Ramon Christopher defends ex-wife Lotlot de Leon: "Very good mother siya sa mga anak ko and mabuting tao siya."

IMAGE 0


"Sa akin, kung puwedeng mas tahimik na lang kami pagdating sa usapan na 'yan, mas okay sa akin yun ganun. Siyempre, gusto ko rin namang magkaroon ng peace sa pagitan nina Mommy at Lotlot," says Ramon Christopher about the recent feud between his mom Pilita Corrales and ex-wife Lotlot de Leon.


Kasama si Ramon Christopher sa cast ng first kilig-serye ng TV5 na My Driver Sweet Lover. Kaya naman pagkatapos ng presentation ng cast sa presscon ng naturang show kagabi, October 14, sa The Grove sa Pasig City, kaagad hinanap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang aktor upang hingin ang kanyang pahayag tungkol sa pinakabagong alitan ng kanyang ina na si Pilita Corrales at ex-wife na si Lotlot de Leon.

Kung ang ibang cast ay pumasok sa air-conditioned room para ma-interview ng press, si Monching (palayaw ni Ramon Christopher) ay mas piniling manatili sa labas.

Pero natuwa naman ang PEP dahil hindi naman umiwas ang aktor nang kausapin namin siya at sinabi ngang doon na lang kami sa labas. Alam naman daw niya kung ano ang aming itatanong sa kanya.

"Actually, para sa akin, kung kami ni Lotlot... Kami ni Balot, wala naman kaming problema," agad na paglilinaw ni Monching tungkol sa kanila ni Lotlot.

"Okay naman ang communication namin. Okay naman kami. Medyo nagkakaroon lang siyempre ng ano [intriga] pag napag-uusapan, o pag may nagsasalita ng hindi magandang salita.

"But you know, kilala ko si Lotlot, and very good mother siya sa mga anak ko and mabuting tao siya. Kasi lumalabas nitong mga huling balita na parang pinapabayaan niya yung mga bata."

Pinabulaanan din ni Monching ang isyu tungkol sa diumano'y pagbibigay sa kanya ni Lotlot ng custody ng mga anak nila.

"Wala kaming custody. Wala kaming ganyan," diin niya.

"The kids are free to go kung saan nila gustong matulog. Wala kaming problema ni Lotlot sa ganung set-up with the kids.

"Even nung bagong hiwalay kami, biro mo eight years ago na 'yan, pero hanggang ngayon pinag-uusapan pa. So, for me, as much as possible, ayoko na talagang pag-usapan kasi okay naman kami ni Lotlot.

"And tama rin naman ang sinabi ni Lotlot na most of our kids are grown-ups na and they can decide for themselves. My eldest, Janine, is 21. Si Jessica 19; si Diego 13; si Maxine 10. Malalaki na yung mga bata."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Naging sariwa lang naman ang isyu dahil sa pagpapa-interview ni Pilita sa Paparazzi kung saan nakapagbitiw ito ng hindi magandang salita tungkol sa pagiging ina ni Lotlot. Nakausap ba ni Monching ang kanyang mommy after that?

"Oo nga, may mga nasabi raw si Mommy," sambit niya.

"Actually, nakausap ko siya. Sabi ko lang na to refrain from making bigger issues, pag-usapan na lang. Kasi yung mga bata, o yung ibang taong nakakarinig, baka mabigyan ng ibang kulay."

WANTS PEACE FOR LOTLOT & PILITA. May effort ba siya na mamagitan sa mommy niya at kay Lotlot para magkabati na nang tuluyan ang mga ito?

"Siguro darating yung time na yun," sagot niya. "Pero ngayon kasi, ayokong ipilit. Ayokong subukan, tapos baka hindi maging successful kumbaga. Kasi nga, may lumabas na namang bagong isyu, di ba? So, sariwa na naman.

"Sa akin, kung puwedeng mas tahimik na lang kami pagdating sa usapan na 'yan, mas okay sa akin yun ganun. Siyempre, gusto ko rin namang magkaroon ng peace sa pagitan nina Mommy at Lotlot."

Sabi ni Lotlot, pagod na pagod na siya sa pagdepensa sa sarili niya. Ano ang masasabi ni Monching dito?

"Siyempre, kasi ilang taon na ring pinag-uusapan, di ba?" pagsang-ayon niya.

"Si Mommy naman, siyempre mommy ko yun. Siguro hindi niya pa matanggap totally. Kasi hindi niya alam kung ano ba talaga ang dahilan kung bakit naghiwalay eight years ago.

"Kasi kung anuman yun, sa amin na lang ni Lotlot yun. It's better left na okay kami."

Nilinaw rin ni Monching na hindi third party ang reason ng hiwalayan nila ni Lotlot.

"Walang ganun, walang third party," sabi niya. "Siguro lang dumating sa point na nagkaroon ng personal differences. Siguro nung tumagal, napa-pile up, ganun. Pero third party, no."

Ano bang klaseng relationship meron sila ngayon ni Lotlot?

"Kami ni Lotlot, okay kami. Friends kami," sabi niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"And everything that has to do with the children, pinag-uusapan namin. Hindi ako nagdedesisyon mag-isa ako, hindi siya nagdedesisyon mag-isa niya. Lahat ng desisyon tungkol sa mga bata, kaming dalawa ang gumagawa."

Sa nakaraang Star Awards for Music, kung saan ginawaran ng Lifetime Achievement Award si Pilita, sa speech ng Asia's Queen of Songs ay inihandog niya ang kanyang award sa kanyang mga anak na sina Monching at Jackie Lou Blanco, sa kanyang mga apo, at ang huli ngang pangalang binanggit niya ay sa ex-daughter-in-law na si Lotlot. Gusto na rin daw kasing makipag-ayos ni Pilita kay Lotlot.

Ano ang reaksiyon dito ni Monching?

"Talaga? That's great. Sana nga maging maayos na ang lahat. Ang kailangan lang talaga siguro ay makapag-usap nang mabuti, baka maging maganda naman," sabi niya.

WORKING WITH MOM & DAD. Samantala, happy naman si Monching na kasama niya at makakatrabaho sa My Driver Sweet Lover ang ina na si Pilita at ang kanyang ama na si Eddie Gutierrez. Hindi raw ito ang first time nilang pagsasamang tatlo dahil nakagawa na sila noon ng isang show sa Channel 9, pero matagal na raw yun.

Ano ang feeling na makakatrabaho niya ulit ang mommy at daddy niya?

"Okay lang," sagot niya. "Very comfortable naman ako katrabaho si Daddy dahil marami na rin kaming nagawang movie. Kay Mommy, okay din. Kaya lang, mas marami kaming eksena ni Daddy dito sa show."

Sa ngayon daw ay certified Kapatid na si Monching dahil wala namang offers from GMA-7 at sa ABS-CBN.

"Okay namang magtrabaho sa TV5 dahil maganda naman ang show namin, very entertaining. I hope tuluy-tuloy na ito dito sa Kapatid network," sabi ni Monching.

Kasama rin si Monching sa BFGF.

Mapapanood ang My Driver Sweet Lover mula Lunes hanggang Biyernes, simula sa October 25, sa TV5.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN