Manny Pacquiao on his 8th world title: "Anuman na-achieve ko, tayong lahat yun."

IMAGE 0


Sa November 21 victory party na idinaos ng GMA-7 para kay Manny Pacquiao, isang palabirong Pacman ang humarap sa mga guests. "Pulitikong-pulitiko na ako magsalita, ano?" ang kanyang natatawang sinabi nang banggitin nito ang mga "hinahangad" pa niya sa hinaharap.


Ang victory party ni Manny Pacquiao na idinaos ilang oras lang ang nakakaraan, hapon ng November 21, sa Studio 6 ng GMA Network Center Annex, ay nagmistulang meet-and-greet session.

Excited ang karamihan sa mga bisita—na binubuo ng mga piling executives ng Kapuso channel, advertisers, at kaibigan sa media at press—na magkaroon ng photo op with the "best fighter of the era," ang bansag ng mga sports magazines kay Pacman.

Ang iba, nagdala pa ng boxing gloves para masulatan ng autograph ni Manny. Meron ding mga nagpapirma sa kanilang mga T-shirts at caps.

Lahat ito, sa loob ng mahigit na trenta minutos, ay ginawa ng Pambansang Kamao nang walang reklamo.

Kahit pa halos isang oras siyang palipat-lipat ng studio—mula sa 6 papuntang 7, kung saan kasabay na ginawa ang live telecast ng Party Pilipinas—hindi man lang ito hiningal, at nagawa pang magbiro noong nagbigay siya ng maikling mensahe.

"Hindi ako kakanta rito, ha," ang kanyang bungad.

Saka niya sinimulang pasalamatan ang mga big bosses ng GMA-7 na sina Atty. Felipe Gozon (CEO), Jimmy Duavit (President and COO), at Annette Gozon-Abrogar (GMA Films president).

Nagtawanan ang mga tao dahil bigla itong humirit ng, "Nakalimutan ko na tuloy ang sasabihin ko. Andiyan ka kasi, e."

Ang kanyang tinutukoy ay si Grace Lee, ang co-host ni Chino Trinidad sa party, na binati niya ng, "May kamukha ka."

Walang pangalang binanggit ang palabirong boxer ng General Santos City, subalit ang sambit ng karamihan, "Hawig nga sila ni Krista Ranillo."

Balik sa kanyang speech, handog daw niya sa kanyang mga kababayan ang kanyang 8th world title sa WBC Super Welterweight division.

Aniya, "Ang karangalan ko ay karangalan ng lahat ng Pilipino. Anuman ang na-achieve ko, tayong lahat yun. Sana lagi niyo akong suportahan sa mga darating ko pang hinahangad sa buhay—mapa-boxing man o..."

Medyo binitin ni Manny ang susunod na salita, bago sabihin ang "mapa-sitcom."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tawanan ulit ang mga tao, lalo na noong idinugtong niyang, "Pulitikong-pulitiko na akong magsalita, ano?"

NATIONAL TREASURE. Samantala, ipinaabot ni Atty. Gozon ang kanyang pagkabilib sa Pambansang Kamao.

"I doubt if that kind of achievement can be repeated by anyone," sabi nito.

Noon lamang daw nalaman ng big boss ng Channel 7 ang magnitude ng panalo ni Manny dahil pinag-usapan ito sa kanilang mesa.

"Wala pang nakakagawa ng nagawa ni Manny na nag-champion sa eight divisions. Si Oscar dela Hoya ay naka-anim lang," aniya.

Noon rin lang daw niya napanood ang Party Pilipinas, kung saan guest ang politician-athlete-star, at inilarawan niya ang variety show na "maganda."

Hindi raw niya ito nasusubaybayan dahil "11:30 a.m. ang aming simba."

Sa pagpapatuloy ni Atty. Gozon, "Ginagawa niya [Manny] ang mga bagay, hindi lamang para sa kanyang sarili, but also for his family, friends, the country in general, and for the glory of the Lord."

Natapos ang welcome remarks ni FLG (tawag kay Atty. Gozon) sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang token—ang coffee table book na may pirma at mensahe ng mga executives ng network—sa taong tinawag niyang "national treasure."

WHAT WILL HAPPEN NEXT? Samantala, nagkaroon ng pagkakataon na ma-interbyu si Manny ng PEP (Philippine Entertainment Portal) pagkatapos ng event.

Hindi pa raw niya alam kung kelan ang susunod niyang laban at kung sino ang kanyang makakatunggali. "Wala pa. Hintayin na lang natin. Katatapos pa lang ng fight, e," ang sabi ni Manny.

Nang usisain siya tungkol sa kanyang napabalitang recording project abroad, aasikasuhin muna raw niya ang kanyang mga gawain sa Kongreso.

Heto ang matipid niyang sagot, "Busy pa. Sa Monday nga, e, papasok na ako. Focus muna tayo sa trabaho."

Umalis siyang napangiti ang lahat ng tagahanga.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN