Assunta de Rossi says she's happy with husband Cong. Jules Ledesma despite his lack of time for her

IMAGE 0


"Wala akong ibang dapat gawin kundi intindihin ang asawa ko, dahil wala naman siyang choice rin. Napakabait ng asawa ko, alam kong darating yung time na maisi-set niya niya yung priorities niya na kami naman yung nasa una," says Assunta de Rossi about her husband Congressman Jules Ledesma of Negros Occidental.


Napagdududahan ang sobrang kapayatan ni Assunta de Rossi ngayon kaya naman marami ang nag-i-speculate na baka problemado ngayon ang aktres sa kanyang marriage life o di kaya'y may karamdaman ito.

Pero sa interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Assunta, nakangiti nitong itinanggi ang mga haka-haka tungkol sa kanya at sa pagsasama nila ni Cong. Jules Ledesma ng Negros Occidental.

"Kasi wala akong ginagawa," bungad ng aktres sa PEP. "Puwedeng yun [ang dahilan], kasi nga I just stay home. Tinatamad akong kumain. Kailangan talagang busy ako."

Hindi ba dapat pag nasa bahay lang at walang ginagawa ay tumataba dahil puro kain at tulog lang?

"Hindi, e. In my case, baliktad. Kasi lagi akong nakaupo buong araw. Tinatamad akong tumayo para kumain," paliwanag pa rin niya.

Sigurado naman si Assunta na hindi bababa sa 100 lbs. ang kanyang timbang. Baka raw nasa 110 lbs. ang weight niya ngayon.

"Nakakatakot naman kung under 100 pounds na ako, baka sa hospital na ang bagsak ko nun. Yun nga, e. I am working on it. Alam ko naman na, or if you call that eating disorder. But, I'm very healthy naman.

"Ako kasi yung pakonti-konti kumain, pero gusto ko maya-maya. Yun nga lang kasi pag nasa bahay ako, tamad na tamad akong kumain. Kailangan nasa labas ako or nagtatrabaho."

Kailangan daw kasi may ginagawa siya para magutom at kumain.

"When you're active kasi, pag napapagod ka, nagugutom ka. Ako kasi palibhasa nasa bahay lang ako, hindi ako napapagod kaya hindi ako nagugutom, gano'n. Kasi wala akong activity," nakangiti pa niyang paliwanag.

Nasa lahi rin daw nina Assunta ang pagiging payat.


"Wala talaga akong sakit," sabi uli niya. "Tanggap ko na talagang nasa genes namin. If you look at my relatives, we're all talaga stick-thin. It's normal. Magtaka na kayo kung mga 200 pounds na ako. Talagang himala na yun! Ha-ha-ha! Kahit yung mga kapatid ko, mga pinsan ko, talagang balingkinitan lahat, pati na sa mother side ko."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Masyado nga raw masarap ang buhay niya ngayon, kaya balewala sa kanya ang mga tsismis na kaya siya payat ngayon ay dahil may problema sa pagsasama nila ni Cong. Jules.


"Actually, hindi ba dapat masarap ang buhay ko dahil wala akong ginagawa at wala akong kailangang problemahin pa? Ha-ha-ha! Hindi lang talaga ako nagkakakain.

"You know, I don't have to pay the bills, hindi ko kailangang gumawa ng mga gawaing bahay. Hindi ko kailangang buhayin ang pamilya ko. Couch-potato lang ako, yung gano'n! Ang side effect lang doon, hindi ako makakain. But I'm fine," masaya pang pahayag ni Assunta.

ALL OUT SUPPORT FOR JULES. Balita rin kasing wala nang kumukuha kay Assunta kaya wala siyang project ngayon. Ito ba ang dahilan kaya hindi siya nagtatrabaho?


"Well, lately lang kasi ako parang nag-active uli, di ba? Nung first quarter of 2010, dalawang soap ang tinanggihan ko dahil natapat sa eleksyon at hindi ako puwedeng magtrabaho siyempre. Malayo ang probinsya." Tumakbo uli kasi sa pagka-congressman sa unang distrito ng Negros Occidental ang asawa niyang si Jules.

"Hindi naman puwedeng pauwi-uwi roon dahil mapapagod naman ako. Saka kahit okey lang na mag-work ako during the campaign, pangit pa ring tingnan dahil hahanapin ako ng mga tao roon. Baka magmukha naman akong walang pakialam at hindi supportive sa grupo namin."

Naging aktibo kasi si Assunta sa pagsuporta sa mga kasama sa partido ng kanyang asawa.

"I-exclude na lang natin yung asawa ko, yung grupo na lang naming, our mayors. Siyempre, distrito 'yan, e. Five towns. We have to support them. Pag wala ako, ano na lang ang sasabihin, wala akong pakialam? Mas pinili kong kumita ng pera sa Manila, gano'n?" paliwanag pa ni Assunta.

PASSING OPPORTUNITIES. Dalawang ABS-CBN shows ang tinanggihan ni Assunta para lang suportahan ang asawa niya at mga kapartido nito nung nakaraang eleksyon. Kasama siya dapat sa Kokey at Lovers in Paris. Pero kamakailan ay nakita na nga uli si Assunta sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya ng Dos at isa ring episode ng Untold Stories mula sa Face To Face ng TV5.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Para kay Assunta mas matimbang pa rin ang commitment niya sa kanyang pamilya kaysa kanyang sariling career.

"Siyempre, number one sa akin ang family ko. I have to sacrifice ang career talaga. Wala naman tayong choice. Pero hindi naman tayo nagku-complain. Para sa family ko naman ito, e. Ayoko lang na may nasasabi sa akin. Yun lang naman. Handa akong mag-take a back seat if only for that."

Actually, March na nga lang daw nang simulan ni Assunta ang pagtulong sa kandidatura ng kanyang asawa noong nakaraang eleksyon.

"Late na rin kaming nangampanya dahil hinintay muna naming makapag-graduate yung mga anak namin." Ang dalawang anak ni Jules sa unang asawa na sina Cristina Julieta (17 years old) and Julio Carlos (13 years old) ang tinutukoy ni Assunta.

"Magkasunod silang grumadweyt ng high school at elementary. So, siyempre, hindi kami maka-alis. Pag eleksyon walang tao sa bahay namin sa Manila [Alexandra Condo in Pasig City]. We bring everything there, pati yung aso namin. So, hinintay na muna namin yun. Nagpunta na kami doon, April na."

Pero may panghihinayang ba siyang naramdaman na napalampas niya ang mapasama sa dalawang malalaking project na yun ng ABS-CBN?

"Siyempre, kahit paano meron rin. Pero gano'n talaga. Pasensya na kasi natapat sa eleksyon. Wala naman kasi akong magagawa, e, di ba? I did it for my husband. 'Saka ayoko rin na magkahiwalay kami. Hindi namin kaya. Yung mga tipong, 'O, kakauwi lang ako kasi may trabaho ako.' Hindi ko kaya. Baka ikamatay naming pareho! Ha-ha-ha-ha!

"Kasi usually, di ba pag soap you tape twice or thrice a week? Ang layo ng Negros. Kung Laguna lang o Cavite, walang problema, puwedeng-puwede. Yung sa Negros, one hour by plane, two hours by land. So, mamatay naman ako sa pagod no'n. Kahit ano pang pilit mo hindi talaga puwede dahil malayo nga yung probinsya," patuloy ni Assunta.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi raw talaga kayang i-sacrifice ni Assunta ang relationship nilang mag-asawa para lang sa career niya.

"Well, it's been eight years. I think, na-prove na naman namin sa isa't isa na it's for life talaga," nawika pa ni Assunta tungkol sa kanilang relationship bilang mag-asawa ni Cong. Jules.


BABY AND A NEW HOUSE. Mabuti na lamang at hindi naman napipikon si Assunta sa tanong tungkol sa pagkakaroon nila ng sariling baby ni Cong. Jules.

"You know what, parang... Well, ayoko namang lumabas na parang napaka-preachy ko. But you know, ang daming events sa buhay namin na Biblical. Na akala mo pag binasa mo relevant siya nung unang panahon, pero relevant pa rin up to now. So, yun ang pinanghahawakan namin. I'm not saying na sobrang religious and all. Pero when you read it, parang yun ngang ganyan yung nangyayari sa amin.

"When we read something parang natatamaan lang na, 'Oo nga, no?' Like yung sinasabi roon [sa Bible] na, finish your outdoor work, prepare your fields, then go build your home. Ang interpretation namin doon, tapusin mo lahat ng kailangan mong tapusing obligasyon at trabaho mo, kasi nga gusto naming magkaroon ng bagong bahay, then go build your home.


"In his [Cong. Jules] case ang dami niyang obligasyon na kailangan niyang tapusin which is ginagawa naman niya and I believe na darating din naman yung araw na si Lord, maybe maaawa Siya sa amin. Ibi-bless kami. Kami naman yung gagawin, kumbaga, number one priority. Kasi sa totoo lang ang dami naming priorities at ang plano namin, sa amin lang talaga. Magkaroon kami ng bagong bahay at magkaroon ng babies.

"As of now, para kaming sardinas sa bahay namin. Doon pa rin kami sa Alexandra [Condo]. I mean, kawawa naman yung mga anak ko, high school at college na yung mga anak ko, nagsi-share pa rin sila ng room. Yung room, pambata pa," pagtatapat pa ni Assunta.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi raw sila makabili ng bagong bahay dahil marami pang ibang dapat unahin.

"Ang daming obligasyon! Obligation after obligation, lalo na sa side niya. Kasi may pinapatakbo siyang distrito. May pinapatakbo siyang dalawang korporasyon. On top of that may inaasikaso siyang yung sa kamag-anak niya, yung sa angkan niya. Parang as of the moment we're putting everyone else above. Kami lagi yung nasa last priority, kami yung laging huli sa listahan."

Hindi naman daw problema ang budget sa pagbili ng bahay.

"The budget is not a problem kasi may lupa kami sa San Lorenzo Village na binebenta namin. The problem is, may time ba? Wala. Magugustuhan ba? Kasi it's not about na para lang ma-prove mo na kaya mong gumastos. Ang tanong, masaya ka ba sa bibilhin mo? Di ba?

"E, my husband is so picky. Ang picky-picky niya sa ano. Kung bahay rin lang, ang dali-daling bumili lang ng bahay. Pero gusto niya yung masaya siya sa bibilhin niya. Dahil ayaw niya ng, 'O, sige para lang magkabahay, bilhin na natin.' Pero maba-bad trip lang siya every day." paliwanag ni Assunta.

"Gustuhin man naming magpatayo ng sarili naming bahay, walang oras. Mag-isip ka pa lang ng design masakit na sa ulo yun. Sabi niya, 'Gustuhin ko man na magpatayo ang dream house ko, e, baka atakihin na ako sa puso niyan dahil design pa lang sumasakit na ulo ko because I want a nice house.'

"Hindi naman kailangang palasyo. It's not that, e. According sa taste mo at sa standard mo. Actually, ang daming options na may makikita kang really-really nice house na puwede kang mag-move in na lang or mag-buy ka ng condo na malaki ng konti. Pero yun nga e. Hindi siya puwedeng mangyari overnight. Kailangan mo rin kasing bigyan ng oras.

"Hindi naman yung mag-iikut-ikot ka at pag nakita mo bilhin na natin 'yan. Kasi bahay yung pinag-uusapan dito. Para sa amin reflection yun ng kung ano ka. So, kailangan talagang gustung-gusto mo," pagdidiin ni Assunta.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

UNDERSTANDING JULES. Aminado naman si Assunta na wala talagang oras para sa kanila ang kanyang asawa dahil sa patung-patong na trabaho nito, pero tanggap niya ang sitwasyon. Katunayan, naawa siya sa kanyang asawa sa pagiging dedicated nitong mapagsilbihan ang iba.

Kaya nga kapag bumabawi ang asawa niya sa kanila nina Cristina at Carlo, ina-appreciate niya ang mga ito dahil alam niyang nag-i-effort ang kongresista na balansehin ang panahon nito para sa kanila.

"Wala akong ibang dapat gawin kundi intindihin ang asawa ko, dahil wala naman siyang choice rin. Napakabait ng asawa ko, alam kong darating yung time na maisi-set niya niya yung priorities niya na kami naman yung nasa una. Sa ngayon, ang kailangan ng asawa ko, pang-unawa talaga. And I'm here to support him, love him, understand him."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN