Sylvia Sanchez returns to playing kontrabida in Koreana

IMAGE 0


"Binabasa ko pa lang nga yung script, naiisip ko nga na wala kayang mambato sa akin pag naglalakad akong mag-isa sa kalsada dahil sa sobrang sama ng role ko?" says Sylvia Sanchez about her role in Koreana.


Balik-kontrabida ang aktres na si Sylvia Sanchez sa bagong afternoon soap ng GMA-7, ang Koreana. Sa unang dalawang shows kasi ni Sylvia sa Kapuso network—Langit sa Piling Mo at Reel Love Presents Tween Hearts—mababait ang roles na ginampanan niya.

"Ang role ko dito sa Koreana, ako si Madam Sandra, nangmamata at nang-aapi kay Kris [Bernal] at nanay-nanayan niyang si Lotlot [de Leon]. Ako yung salbahe sa kanila.

"Sobrang salbahe ako dito dun sa mahirap na side ng story. Squatter kami dito, mahirap kami. Pagdating kasi sa mansion, si Eula Valdes na ang masama at magiging kontrabida," kuwento ng aktres sa kanyang role.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Sylvia sa presscon ng Koreana noong Martes, October 5, sa Executive Lounge ng GMA Network Center.

Gaano kasama ang role niya?

"Naku, sobra-sobrang sama!" bulalas ni Sylvia. "Kasi binubugbog at inaapi ko talaga dito si Kris Bernal."

Ayon pa sa aktres, sa sobrang sama ng kanyang roleniya ay natatakot siyang maglakad sa kalsada nang mag-isa dahil baka may bigla na lang manakit sa kanya.

"Binabasa ko pa lang nga yung script, naiisip ko nga na wala kayang mambato sa akin pag naglalakad akong mag-isa sa kalsada dahil sa sobrang sama ng role ko?

"Kaya nga hindi ko na nanaising maglakad sa kalsada mag-isa dahil baka bigla na lang may manakit sa akin sa sobrang sama ko sa Koreana. Ang role ko kasi dito masama. Kasi pisikal at nananakit ako dito at hindi lang basta-basta salita."

CONTINUOUS PROJECTS. Ano naman ang masasabi niya na tila nagiging paborito siya ng GMA-7 dahil sunud-sunod ang projects niya sa network?

"Masaya naman ako, wala namang problema. Masaya ako kasi pinagkatiwalaan nila ako. Kaya nga thankful ako sa GMA 7 dahil binibigyan nila ako ng magagandang proyekto," saad niya.

Hindi ba siya napapagod dahil dalawang shows ang magkasabay niyang ginagawa—ang Tween Hearts at Koreana?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi," sagot ni Sylvia. "Sanay na ako, e. Ito ang buhay ko, e. Masaya, masaya.

"Minsan kasi, di ba, pag wala kang trabaho, sasabihin wala kang trabaho, maghahanap ka. Kaya pag may trabaho ka, dapat thankful ka. Kaya thankful ako kasi may trabaho ako. "

"Yun naman kasi ang gusto ko, yung magtrabaho nang magtrabaho kaysa naman wala. Ngayon, dalawa yung show ko. Wala akong karapatang mag-complain dahil mas maganda yung may trabaho kaysa wala."

Ano ang masasabi niya sa mga baguhang stars na kasama niya rito sa Koreana, gaya nina Kris Bernal, Rocco Nacino, Steven Silva, at Saab Magalona?

"Actually, first day taping pa lang ako dito sa Koreana, pero ang na-meet at nakaeksena ko pa lang si Kris. Okey naman siya. Base na rin sa nakita ko, okey naman siya, marunong naman siyang umarte."

THE ACTRESS. Halos puro pag-arte sa telebisyon ang ginagawa ni Sylvia. Hindi ba niya nami-miss ang pag-arte sa pelikula, mapa-mainstream o indie film?

"Hindi naman, kasi kagagawa ko lang sa February ng pelikula under Star Cinema, yung pelikula nina John Loyd Cruz at Bea Alonzo [Miss You Like Crazy]. Ngayon, magsisimula ulit akong mag-shoot ng pelikula under Star Cinema pa rin."

Hindi pa raw alam ni Sylvia kung ano ang title ng pelikula dahil katatawag lang sa kanya na kasama siya sa pelikula.

Sa dami ng nagawa niyang pelikula o nagampanan sa telebisyon, may dream role pa ba siya o mga artista na gusting makasama?

"Artista, siyempre gusto ko pang makasama yung mga batikang artista, yung mga superstar natin. I mean, Nora [Aunor] nakasama ko na. Si Vilma [Santos], gusto ko 'yang makasama.

"Si Sharon... Pero si Sharon, nakasama ko na before sa movie, pero one scene lang kami. So, gusto ko pa ulit siyang makasama, yung medyo mahaba-haba yung mga magiging eksena namin.

"Sa role naman, siguro yung hindi ko pa nagagawa. Bulag at yung hindi nakakapagsalita, pipi at bingi. Kasi, di ba, mahirap? Gusto ko talaga bulag, pipi't bingi. Pero mahirap talaga yun," saad niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN