakababahala dahil malinaw na manipulasyon ito sa publiko.

Mismong ang News and Public Affairs division ng ABS-CBN ang nag-ulat ng kasal. Ibig sabihin, inilako sa publiko ang kasal bilang totoong balita. Kumalat ito sa buong bansa bilang legitimate news.

Ano na ang kredibilidad ng news division ng network kapag lumabas na kagagawan pala ito ng kanilang entertainment division—para lang kumita at mag-ratings?

Sa pag-iimbestiga ng PEP, napag-alaman naming kinawawa rin ng balitang ito ang mismong ABS-CBN.

Ngayon, lahat ng mata ay nasa ABS-CBN news division para ipaliwanag ang pinasabog nitong balita ng kasalan.

Paninindigan ba nito ang reports at interviews ng kanilang regional reporters?

Tatanggapin ba nito ang denial ni Robin at face value?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Anong paglilinaw ang gagawin ng grupo ni Maria Ressa, ang ABS-CBN news head?

Tinawagan ng PEP ang news division ng network, ngunit nagsabi silang si Bong Osorio, ang ABS-CBN corporate communications head, ang kausapin namin.

Nang makausap ng PEP si Mr. Osorio noong Linggo ng gabi, September 19, sinabi niyang wala silang statement, liban sa ipaalam sa amin na nagsasagawa sila ng mga karagdagang interbyu sa mga kamag-anak ni Robin.

Ang pakahulugan ng PEP dito ay nababahala nga ang news division sa kaguluhan ng sariling balita at patuloy ang kanilang pag-iimbestiga.

Lumalabas naman sa panig ng ABS-CBN Entertainment TV division at ng film arm nito na Star Cinema, na wala silang proyektong magtatampok kina Robin at Mariel sa nalalapit na panahon.

Ayon sa Star Cinema, wala silang naka-lineup na Robin Padilla movie sa taong ito. Kaya imposibleng para sa pelikula nila ang "kasalan" ng aktor at ni Mariel.

Ganito rin ang pahayag ng ABS-CBN entertainment TV. Wala raw nakalinyang show si Robin sa kanilang television programming ng 2011. Kaya walang nakaumang na "kasal" bilang gimik o promo.

REALITY SHOW. Ngunit may isang detalyeng lumitaw na maaaring magbigay linaw sa mga pangyayari.

Binanggit ng isang network executive na totoong may "proposal" si Robin para sa isang "reality show" sa ABS-CBN.

Nilinaw ng TV executive na proposal stage pa lamang ito, at wala pa silang ginagawang anumang hakbang upang maisakatuparan ito. Ang ibig sabihin: Wala silang nakasalang na anumang "kasal" bilang publicity.

Sinabi naman ng isa pang network executive, na ayaw nang magpa-identify, na wala silang track record ng panggigimik na gaya nito. "Wala—walang kinalaman, walang alam ang ABS dito, we assure you," aniya.

Sa pagkaintindi ng PEP, mismong mga tiga-ABS-CBN—mula itaas at ibaba—ay nabulabog ng mga pangyayari.

ROBIN'S LIFE IN A DOCUMENTARY. May nakuha pang dagdag na impormasyon ang PEP: Maaaring may koneksyon ang kasal at video nina Robin at Mariel sa isa namang sinasabing "documentary ni Robin tungkol sa buhay niya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ibig sabihin ay kinukunan niya ang mga highlights ng buhay niya, at nagbubuo siya ng kanyang biography na lalabas bilang isang documentary.

Maaari namang magkaibang bagay ang "documentary" na ito at ang "reality show" na idinulog na ni Robin sa network.

Ngunit maaari ring bio-documentary at reality show combined ang nilalaro ng kampo ni Robin.

Kung ito nga ang kaganapan, puwedeng maipaliwanag ang "kasal" bilang parte ng dokumentaryo ni Robin ng totoong buhay niya, na pasok pa rin sa reality-show concept na prinopose niya sa network.

Ang ibig sabihin pa rin: Maaaring totoong nangyari ang kasal, ngunit gagamitin ito sa isang palabas sa telebisyon—kaya naghalo-halo na ang real at reel.

Bandang huli, nag-suggest ang isa pang network executive na kausapin ng PEP ang manager ni Robin. Hindi raw nila contract star si Robin.

Kaya raw ang manager nito ang higit na makakaalam sa reality-show proposal—at kung may koneksiyon nga ito sa nakakalitong "kasal."

Matagal nang sinusubukan ng PEP na kumpirmahin ang mga bagay-bagay kay Betchay Vidanes. Nitong huli, dalawang beses siyang tinawagan ng PEP—noong Linggo ng gabi at Lunes ng umaga, pero wala itong sinasagot sa mga tawag.


Ito ay bagamat ginulo na ng kampo nila ang buong bansa.

Noong Lunes ng gabi lumipad si Betchay papuntang Australia upang ihatid ang anak ni Robin na si Alih.

"KALITUHAN." Natumbok din ni Robin ang nangyari sa pagtanggi niya ngayon na may naganap na kasalan sa pagitan nila ni Mariel: Humingi nga ito ng "paumanhin" sa "kalituhan."

Ngunit sinasadya man niya o hindi, naiintindihan man niya o hindi, tinatanggap man niya o hindi—patuloy niyang nililito ang publiko.

Sa kabila kasi ng pagsasabi niya na "walang kasal na naganap," patuloy pa rin ang pagsasabi niya na wala siyang pinasisinungalingan at wala rin siyang inaamin.

May sinasabi pa siyang darating din ang "tamang panahon" kung saan sasabihin niya ang katotohanan sa napabalitang kasal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sambit pa ng aktor, hindi nanggaling sa kanyang kampo ang paglabas ng balita tungkol sa kasal nila ni Mariel.

Sa text message na ipinadala niya sa PEP noong Linggo ng hapon, September 19, ito ang kanyang pahayag:

"Kung sino man po ang naglalabas na kami ay nagpakasal ni Mariel ay karapatan nila 'yon bilang malayang Pilipino. At bilang malaya ring Pilipino, karapatan namin na proteksyonan ang aming sarili, pamilya, programa, adhikain at paniniwala... Walang nanggaling sa aming publisidad patungkol sa kasal. Kami'y maligaya at nagmamahalan. Kung ito'y kasalanan ay humihingi kami ng patawad."

Sinundan niya ito ng isa pang text message, at ito ang nilalaman:

"Maraming-maraming salamat kapatid... Bilang kaibigan, kapamilya at tao, nasa inyo po ang aming pagpupugay at salmo. Sumaatin nawa ang kapayapaan."

PARI NG IBALOI. Taliwas uli ito sa sinasabi naman ng mga taong malalapit sa kanila ni Mariel. Gaya ng maraming Pinoy, naniniwala sila na nagpakasal na nga ang dalawa.

Sa panayam ng ABS-CBN News sa Ibaloi mambunong (native priest) na nagkasal kina Robin at Mariel, sinabi nitong "legal" sa kultura ng mga Igorot ang ginawa niyang seremonyas sa dalawa noong hapon ng September 13.

Kuwento ng Ibaloi priest na si Jimmy Ong: "Tinanong ko si Robin kung kasal talaga ito. Sabi niya, 'Oo, kasal talaga.' Kaya sinimulan ko na."

Sa hiwalay na panayam ng Showbiz Central kay Eva Cariño, ina ni Robin, noong Linggo, September 19, sinabi niyang kinongratulate niya ang anak at si Mariel. At nag-"thank you" naman daw ang mga ito sa kanya.

Pinayuhan pa nga raw ni Mrs. Padilla ang dalawa na maging maligaya habambuhay.

Ang panganay na anak ni Robin na si Queenie, bagamat nagulat sa balita, ay binati rin ang kanyang ama at si Mariel sa kanilang pagpapakasal.

NAGULAT SI LOLO AT LOLA. Sa parte naman ni Mariel, nagulat daw ang lolo't lola niya na sina Raffy at May Sazon sa pagpapakasal ng kanilang apo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa panayam ng E-Live sa lolo ni Mariel na si Raffy Sazon, na ipinalabas noong Sabado, September 18, nalaman daw niya, sa pamamagitan ng text, na ikakasal ang apo kay Robin sa isang Igorot wedding ceremony.

Kuwento ni Mr. Sazon, "Sabi niya [Mariel], 'Lolo, what do you think of an Igorot wedding?' Sabi ko, 'Well, that's great. Type ko 'yan, maganda 'yan. Just let me know kung kailan.' Tapos matagal bago siya nag-text back. Sabi niya, 'Lolo, tapos na.'"

Naging emosyunal naman ang lola ni Mariel nang hingan ng reaksiyon sa pagpapakasal ng kanyang apo.

"Ako, na-shock ako dahil maraming nagtatanong, maraming nakakaalam, kami yung huling nakaalam. Siyempre si Mariel, ganun siya kaimportante sa amin.

"Wala naman akong against kay Robin, napakabait. Kaya lang, na-shock ako talaga dahil wala akong kaalam-alam. Kasi ako, hindi ako mapagtanong, e.

"I'm happy dahil maligaya si Mariel pero nabigla ako. Basta kung saan masaya si Mariel, masaya kami."

Nagbigay rin ng mensahe ang kapatid ni Mariel na si Kaye Garcia sa pamamagitan ng text. Masaya raw siya para sa kapatid at sinusuportahan niya ang desisyon nito.

Sa mga pahayag na ito ng kanilang mga kaanak, paano ngayon masasabi ni Robin na walang kasal na naganap?

Tila imposible na maging ang malalapit na tao sa kanilang buhay ay mapapaniwala na isa lamang "yugto" ang nangyari.

O baka naman kaya ng kalooban ni Robin na gawin ito sa sariling kadugo?

Di ba't kinaya niyang hayaang maniwala ang buong bansa sa kasal?

Pagkatapos ay kakambiyo at sasabihan ang buong bansa na walang kasal, pasensiya na lang sa "kalituhan"?

MARIEL NEITHER CONFIRMS NOR DENIES. Sa hiwalay na panayam ng E-Live kay Mariel, ito ang naging sagot ng TV host sa mga pahayag ng kanyang grandparents:

"My lolo and my lola naman, they've always been supportive... Happy at love na love nila si Robin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Maging si Mariel ay parang si Robin na rin: Walang linaw magsalita.

Itinanggi pa nga ng TV host na isang publicity stunt ang tribal ceremony na nilahukan nila ni Robin.

ANO NA NGAYON? Sa kabila ng mga "paglilinaw" ni Robin, marami pa ring katanungan ang naglalaro sa isipan ng marami.

Marami pa rin ang nagdaramdam na tila pinaglaruan ang kalooban at utak nila.

Ang iba naman ay umabot na sa inis at galit—walang may gustong inuutakan sila o nilalaro ng kahit sinuman, kahit pa big movie star ito.

Kung kaya't inaasahan na hindi ito ang huling pagkakataon na makakabasa o makaririnig tayo tungkol sa usaping ito.

Ang PEP mismo ay nagsisiyasat pa rin. Kararating lang sa amin ng impormasyong walang anumang rekord ng kasal nina Robin at Mariel sa Civil Registry ng Baguio City.

Ngunit sa kaguluhan, ito ang malinaw: Hindi na magiging simple ang anumang susunod na press conference o statement o appearance ni Robin.

Markado na siya bilang tao na kapag nagbitiw ng salita ay kinakailangang usisaing mabuti. (Baka siya lang ang nakakaintindi ng ibig niyang sabihin?)

Na bawat statement niya ay kinakailangang himay-himayin. (Baka sabihin na namang wala siyang sinabing ganun at magmukhang mangmang na naman ang mga naniwala?)

Na bawat galaw niya ay kinakailangang hanapan ng agenda. (Baka may pelikula o TV show na isinasalang? O foundation na prino-promote?)

Kailangan pa ngayong kilatising mabuti kung alin sa sinasabi ng action star ay simpleng talinghaga o tahasang promo. (Baka naghahalo ang balat sa tinalupan—Ang real at reel? Ang kathang-isip at ang tunay na buhay?)

Guwapo at charismatic si Robin. Magaling na aktor. Sikat. Survivor. Isang bonafide star. Magalang sa press. Galante sa babae. Masarap panoorin sa TV man o sa sine.

Pero kinuryente pa rin niya ang buong bayan—o hinayaang makuryente.

Kapag magsalita muli ang isang Robin Padilla, may maniwala pa kaya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN