Sunshine Dizon is now three months pregnant

IMAGE 0


Sunshine Dizon and husband Timothy Tan are expecting their first child. The couple are based in Angeles, Pampanga.


Three months and a half nang buntis ang aktres na si Sunshine Dizon.

Ito ang kinumpirma mismo ng ina ni Sunshine na si Dorothy Laforteza nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa telepono kaninang umaga, October 19.

Ayon kay Tita Dorothy, sobrang saya raw ni Sunshine at ng mister nitong si Timothy Tan dahil matagal-tagal na rin nilang gustong magkaanak. Ikinasal sina Sunshine at Tim sa isang intimate ceremony noong March 20 ngayong taon.

"Kaya nga kabado si Sunshine nung na-delay ulit ang kanyang monthly period sa pangalawang pagkakataon," banggit ng ina ng aktres.

"Noong una kasi, inakala niya na buntis siya nung ma-delay ang kanyang monthly period. Pero bigla siyang nagkaroon kaya hindi niya naiwasang malungkot. Kaya nung hindi siya ulit dinadatnan, nagpatingin na sa doktor si Sunshine at doon nga sinabi na buntis siya.

"Kitang-kita ko kung gaano kasaya sina Sunshine at Tim nang malaman nilang buntis na si Sunshine. Siyempre, kung excited sila at masaya, mas doble saya ang lola!"

Dagdag ni Tita Dorothy, "Kaya nga mas pinili ni Sunshine na huminto muna sa pag-aartista dahil yun talaga ang plano nila ni Tim after ng kanilang wedding—gusto nilang magkaanak.

"Kaya nga kahit may offer sa kanya ang GMA na magkaroon ng primetime soap, hindi niya tinatanggap dahil yun talaga ang priority nila, ang magka-baby."

CHANGES. Ano ang mga pinaglilihian ni Sunshine?

"Wala naman siyang pinaglilihian kasi lahat naman kinakain niya," sabi ni Tita Dorothy. "Pero may paborito siya, yung kalabasa. Yun yung gusto niya laging kaiinin. Pero bata pa naman siya, yun na talaga ang lagi niyang gustong kainin."

Hindi ba mahirap maglihi si Sunshine?

"Hindi naman kasi lahat naman kinakain niya. Hindi naman siya yung tipong nagpapabili ng kung anu-ano o nagpapahanap ng kakaibang pagkain."

Ano ang mga napansing pagbabago ni Tita Dorothy kay Sunshine nang malaman nitong buntis siya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Naku marami!" sambit niya. "Una, tumaba siya. Pangalawa, hindi na siya pinapayagan ni Tim na magbiyahe nang malayo.

"Like, katulad ng ginagawa niya dati na lumuluwas siya ng Manila para mag-taping. Ngayon, hindi muna siya pinapayagan ni Tim para mas makapagpahinga at maalagaan ang pagbubuntis ni Sunshine."

Sa Angeles, Pampanga nanininirahan ngayon sina Sunshine at Tim kasama si Tita Dorothy.

Patuloy ng ina ng aktres, "Kung dati hands-on si Sunshine sa business nila ni Tim, ngayon pass muna si Sunshine. Si Tim muna ang bahala sa pagpapalakad nila sa business nila.

"Ngayon, puro pahinga na lang siya at kung magbibiyahe man siya, yung malapit lang at kasama ako. Hindi na siya yung halos araw-araw pumupunta ng Manila o kaya tumutulong na mag-asikaso ng business nila. Ayaw naming napapagod siya."

Ayon pa kay Tita Dorothy, sobrang pag-aalaga raw ang ginagawa nila ngayon kay Sunshine dahil first baby nito ang kanyang ipinagbubuntis.

"Kahit nga si Tim, kitang-kita ko kung gaano niya alagaan si Sunshine. Kaya masasabi ko na napakasuwerte ni Sunshine kay Tim kasi sobrang bait at maalaga. Kitang-kita ko kung gaano niya kamahal si Sunshine.

"Siyempre, ganun din si Tim, suwerte din siya kay Sunshine. Kasi iniwan pansamantala ni Sunshine ang kanyang first love, ang pag-arte, dahil gusto na niyang mabigyan ng anak si Tim.

"Nakita ko din kung gaano kasaya si Sunshine kay Tim. Mahal na mahal ng anak ko si Tim dahil nga mabait."

BOY OR GIRL? Nagpa-ultrasound na ba si Sunshine? Alam na ba kung lalaki o babae ang kanyang magiging first baby?

"Oo, nagpa-ultrasound na siya, pero pag four months pa daw mamalaman kung babae o lalaki," sabi ni Tita Dorothy.

Babae ba o lalaki ang gustong maging baby ni Sunshine?

"Gusto nila lalaki, pero gusto din ni Sunshine na kambal. Pero kahit babae o lalaki, okey lang sa kanilang dalawa basta't healthy ang kanilang baby. Kung ako naman ang masusunod, gusto ko babae, parang little Sunshine."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May ipapangalan na ba sina Sunshine at Tim sa kanilang baby kung babae man o lalaki?

"Sa ngayon, wala pa naman silang napag-uusapan. Siyempre, ako yung unang makakaalam kung ano ang magiging pangalan ng apo ko."

BACK TO ACTING. After bang manganak ni Sunshine ay may balak pa itong bumalik sa pag-arte?

"Oo naman," sagot ni Tita Dorothy. "Sabi ni Sunshine, magpapapayat lang siya kasi sobrang tumaba siya. 'Tsaka aalagaan muna niya ng ilang buwan yung baby niya. Pag medyo malaki-laki na, yun yung time na babalik na siya sa showbiz.

"Sa showbiz na kasi lumaki si Sunshine. Biruin mo two years old pa lang siya nag-aartista na. Kaya sa showbiz talaga umikot ang mundo niya. Hindi niya basta-basta iiwan ang showbiz. Alam kong babalik-balikan niya ito."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN