Ai-Ai delas Alas celebrates 20th anniversary in showbiz

IMAGE 0


"There's [more] beyond the title. Marami pang puwedeng gawin. Marami pang puwedeng i-improve. Title lang 'yon. Pero siyempre, masarap sa pakiramdam, 'yong mayroon kang title. Masarap 'yon. Ang maganda lang, dapat ingatan mo ang title mo, huwag kang over-acting sa title," Ai-Ai delas Alas says about her being the "Comedy Concert Queen."


Bagamat dalawang dekada na siya sa mundo ng showbiz, hindi ito dahilan para sa tinaguriang Comedy Concert Queen upang iwanan ang industriya.

At sa kanyang ika-20 anibersaryo sa showbiz, isang comedy concert ulit ang ihahandog ni Ai-Ai delas Alas para sa kanyang fans—Akin Ang Tronong 'To—na gagawin niya sa Araneta Coliseum ngayon, Nobyembre 19.

Balikan natin ang paglalakbay ni Ai-Ai mula noong mga unang hakbang niya.

Unang nakilala ang batikang komedyante sa mga sing-along bar tulad ng tanyag na Music Box sa Quezon Ciy.

"Marami akong start. 'Tapos napunta na ako sa TV," sabi ni Ai-Ai sa PEP (Philippine Entertainment Portal) nang tanungin siya kung paano siya nakapasok sa showbiz.

"Sa TV, nag-start ako sa Kwarta o Kahon, nag-guest ako once.

"Then, ang pinaka-guesting ko na isa pa ay 'yong Not So Late Night With Edu. Ang friend ko doon ay writer sa ABS-CBN. So, wala silang ma-guest, pinilit niya ako i-guest. Sinabi niya kay Edu, i-guest natin ito.

"'Tapos noong i-guest nga, ayun tinanong ko si Edu, 'Ano ang pakiramdam niya at nakakita siya ng guest na kagaya ako?' Tulala si Edu noong mga panahon na 'yon."

REGULAR TV HOSTING. Iyon na ang naging hakbang ni Ai-Ai upang mapasok ang telebisyon.

Kaya naman noong 1993, napasama na siya bilang isa sa mga regular na host ng dating noontime variety show na Lunch Date, na naging Salo-Salo Together.

Bukod dito, naging host din siya ng isa sa mga naging matagal na kalaban ng long-running noontime show na Eat Bulaga!, ang Magandang Tanghali Bayan o MTB.

Gayundin, nagkaroon siya ng pagkakataon na gawin ang dati niyang ginagawa sa musical show na Sing-galing (2000).

Dahil dito, itinanghal siya bilang Best Game Show Host ng Star Awards for Television noong 2000.

GIFTED COMEDIAN. Ngunit kung may sobrang ikinatutuwa si Ai-Ai bilang artista, ito ay nang bigyan siya ng pagkakataon na maipakita ang kanyang kakayahan na magpatawa sa harap ng maraming tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ito ay sa pamamagitan ng isang comedy concert, na halos lahat ay sold out at naging patok sa kanyang mga tagahanga.

Bukod sa kanyang tagumpay sa concert stage, itinuturing ni Ai-Ai na isa sa mga highlight ng kanyang career ang pagbibigay sa kanya ng Star Cinema ng kanyang pagkakataong magkapagbida sa pelikula—sa 2003 box office hit na Ang Tanging Ina.

Nagkaroon ito ng sequel, Ang Tanging Ina Ninyong Lahat noong 2008, at ngayong taon, ang panghuling installment daw, Ang Tanging Ina Mo Rin (Last na 'To!).

Nakita ang husay ni Ai-Ai bilang isang komedyante sa iba pang pelikula, tulad ng Ang Cute ng Ina Mo (2007), kung saan nakamit niya ang Best Movie Actress award mula PMPC Star Awards for Movies.

Naging super heroine siya sa Volta noong 2004, at naipakita niya na kaya niyang makipagsabayan kay Megastar Sharon Cuneta sa BFF o (Best Friends Forever)noong 2009.

"DESTINY KONG MAGING COMEDIAN." Noon pa man, alam na ni Ai-Ai na ang pagiging komedyante ang tatahakin niyang karera sa showbiz. Kaya naman sobra niya itong pinahahalagahan.

Sa katunayan, sinabi niya sa PEP na kahit matagal na siyang nagpapatawa, hindi siya napapagod gawin ito.

"Kapag nandiyan ka, kailangan constant, hindi practice, but constant learning, constant innovation. Hindi lax. Basta constant ang aral, basta steady ka lang, 'yong posisyon mo, dapat alagaan mo," pahayag niya.

Aminado ang singer-comedian na marami pang darating na bago sa showbiz na katulad niyang magaling magpatawa. Subalit, aniya, hindi naman ibig sabihin nito ay mapapalitan na siya.

"Walang pumapalit sa kahit sinong artista," pahayag ni Ai-Ai.

Sabay nagbigay siya ng halimbawa, "Marami namang komedyante ngayon ang magagaling—sina Eugene [Domingo], Pokwang, Vice [Ganda], Chokoleit. Magagaling na komedyante 'yan.

"And lahat naman 'yan, nagpa-follow, kasi 'yong iba galing sing-along bars. Si Vice galing sing-along, si Pokwang galing sing-along. So, 'yong part na 'yon, na-follow na nila ako kasi from sing-along ako galing.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Napapa-follow nila, pero iba't iba ang klase ng talent ng komedyante."

Imposible rin daw na maubusan ng bagong gimik ang mga komedyanteng tulad niya dahil, "Hangga't maraming may sumisibol na mga bagong artist, mayroon kang bit by bit na makikita sa kanila na, 'A, ito, bago ito. Gagawin ko ito.'

"Hindi mo naman kokopyahin. Kumbaga, mayroon ka lang peg."

Nabanggit pa ni Ai-Ai na ang pagdating ng mga bagong artista ay isang paalala sa kanya na hindi dapat pabayaan ang trabaho.

"Ang masasabi ko na lang, maraming bagong artista ngayon ang hindi ka puwedeng mag-relax. Kasi, anytime, mayroong mga darating na bago.

"So, ikaw 'yong foundation mo as an artist ay matibay, hindi ka nila bubuwagin."

PAGRETIRO, MALAYO PA. Nang tanungin naman ng PEP kung naabot na niya ang pinakamataas na baitang ng kanyang career, agad niyang sinabi, "Hindi pa."

Pagkatapos ay nagpatawa pa itong sumagot, "Hindi pa ako nakakapag-Hollywood, e. Kapag na-reach ko na 'yon-parang Charice Pempengco, 'yong ganun na nasa Hollywood, international kang kilala."

Hindi itinatatak ni Ai-Ai sa isip ang titulong "Comedy Concert Queen" dahil, para raw sa kanya, katulad pa rin siya noong nagsisimula pa lamang siya.

"Title lang naman 'yon, bigay lang naman ng tao 'yon," paliwanag ni Ai-Ai. "I mean, there's [more] beyond the title. Marami pang puwedeng gawin. Marami pang puwedeng i-improve. Title lang 'yon.

"Pero siyempre, masarap sa pakiramdam 'yong mayroon kang title. Masarap 'yon. Ang maganda lang, dapat ingatan mo ang title mo, huwag kang over-acting sa title."

Sa ngayon, hindi pa raw naiisip ni Ai-Ai na tumigil sa pag-arte at pagpapatawa. Malayo pa raw ito, sabi niya.

"Siguro mga 55 or 60, relax na ako niyan kasi graduate na 'yong anak kong pinakabata. Hindi ko na kailangang harass-in ko ang sarili ko sa pagwo-work kasi graduate na sila," natatawang sabi ng Comedy Concert Queen.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN