German Moreno's wish on his birthday: Good health and the return of That's Entertainment

IMAGE 0


"Sinabi ko na gusto kong maibalik sa istasyon yung pagtulong ko noon sa mga kabataan na sana ay magawa ko ulit. Hindi lang naman kasi sa akin, kung hindi na rin sa ibang tao na gusto nilang maibalik ang That's Entertainment," says German "Kuya Germs" Moreno.


Hanggang ngayon ay pangarap pa rin ni German "Kuya Germs" Moreno na maibalik sa ere ang That's Entertainment. Isa nga ito sa mga wish niya ngayong birthday niya, bukod sa pagkakaroon ng malusog na pangangatawanan.

"Katulad ng wini-wish ko every year sa aking birthday na bigyan ako ng lakas ng katawan para magawa ko pa rin yung pagtulong sa mga kabataang nagnanais na maging artista. Yun talaga ang wish ko.

"Isa pang wish ko is, yung alam n'yo naman lahat, yung maibalik yung That's Entertainment," sabi ni Kuua Germs nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa mismong araw ng kanyang kaarawan kahapon, October 4, sa GMA Network Center.

Para sa mga hindi nakakaalam, ang That's Entertainment ay ang defunct youth-oriented talent and variety show ni Kuya Germs na tumagal ng sampung taon—mula 1986 hanggang 1996.

Sa That's Entertainment nagsimula at nahubog ang ilan sa mga sikat na artista hanggang ngayon. Ilan sa kanila ay sina Judy Ann Santos, Lea Salonga, Piolo Pascual, Janno Gibbs, Manilyn Reynes, Sheryl Cruz, Jean Garcia, Vina Morales, Carmina Villarroel, Aiko Melendez, Zoren Legaspi, Ian Veneracion, Ara Mina, Gladys Reyes, Donita Rose, Bing Loyzaga, Jestoni Alarcon, Rita Avila, Kyla, Ruffa Gutierrez, Rufa Mae Quinto, Francine Prieto, Billy Crawford, Keempee de Leon, Sunshine Dizon, Sunshine Cruz, at ang yumaong si Francis Magalona.

Banggit pa ng Master Showman, "Katatapos ko lang nga makipag-meeting sa pangulo ng GMA-7 [Atty. Felipe Gozon].

"Sinabi ko na gusto kong maibalik sa istasyon yung pagtulong ko noon sa mga kabataan na sana ay magawa ko ulit. Hindi lang naman kasi sa akin, kung hindi na rin sa ibang tao na gusto nilang maibalik ang That's Entertainment.

"Katulad na lang ng mga dumadating na reality shows, ginagaya pa rin naman nila yung ginagawa ko sa That's Entertainment. At kahit nga yung ibang mga istasyon diyan, ginagawa at ginagaya din nila yung ginagawa ko noon sa That's Entertainment."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May chance nga ba na maibalik ang That's Entertainment?

"Let wait and see," sagot ni Kuya Germs. "Ipagdasal na lang natin. Alam naman natin na makakatulong ang panalangin."

NORA AUNOR. Isa si Kuya Germs sa pinakamalapit sa Superstar na si Nora Aunor. Kaya naman hiningan namin ng update ang veteran TV host tungkol kay Ate Guy, lalo pa't nagkita sila sa Australia noong nakaraang buwan.

Matutuloy ba ang napapabalitang international movie na gagawin ni Nora?

"Recently nakatanggap ako ng tawag mula sa source ko sa Amerika. Sinabi niya na tuloy na daw yung gagawing movie ni Guy at pupunta na nga daw ito ng Canada para doon mag-shoot. Pero iba pa rin kung si Guy ang magsasabi," sabi ni Kuya Germs.

May ideya ba si Kuya Germs kung ano ang title ng pelikula, sino ang direktor, at sino-sinong artista ang makakasama ni Nora?

"Sa ngayon, wala pa namang nabanggit sa aking title ng pelikula, kung sino ang direktor, at kung sino-sino pa ang iba pang makakasama niyang artista. Ibabalita ko na lang sa inyo pag sure na sure na.

"Ayoko namang mag-imbento dahil hindi ko gawain ang mag-imbento ng sasabihin ko, lalo na't hindi ko pa naman talaga alam ang buong detalye. Basta nag-usap kami sa Australia. Sabi naman ni Guy sa akin, malalaman at malalaman ko yun pag okey na ang lahat.

"Hintayin na lang ninyo dahil sasabihin at sasabihin ko naman sa sandaling malaman ko na ang lahat-lahat tungkol sa gagawing pelikula ni Guy. Basta ang tanging masasabi ko lang ay tuloy na tuloy na ito.

"Makakausap at makakausap ko naman si Guy at malalaman ko sa kanya yung tungkol sa pelikulang gagawin niya."

May balak bang umuwi ngayong taon si Ate Guy?

"Oo naman," sagot ni Kuya Germs. "Napag-usapan na namin yun.

"Alam naman natin na magaling na artista si Guy kaya naman gusto niya ulit bumalik at magawa niya yung mga bagay na gusto niyang gawin—ang pag arte, pagkanta at pagko-concert."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa pagbabalik-Pilipinas ni Ate Guy, sigurado na bang may trabaho na siyang gagawin?

"May offer naman sa kanya. Kahit naman medyo matagal na nawala sa bansa si Guy, alam naman natin na magaling na artista 'yan.

"Kaya naman siguradong pagbalik niya, may maibibigay sa kanyang trabaho, lalo na't matagal-tagal din siyang nawala sa showbiz.

"Basta hintayin na lang natin ang pagbabalik ni Ate Guy. Alam ko naman na babalik at babalik siya dito."

Sa pagbabalik ba ni Nora sa bansa ay napag-uusapan na nila kung anu-ano ang gusto niyang gawin?

"Oo, gusto niyang balikan ang pag arte, pagkanta—kung babalik yung boses niya—at mag-perform sa harap ng kanyang mga tagahanga," sabi ni Kuya Germs.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN