Melai Cantiveros reveals why she doesn't have inhibitions; shares her philosophy on happiness

IMAGE 0


"Ma artista o ordinaryong tao ka, ang importante, masaya ka sa buhay mo. Kung sikat ka, pero hindi ka naman masaya sa buhay mo, kahit marami kang pera, wala din. Mapa mangingisda ka, magsasaka, artista o titser, hindi importante kung ano narating mo sa buhay. Ang importante kung paano ka nagiging ikaw dito sa mundo at totoo sa sarili mo at paano ka magiging masaya," Melai Cantiveros says about the abstract thing called happiness.


Madalas natin siyang nakikita na masaya at nagpapatawa. Simula pa lamang nang mapasok siya sa Bahay ni Kuya at napasama bilang isa sa mga housemates sa Pinoy Big Brother Double-up Edition, kapansin-pansin ang masayahing disposisyon ni Melai.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Melai kamakailan sa set ng upcoming movie niya at ng kasintahan niyang si Jason Francisco titled Pureza. Dito niya ibinunyag ang mga rason kung bakit siya laging masaya, bakit tila wala siyang tinatago, at ang iba pang mga saloobin niya.

WITHOUT INHIBITITIONS. Diretsa ang naging sagot ni Melai sa tanong ng PEP kung bakit tila wala siyang pag-aalangan sa kanyang pagkilos at pagsagot sa mga tanong.

"Kasi nag-start naman ako sa buhay na normal. 'Tsaka ano naman ang itatago ko. Wala naman ako dapat itago sa mundo. Kung ano yung gusto niyang malaman, di sabihin. 'Tsaka the more na itatago mo, the more na mag-iingay 'yan, e. The more na magkwe-question-question 'yan. Buti pa sagutin mo agad, para wala nang issue.

"'Tsaka yung parang para matapos na agad. Para madali lang ang buhay. Parang kunwari, 'Gutom ka? E, di sabihin mo na gutom ka. 'Tsaka wala naman masama kung sasabihin mo yung totoo," sagot ni Melai.

Isa sa mga hinahangaan at nagugustuhan ng mga fans ng tinaguriang "Prinsesa ng Masa" ay ang pagiging down-to-earth nito.

DOWN-TO-EARTH.Paano nga ba niya napapanatili ang kanyang dalawang paa na nakatapak sa lupa sa kabila ng mga naabot nito?

"Lagi ko kasama yung mga friends ko dati. Hindi ko kasama yung mga bagong friends ko na makakalimutan ko yung sarili ko. Lagi ko kasama yung mga friends ko sa Gen San [General Santos], tapos sinasabi ko sa kanila na sabihan ako na, 'Uy, ikaw baka nagbago ka na.'

"Alam ko talaga na malalaman din nila kung nagbago ako. Yung pakikitungo ko sa kanila dati, hanggang ngayon di pa din nagbago so 'yon. At 'tsaka ano nga, natatakot ako ngayon kasi baka dumating ang panahon na hindi mo na kilala ang sarili mo. Yun ang pinakatatakutan ko talaga," seryosong pahayag ni Melai.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

SHOWBIZ BLUES. Tumigil saglit si Melai at nag-isip bago niya sinabi, "Feeling ko din, hindi ako magtatagal sa showbiz kasi mas masarap pa din na mag-enjoy ka sa buhay mo, di ba?"

Pagpapatuloy ng komedyana, "Hindi ko naman pinangarap na maging artista, di ba? Nasuwertehan lang ako nang over-over kasi ang laki ng suweldo!"

"Sobrang pagka-happy ko na ganito. Ang laki talagang opportunity, pero pagka dumating yung time na makaipon ako ng over-over , hindi na ako mag-aartista.

"Masaya ako sa fame pero hindi ka naman forever na happy, e. Baka mamatay na ako next next year, wala pa ako happiness na natanggap sa buhay ko, kaya at least mag-trabaho ako tapos mag-enjoy na ako sa life ko!" bulalas ni Melai.

Kumportable man si Melai sa buhay showbiz sa ngayon, meron pa rin siyang hinahanap na tila kulang sa buhay niya.

Hindi ba ito ang buhay na gusto niya?

"Oo, pero hindi ko din alam kasi yun ang nararamdaman ko ngayon. Kasi sa next year din baka ma- in love na din ako dito. Pero hindi ko din alam, e. kasi sa ngayon nararamdaman ko na hindi pa ako...comfortable na ako kasi marami na akong kilala pero hindi ito yung parang dito talaga ako. Hindi talaga ako belong, parang ganun," paliwanag ng 23-year-old aktres.

WHAT SHE WANTS. Tinanong siya ng PEP kung ano ba ang mga gusto niyang gawin sa buhay niya. Sadyang natigilan si Melai at nag-isip.

Taliwas sa karaniwang pagbibiro sa pagsagot ng mga tanong, ngumiti lang si Melai at malumanay siyang sumagot..

"Yung dating buhay ko," panimula niya.

Nagpatuloy ito, "Kung maka-ipon ako tapos magnenegosyo ako dun sa Gen San kasi masarap naman talaga dun atsaka mura ang mga bilihin. Bumalik sa normal ang buhay. Madali namang bumalik kasi pag di ka nakikita sa TV, kakalimutan ka na ng mga tao, ganun lang kasimple. Kapag ako nakaipon ng over-over, magkaroon ako ng negosyo, dun ako sa Gen San," sabi ni Melai.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung hindi ba siya artista ngayon, ano ang ginagawa niya ngayon?

"Gusto ko talaga mag-graduate," mabilis na tugon nito.

Atsaka siya nagbiro ng, "Pero kung hindi ako grumaduate siguro nag-abroad na lang ako at nag-asawa ng Amerikano!"

Nagbalik ito sa pagiging seryoso at sinabi na kung hindi siya artista ngayon ay isa na siyang teacher sa high school.

ON HAPPINESS. Sa pagtatapos ng interview, nagbigay pa si Melai ng payo sa mga tao na itinuturing siyang idolo.

"Sila talaga mga idol ko kasi isa ako sa kanila dati. So, ngayon ako na yung iniidolo nila, parang over, ang masasabi ko sa kanila is, 'Thank you very much!'

"Kung ano mang happiness nakikita nila sa akin, happy din ako kasi happy sila. Sana napapa-happy ko sila. Always pray, always smile.

Binigyang-diin ni Melai na pantay-pantay ang lahat ng tao, na ang importante ay masaya ang bawat isa sa ginagawa nito.

"Ma-artista o ordinaryong tao ka, ang importante, masaya ka sa buhay mo. Kung sikat ka, pero hindi ka naman masaya sa buhay mo, kahit marami kang pera, wala din. Mapa-mangingisda ka, magsasaka, artista o titser, hindi importante kung ano narating mo sa buhay. Ang importante kung paano ka nagiging ikaw dito sa mundo at totoo sa sarili mo at paano ka magiging masaya.

"Hindi yung gusto ko maging kuwan...narating mo na nga, hindi ka naman masaya. Accept lahat ng mga pagsubok sa buhay kasi normal lang naman 'yon. Makuntento lang, kasi kung hindi ka makuntento hindi ka masaya, e," sabi ni Melai.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN