Bea Binene admits being hurt by intrigue that she's a scene stealer

IMAGE 0


"At yung sinasabi nilang maarte ako, hindi po ako maarte. Ganun lang talaga ako. Kung naaartehan po sila, wala po akong magagawa kasi yun po yung natural ko," defends Bea Binene on being called "maarte" and "nananapaw." Bea says she just does her best in every assignment.


Hindi maiwasang sumama ang loob ng tween star at isa sa cast member ng Tween Hearts na si Bea Binene sa mga isyung ipinupukol sa kanya.

Ilan sa mga isyu laban sa kanya ay pagiging maarte raw niya, feeling-magaling at maraming alam at "pananapaw" diumano sa kanyang co-Tween Hearts stars.

Bakas nga ang lungkot sa mukha ni Bea nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) noong October 6 sa GMA canteen. Aniya, wala naman daw siyang intensyong manapaw o magmagaling sa kanilang mga guestings.

"Grabe naman po... Nagkataon lang po na sa akin ibinigay yung maraming sasabihin kaya ako yung mas maraming sinasabi. Ginagawa ko lang naman po kung ano yung pinagagawa sa akin. Siguro po kasi among our group, ako yung medyo pinaka-senior or matagal na sa GMA-7 kaya sa akin binigay yung maraming sasabihin," pahayag ni Bea.

"Kasi nga nagsimula ako sa StarStruck Kids na sobrang bata at ngayon ay malaki na ako. Kaya kung titingnan mo, ako talaga yung matatawag na matagal na sa kanila. Pero, honestly speaking, wala po talaga akong balak na manapaw o magmarunong. Kung ganun yung naging palagay nila sa ginawa ko nang mag-guest kami sa Startalk."

Sa nasabing guesting kasi nila sa Startalk, si Bea ang nakahuntahan nang husto ng host na si Joey de Leon.

"Tinatanong lang naman po ako ni Tito Joey kaya naman sinasagot ko lang naman po kung ano ang tinatanong niya.

"At yung sinasabi nilang maarte ako, hindi po ako maarte. Ganun lang talaga ako. Kung naaartehan po sila, wala po akong magagawa kasi yun po yung natural ko," katuwiran pa ng 12-year-old Kapuso star.

Aminado si Bea na nasaktan siya sa mga nakarating sa kanyang masasamang isyu. "Ayoko naman kasing isipin ng marami na ganun ako. E, hindi naman po talaga."

Sa kabila nito, tatanggap pa rin daw si Bea ng mga utos na magsalita nang marami sa guestings nila, kung iuutos nga ito sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Oo naman po, wala naman akong karapatang humindi kung yun ang ipapagawa nila sa akin. Dedma na lang po ako sa sasabihin nila, basta gagawin ko kung ano ang dapat kong gawin.

"Para naman po kasi sa akin, trabaho lang naman po ito at binibigay ko yung best ko. If ever siguro na hindi nila gusto, wala po akong magagawa."

May nararamdaman ba siyang inis mula sa mga kasama niya sa Tween Hearts dahil nga sa sinasabing pananapaw raw niya sa mga ito?

"Wala naman po. Kaming lahat okey na okey naman sa isa't isa. Ni hindi nga namin napag-uusapan yung mga ganun kung hindi nga lang po may nagsabi sa akin.

"Habang tumatagal nga yung pagsasama-sama namin mas nagiging close kami sa isa't isa. Mas nagiging okey yung bonding namin.

CLOSENESS WITH KRISTOFFER. Bukod kay Jhake Vargas, close din daw si Bea sa Tween Hearts co-star niyang si Kristoffer Martin.

"Si Ton Ton [palayaw ni Kristoffer] kasi, mabait siya at hindi mahirap pakibagayan. At saka tinatawag niya akong 'Bia!' Ha-ha-ha! Kaya tinatawag ko naman siyang Tun Tun. Ha-ha-ha!"

Masarap daw kasama si Kristoffer.

"Bukod sa masarap siyang kausap, hindi siya boring kausap kasi funny siya. Maganda ang kanyang sense of humor. Kapag taping nga namin ng Tween Hearts, siya yung lagi kong nakakausap at nakakasama."

Hindi kaya magselos na si Jhake niyan sa sobrang closeness nila ni Kristoffer?

"Hindi naman siguro dahil kaibigan ko lang naman si Kristoffer, at ganun din naman siya," sagot ng dalaginding.

May possibility ba na magkapareha sila ni Kristoffer sa ibang proyekto ng GMA-7?

"Bakit naman po hindi? Kung bibigyan po ba kami ng show na magkasama. Okey rin naman po, di ba, na nagkakaroon kami ng iba't ibang kapareha. Parang katulad sa ibang stars ng GMA-7 na ipinapareha rin sa iba.

"Ako naman po kasi, kahit sino ang ibigay nila sa aking partner okey lang. Siguro yun ang paraan nila para subukan naman kung magki-click din kung iba yung ka-love team naming. Parang trial lang."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

IDOLIZING SUNSHINE. Tinanong ng PEP kung sinong aktres ang gustong sundan ng yapak ni Bea.

"Si Ate Sunshine Dizon. Kasi bukod sa magaling umarte, magaling mag-host kasi napanood ko siya sa Unang Hirit dati, mabait at maraming award. Ilang Best Actress na rin po yung napapanalunan niya.

"Minsan ko na rin po siyang nakasama. At nung napanood ko siya sa Bakekang, ang galing-galing niya. Kaya pagkatapos ko siyang mapanood, sabi ko sa sarili, siya yung gusto kong tularan.

"Kahit nga yung ibang soap niya sa GMA-7 ang galing talaga niya. Siya yung artista na kapag binigyan mo siya ng kahit na anong role, nagagampanan talaga niya nang buong husay.

"Sabi ko nga sa sarili ko, sana kahit kalahati ng galing ni Ate Sunshine, makuha ko. Ha-ha-ha! Para magka-Best Actress award din ako.

"Yun nga lang, ngayon medyo nagpapahinga siya. Pero alam na alam ko na makakabalik siya kasi iba yung husay niya sa pag arte."

GOOD RATINGS OF TWEEN HEARTS. Ano naman ang masasabi ni Bea sa magandang pagtanggap ng viewers sa kanilang show na Tween Hearts?

"Natutuwa nga po kami, kasi ilang linggo na panalo kami sa ratings. Kaya nga nagpapasalamat kami sa mga taong nanonood ng show namin tuwing Linggo. Sana nga po mas tumaas pa yung rating ng Tween Hearts.

"Kaya nga mas inspired kaming mas pagandahin pa po yung show namin para mas magustuhan pa ng mga manonood. Basta tumutok lang sila kasi mas magiging paganda pa nang paganda yung Tween Hearts sa mga susunod na linggo. "


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN