Manilyn Reynes announces Triplets reunion with Sheryl Cruz and Kristina Paner

IMAGE 0


"Abangan na lang nila kasi inaayos pa namin ang lahat-lahat. Basta pare-pareho kaming excited na tatlo, kaya alam kong matutuloy ito," says Manilyn Reynes about the reunion project she and former Triplets members Sheryl Cruz and Kristina Paner are planning to do.


Isang reunion daw ang inihahanda ng sumikat na trio noong 1980s na The Triplets, na binubuo nina Manilyn Reynes, Sheryl Cruz at Kristina Paner.

Natiyempuhan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang tinagurian noon na "Star of the New Decade" na si Manilyn Reynes nang bumisita ito sa radio program ni German Moreno sa dzBB noong Martes, September 28.

In-interview siya ni Kuya Germs at doon nga sinabi ni Manilyn na pinaplano na nilang tatlo ang pagsasama-samang muli para sa isang reunion show.

"Oo, Kuya Germs nag-uusap-usap kami nina Kristina at Sheryl na magkaroon ng reunion at ito yung pinaghahandaan namin ngayon," sabi pa ng isa sa mga naging alaga ni Kuya Germs noon sa kanyang youth-oriented TV program na That's Entertainment.

"Ayoko pang idetalye kung anu-ano ang gagawin namin. Basta alam kong matutuwa sila." Ang tinutukoy ni Mane na matutuwa ay ang mga tagahanga nila noon na hanggang ngayon ay tapat pa rin sa paghanga sa kanilang tatlo, kahit na magkakahiwalay na sila't magkakaiba na ang mga ginagawa nila.

Si Sheryl ay nagkokontrabida na sa mga shows ng GMA-7, habang si Kristina naman ay masaya sa buhay-may pamilya nito sa Spain.

"Abangan na lang nila kasi inaayos pa namin ang lahat-lahat," balita pa ni Manilyn. Pinag-uusapan pa raw nila kung pelikula, concert o show ang gagawin nila. "Basta pare-pareho kaming excited na tatlo, kaya alam kong matutuloy ito."

Tinanong ng PEP si Manilyn kung kasama ba sa reunion project nila nina Sheryl at Kristina ang kanilang mentor na si Kuya Germs.

"Of course naman kasama si Kuya Germs. Bale may special participation siya sa gagawin namin. Si Kuya Germs pa ba naman mawawala? E, sa kanya kami nagsimulang tatlo," sagot ng Cebuanang singer-actress.

Masayang-masaya si Manilyn dahil nakaka-dalawang seasons na ang Pepito Manaloto kunsaan siya ang pumapapel na misis ng bidang si Pepito, played by Michael V.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya nagpapasalamat kami sa mga taong laging nanonood ng show namin ni Michael V. Sana nga, mas patuloy pa nilang panoorin ang Pepito Manaloto tuwing Linggo after ng 24 Oras, dahil mas marami pa silang aabangan," plugging pa ni Mane.

Wala bang balak na magkaroon ng movie version ang Pepito Manaloto?

"Nagpapasalamat nga kami, kasi marami ang nagsasabing maganda yung tandem namin ni Bitoy [Michael V]. Marami nga po ang nagsasabi na sana may makaisip na gawan kami ng pelikula. Pero...malay natin, di ba? Biglang may mag-produce ng pelikula na pagsasamahan namin ni Bitoy."

Kinumusta naman ni Kuya Germs kay Manilyn ang batang cast member ng show na si Joshua Pineda.

"Naku, Kuya Germs, ang tagal-tagal na nawala. Na-miss ko nga! Pumunta pala ng probinsiya, pero bumalik na ulit siya sa show."

Si Joshua ang gumaganap na anak nina Manilyn at Bitoy sa Pepito Manaloto. Ikinuwento ni Manilyn na natutuwa siya kay Joshua dahil naaalala niya ang pagiging probinsiyana niya rin, bago nag-artista.

"Naalala ko nga, noong bata pa ako, bale ten years old din ako nang lumuwas ng Manila at nagpakita kay Mother Lily [Monteverde, Regal Films producer].

"Naaalala ko pa noon nang pinakanta ako ni Mother sa ibabaw ng lamesa. Ha-ha-ha! Pero ganyan na ako kalaki noon," tukoy ni Manilyn sa taas ng batang si Joshua na kasing-taas lang daw niya noong nagsimula siya. "Pero hanggang ngayon maliit pa rin ako. Hindi na ako lumaki, ha-ha-ha!"

Binibiro niya raw tuloy si Joshua. "Kaya nga 'yang batang yan, hindi na rin yan lalaki."

Nirekomenda pa ni Manilyn si Joshua kay Kuya Germs. Hanggang ngayon kasi'y patuloy pa rin sa pagtuklas ng mga kabataang may talent ang tinuturing ng Philippine showbiz na Master Showman.

"Sabi ko nga kay Joshua, humarap siya sa 'yo, Kuya Germs, 'tapos sabay kanta. Ang galing kumanta ng batang 'yan, Kuya Germs," rekomenda pa ni Manilyn.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN