(UPDATED) Mariel Rodriguez: "Pagod na pagod na ako na tinatawag kaming sinungaling!"

IMAGE 0


"Hindi na ba matatapos? Hindi ba puwedeng maging masaya na lang? Ito na nga, inilabas na ang totoo, sinungaling pa rin, may butas pa rin," says Mariel Rodriguez about the skepticism that greeted the announcement of her wedding with Robin Padilla.


Naging emosyunal si Mariel Rodriguez sa one-on-one taped interview sa kanya ng The Buzz host na si Boy Abunda kahapon, September 26. Si Boy ay siya ring manager ni Mariel.

Isa-isang sinagot ni Mariel ang mga intrigang sumulpot dahil sa pagpapakasal nila ng action star na si Robin Padilla. Gayundin ang pagkakaroon niya ng isyu sa ibang personalidad at Kapamilya stars, sa pangunguna na ng kanyang kaibigan na si Toni Gonzaga.

MALANDI? Ang unang isyu ay ang akusasyong masyadong mabilis ang mga pangyayari sa kanilang relasyon ni Robin. Marami ang nag-react na apat na buwan pa lang silang magkakilala ni Robin ay humantong na ito sa pagpapakasal nila sa Taj Mahal sa Agra, India noong August 19.

Ayon kay Mariel, "Actually, hindi ko alam kung nalulungkot ako o naiinis na ako. They keep saying na mabilis kasi, siguro, sila nagbibilang sila. Kasi kami, hindi naman namin binibilang yung mga araw. Kasi yung mga moment that we spent together, yun yung mga nagma-matter."

Nasasaktan din daw siya kapag sinasabihan siyang "malandi."

"Tawagin ninyo akong malandi... For example, nakipaglandian ako, nakipag-flirt ako, nakipag-live-in ako. Hindi naman ganoon.... Nagkaligawan kami, na-in love kami, nagpakasal kami," sabi ni Mariel, na sa puntong ito ay nagsimula nang lumuha.

Dagdag niya, "It hurts me kasi pag-ibig ang naganap sa amin. Hindi naman yun sinadya na maging ganoon, so masakit na tawagin kang malandi."

KOMENTARYO NG PEP: Kaya may isyu ay dahil na rin sa history ni Robin. Napakarami na ng babaeng naugnay sa action star, hindi lang noong wala siyang pananagutan sa buhay. Ganitong-ganito rin ang kuwento kahit noong nariyan na si Liezel Sicangco, ang naging ina ng kaniyang apat na anak at nagmahal sa kaniya ng 19 years.

Hindi naman maaasahang mapaniwala agad ang tao na nagbago na si Robin. Bumitiw na rin si Liezel sa kaniya. At hindi nakatulong itong hora-horadang pagpapakasal niya kay Mariel. Iniisip ng iba, dating gawi: nagandahan, nabighani, nanligaw, nakuha.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya tuloy may mga nagtatanong: Asan daw kaya si Mariel pagkaraan ng dalawang taon? Solo pa rin ba niya si Robin? O kimi ba niyang tatanggapin ang mga babaeng maaaring pakasalan pa ni Robin, na may permiso naman sa piniling relihiyon?

O dili kaya'y magiging mapaghanap at selosa, na siyang sinasabi ni Eva Cariño na huwag na huwag niyang gagawin? Di ba't sinabi ng ina ni Robin na nasa babae lamang ang pagtagal ng isang relasyon? At wala itong ipinapataw na responsibilidad sa lalaki sa pagpapatuloy ng relasyon kahit sa isang asawa na? (CLICK HERE to read related story.)

Kung ganito ang tabas ng pag-iisip ni Eva, malamang hindi nalalayo ang sa anak? Sino na ang kakampi ni Mariel pag nagkataon? Ang pamilya niyang nakalimutan niyang isama sa kaniyang biglaang plano ng pagpapakasal?

Matatandaan ding sa panayam na iyon kay Eva Padilla, sinabi nitong "walang pinagkaiba" ang nakikita niyang sweetness ni Robin kay Mariel sa nakita niyang sweetness nito kay Liezel noon. Pareho lang, ika niya.

UNGRATEFUL? Ikalawang isyu nga ay ang diumano'y pagsikreto niya sa kasal nila sa kanyang sariling pamilya. Nangangahulugan daw ito ng kawalan ng utang na loob niya, lalo na sa kanyang lolo at lola na umaruga sa kanya.

Ayon kay Mariel, "Nasaktan ako dahil may nagsabi sa akin na bakit hindi ko man lang daw sinabi. Napaka-ungrateful ko naman daw sa mga nagpalaki sa akin.

"Nasaktan ako doon kasi hindi naman yun ganun. Alam naman nila... When I got engaged, alam naman nila.

"Hindi ko naman itinago yung relationship namin ni Robin. Ipinakilala ko naman sa kanila at gusto naman nila si Robin.

"Natural lang yun para sa kanila na parang tumatayong magulang na maging emotional. Hindi totoo 'yon [na wala akong utang na loob], mahal na mahal ko sila."

KOMENTARYO NG PEP: Ang isyu ay nananatiling nariyan sapagkat, sa Pinoy, hindi katanggap-tanggap ang hindi pagsama sa mga magulang, o sa kinikilalang magulang, sa anumang plano ng pagpapakasal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Na-in love raw sila, hindi nagbilang ng araw, mga moments lang ang pinangahalagahan.

Kaya di malayong magtanong ang tao: Kelan uli at sa mga anong bagay pa makakalimot sina Mariel at Robin? Ilang ulit pa silang gagawa ng mga bagay na ang iniintindi lang ay ang nararamdaman para sa isa't-isa—magkagulo na ang mga kamag-anak, magkaiyak-iyak na riyan ang mga nag-aruga sa kanila?

SINUNGALING? Ikatlong isyu—at marahil ang pinakaseryoso dahil damay dito ang napakaraming tao—ay ang mga seremonyas na nakagulo sa utak ng publiko.

Lalo na ang tungkol sa umano'y kasalan nila sa Baguio, na pinamahalaan ng isang Ibaloi priest, at sa umano'y Christian wedding nila sa isang pastor. (CLICK HERE to read related story.)

Ayon kay Mariel, "I want to make it clear na hindi naman nanggaling sa amin [ang balita]. Iba ang nagsalita. Siguro, hindi din niya [Ibaloi priest] alam na kasal na kami noong time na nangyari sa Baguio."

So, ano ba yung naganap sa Baguio noong September 13?

Ayon kay Mariel, "It's just for the family. It's for Ali [Robin's son]...para makilala niya yung sa Cariño side." Ito ang side ng mother ni Robin na si Eva Cariño-Padilla.

Ayon pa kay Mariel, hindi nila niloloko o pinapaikot ang ulo ng mga tao.

"Ako, personally, pagod na pagod na ako na tinatawag kaming sinungaling! Whatever you say, kami pa din ang may kasalanan... I don't understand why.

"Hindi na ba matatapos? Hindi ba puwedeng maging masaya na lang? Ito na nga, inilabas na ang totoo, sinungaling pa rin, may butas pa rin," himutok ng 26-year-old TV host-actress.

Inamin din ni Mariel na talagang naapektuhan siya ng mga isyung nagsisilabasan.

Aniya, "I'm very affected. Everything that has been happening and all. And I don't understand why.

"I'm not even visually active any more. I mean, I'm not retiring, but for the last month, I have been with Robin. And yet so many things are coming up."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

KOMENTARYO NG PEP: Sa kasamaang palad, hindi hinimay nang husto ang isyung ito ng host-interviewer na si Boy Abunda. Kahit na ito ang nakikita ng marami na totoong "kasalanan" nina Mariel at Robin: ang panggugulo sa isipan at emosyon ng publiko.

Mukhang inaasahan ni Mariel na magsabi lang sila ni Robin nang minsan ng "totoong" petsa ng kasal nila ay matutuldukan na ang gulo ng iba pang petsa ng kasal na kumalat na.

Na magbigay lang sila ng pahayag sa kanilang network, ang ABS-CBN, ay sapat na para mapawalang-bahala ang maling news report na unang nanggaling sa network ding iyon?

Hindi nila naisip na para silang the boy who cried wolf. Sa di nila pagsagot agad, at sa pagsagot nila nang lumaon ng maliligoy at paliku-liko—nahilo na ang tao. Kahit pa, sa huli, ay sumagot na sila ng payak, nangyari na ang kaguluhan.

Marami na ang nadala at ayaw nang maniwala sa kanila nang basta-basta. (CLICK HERE to read related story.)

Dagdag pa rito, hindi naging sapat ang paglabas nila sa The World Tonight ng ANC noong September 21. Sa kasamaang palad kasi, malabnaw ang pagtatanong ni Tina Monzon Palma.

Natukoy man ng beteranang TV host ang kung kelan talaga nangyari ang kasal, hindi niya nadala ang interbyu sa mga hard issues na tinatawag: ang panggugulo sa publiko, ang di sapat na paghingi ng paumanhin, ang pangangailangan ng linaw ng mga bagay-bagay na sumabog na sa media, mula broadsheet hanggang tabloid hanggang TV hanggang web.

Tulad na lang ng isyu ng Ibaloi priest, na hanggang ngayon ay nagsasabing valid ang kasal na kaniyang ini-officiate. Tulad na lang ng kung bakit hinayaan ng dalawa na magdaan ang napakaraming oras nang hindi nagbigay ng anumang statement upang ituwid ang sinasabi nilang maling balita?

May managers naman sila na maaaring sumagot. Na puwedeng magbigay ng kahit isang talata na maglilinaw—agad-agad, dahil age na ng new media, kung saan napakabilis ng pagkalat ng balita—na hindi totoong kasalan ang nangyari sa Baguio, kung hindi nga ito totoo. At bakit ginamit pa si Alih na dahilan para rito? E, idinamay na nga nila ang bata nang dalhin sa Ibaloi ceremony?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dangan kasi ay hinayaan ni Tina na si Robin ang magdala ng interbyu.

Dangan din kasi'y hindi kabisado ni Tina ang showbiz, kaya di siya makapasok ng akmang tanong o komentaryong makapagdadala sa interbyu sa mga kailangang malinawan ng tao.

At dangan din kasi'y hindi lenguwahe ni Tina ang Tagalog. Hirap na hirap siyang magtanong, gayo't nangangailangan niyang kunan ng maraming diretso at klarong sagot ang dalawang artistang nasa harapan na niya.

Naihabol man ni Tina na marami ang naguluhan sa kanila, hindi rin niya na-pin down sina Robin at Mariel tungkol dito. Hinayaan na lang na ang tumuldok sa isyu ay ang palaban pang sagot ni Mariel—na hindi raw sa kanila nanggaling ang balita, na ang pakahulugan ay hindi sila ang nanggulo sa tao, na ang pakahulugan ay wala silang kasalanan.

Pati na ang panawagan ni Robin sa media na dapat tinatanong siya, o silang dalawa, tuwing may isyu, ay hindi rin natutukan ni Tina. Sinabi lang niya—na para lang silang nag-uusap na magkakaibigan at magkapamilya sa iisang network—na tumatawag siya sa dalawa at di niya sila makontak.

Walang pagkaklaro ang TV host na ang panawagan ni Robin ay hindi kapani-paniwala—dahil wala itong sinasagot sa mga tawag ng media nang mga panahong iyon. Na pati ang manager niyang si Betchay Vidanes ay parang naglaho rin sa bula nung mga araw na iyon.

Ganun din naman si Mariel. Hinarap ng manager nito ang mga tanong ng reporters, ngunit para lang sabihin na wala rin siyang alam sa mga kaganapan.

Wala sa lugar ang pagka-chummy chummy ng interview ng The World Tonight. Walang natuldukan.

Mukhang di naalala ng TV anchor na pumapailalim siya at ang programa niya sa ABS-CBN news and public affairs division, na siyang may malaking responsibilidad sa pagbibigay-linaw sa isyu, dahil ito ang unang nag-broadcast sa Pilipinas na ikinasal na sina Robin at Mariel sa Baguio.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

WILLIE REVILLAME. Ang ika-apat na isyu ay ang pagkakasangkot ng pangalan ni Mariel sa iba't ibang isyu kay Willie Revillame, at sa mga Kapamilya stars na sina Luis Manzano, Anne Curtis, at KC Concepcion.

Una na nga ay ang pagte-text diumano ni Mariel kay Willie at sa pagsasabing handa siyang sumunod sa bagong programang ilulunsad sa TV5 ng dating host ng Wowowee.

Ayon kay Mariel, "They said na I apparently sent a message to Kuya Willie. Unfortunately, kasi Kuya changed his number.

"The last time I sent a message to Kuya was before [Pilipinas] Win Na Win started. Ako ay nagpasalamat para sa Wowowee. Kumbaga, kinukuha ko yung blessing niya...na nagbibigay respeto na nagsisimula kami ng bagong noontime show."

Hindi raw nag-reply si Willie, pero okay lang daw ito dahil noong huling mag-text ang dating Wowowee host ay sinabing proud siya kay Mariel.

Hindi rin daw totoong nag-text ulit siya kay Willie na nagsasabing susunod siya sa programa nitong bubuksan sa TV5.

KOMENTARYO NG PEP: Tinatawagan ng PEP si Willie upang klaruhin ang bagay na ito. Unang nabasa ang balitang ito sa mga tabloids. Ngunit walang alam ang PEP na direktang quote galing kay Willie na nagsasabing nag-text nga sa kaniya si Mariel.

Sa mga susunod na isyu kay Mariel—na damay sina Luis Manzano, Anne Curtis, KC Concepcion, at Toni Gonzaga—wala pang kalinawan. Open-ended, ika nga.

Hanggat di talaga nagsasalita ang mga nabanggit na artista, hindi malalaman ng tao ang buong kaganapan. Hindi rin malinaw kung magsasalita nga ang sinuman, sapagkat sinasabing nasa iisang Kapamilya station silang lahat.

Kaya sa ngayon, nakaumang pa rin ang mga isyung ito kay Mariel. Isipin na muna ni Mariel, bakit nga kaya sa kaniya nangyayari ang lahat ng ito?

Latebreaking, 1 p.m. today: Nakausap na ng PEP si Willie Revillame. Ang sabi nito, "Wala, walang text si Mariel. Totally, kasi nagbago na ako ng number. Hindi siya nag-text sa akin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

LUIS MANZANO & ANNE CURTIS. Ikinagulat naman ni Mariel ang tungkol sa umano'y panlalaglag niya raw sa kaibigan at sa minsan naging co-host niya sa Wowowee na si Luis Manzano.

Ayon sa balita, nakarating diumano kay Robin ang insidente kung saan muntik nang halikan ni Luis si Mariel sa Wowowee. Dahil dito, tumawag daw si Robin para kumprontahin si Luis.

Balitang agad daw itong itinanggi ni Luis. Subalit ayon sa intriga, nalaman diumano ni Luis na mismong si Mariel ang nagsumbong kay Robin. Bagay na ikinasama raw ng loob ni Luis.

"What?!" gulat na sabi ni Mariel. "I don't even know that. I have no idea."

Hindi naman maintindihan ni Mariel ang sinasabing iringan daw nila ni Anne Curtis. Ayon kasi sa intriga, si Anne daw umano ang nagsumbong kay Toni sa mga hindi magagandang sinabi ni Mariel about Toni.

"You know, I was just texting with Anne the other day. Never kami ni Anne nagkaroon ng isyu," pagtanggi ni Mariel.

"Let's not drag Anne into this. How come everyone [is being involved]? That's my question, why everyone? I don't understand."

KC CONCEPCION. Pinabulaanan din ni Mariel na mayroon silang samaan ng loob ni KC Concepcion. Nag-ugat ang intriga dahil sinabi umano ni Mariel na bakit may sariling show agad si KC na Simply KC gayong mas nauna raw siya sa showbiz.

Aniya, "Actually, that's where I was surprised today. I have no issue with KC at all. I was so surprised.

"Natatandaan ko, ako pa nga yung unang-unang nag-guest sa Simply KC. Natatandaan ko na tuwing maganda siya sa The Buzz, lagi ko pa siyang pinupuri.

"Bakit naman nilalagyan ng mga tao ng masasamang [isyu]? I don't know what the issue still is. I really don't know, but I have no issue at all with KC."

Nagbigay rin ng mensahe si Mariel para kay KC.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Thank you, kasi never siyang nagpakita sa akin ng kahit na anong masama. On my part, I don't think rin na meron akong nagawa sa kanya o napakita na masama. I even remember saying na 'ang galing niya.'

"Siya ang unang nakapansin nito," ani Mariel, na ang tinutukoy ay ang engagement ring niya nang minsang mag-guest siya sa The Buzz.

"I don't know what the issue is. Thank you, kasi wala rin siyang sinabing masama, I respect her."

TONI GONZAGA. Nagsalita na rin si Mariel hinggil sa hidwaan nila ng dating Pinoy Big Brother co-host at kaibigan na si Toni Gonzaga.

Matatandang naunang nagsabi si Toni ng sama ng loob niya kay Mariel. (CLICK HERE to read related story.) Hindi man idinetalye ni Toni noon ang ugat ng pinag-awayan nila ni Mariel, ayon sa mga naisulat na bali-balita ay may sinabi diumano si Mariel na ikinasama ng loob ni Toni. Gaano ito katotoo?

"Toni is my friend. I love Toni. So, with everything that's been said, gusto kong maalala yung friendship namin ni Toni for how it was," umiiyak na sabi ni Mariel.

"It was a good friendship. We loved each other. Kaya nakikiusap ako sana huwag palakihin kasi pinapahalagahan ko ang mga kaibigan ko."

Ayon pa kay Mariel, never daw siyang naging traydor sa kanyang kaibigan. Taliwas sa nasabi ni Toni na feeling niya ay na-betray siya.

"Me as a friend, marunong akong mag-value ng kaibigan," depensa niya sa kanyang sarili.

"Kung meron man pagkakataon na meron akong kaibigan na nasaktan, marunong akong tumanggap ng pagkatalo dahil mali ako. I can apologize kapag alam ko na mali ako.

"I never said I was perfect but I know in my heart, and I'm sure lahat ng mga naging kaibigan ko at mga kaibigan ko, alam nila na ni minsan wala akong kaibigan na trinaydor. I've been a good friend."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Mariel, ito na raw ang huling pagkakataon na magsasalita siya tungkol sa intrigang sangkot si Toni.

"I really, really don't understand... I don't know, it was hard.

"Some people asked me to comment. How could I comment, I did not know?

"I don't understand where it's coming from. I don't know.

"So, please huwag na lang tama na. I'm not doing anything."

Ngunit sa kabila ng mga intriga at sama ng loob, ayon kay Mariel, mananatili raw ang lalim at halaga ng magandang pagkakaibigan nila ni Toni. Masakit daw para sa kanya ang pangyayaring ito kaya hindi niya rin malaman kung anong mensahe ang ibibigay niya para kay Toni.

"Very emotional [ako] about that kasi mahirap na may ganito na nangyayari sa magkakaibigan. Toni was like a sister to me. I'm still hurting," sabi niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN