Tim Yap on wrong tweet about the lotto winner: "It was an honest mistake."

IMAGE 0


"Again, my sincerest apology to Miko and to his family, sa mga kaibigan niya and to all the people who cared about him. Hindi ko po intensiyon na makagulo ng kahit na kaninong buhay. So, sana maka-move on na tayo rito. I've learned my lesson," says Tim Yap about his "mistake."


Biglang naging kontrobersiyal ang TV host at eventologist na si Tim Yap kamakailan dahil sa kanyang tweet na may kinalaman sa solo winner ng biggest jackpot prize sa lotto history na nagkakahalaga ng P741.2 million.

Gamit ang kanyang Twitter account na iamtimyap, lumabas ang tweet niya kung saan nakalagay ang pangalan ng inakala niyang winner—si Miko Morelos.

Ayon kay Tim, na-pick up niya lang din mula sa ibang tweets ang impormasyong ito.

As it turned out, ang Miko Morelos pala na ito ay kolumnista ng Philippine Daily Inquirer.

Si Miko ang unang nag-break ng balita na kumpirmadong may nanalo nga ng jackpot sa 6/55 lotto mula sa Luzon.

Dahil nga rito ay biglang nalagay sa spotlight si Miko gawa ng tweet ni Tim.

Sa kanyang artikulong isinulat noong December 1, na may titulong "PDI reporter fears for life over Tim Yap tweet," sinabi ni Miko na nagulo nga ang buhay niya pati na rin ng kanyang pamilya dahil nga raw sa pagkalat sa Twitter na siya ang jackpot winner sa lotto.

Kahit anong paliwanag daw kasi ang gawin nila ay ayaw maniwala ang mga tao sa paligid nila na hindi nga siya ang nanalo ng jackpot sa lotto.

Aniya, nadiskubre niya rin daw kung sino ang "culprit"—si Tim Yap.

TIM EXPLAINS HIS SIDE. Kagabi, December 2, sa showbiz talk show ng QTV 11, ang Tweetbiz, ay ikinuwento ni Tim ang mga pangyayari.

"Nalulungkot nga ako sa nangyari. Pero ito talaga ang pinag-ugatan nun, ikukuwento ko," panimula ni Tim.

"Noong Lunes [November 29], pagkatapos ng taping natin, nandun lang ako sa bahay. Nagtse-check lang ako ng Twitter ko.

"Tapos, lahat ng tao, napansin ko, excited about the lotto.

"Tapos sa Twitter feeds mo, marami kang pina-follow na meron silang mga... Kumbaga, sila yung mga sources mo.

"May nagsabi ng 'one confirmed winner from Luzon.' Tapos, may lumabas ngang pangalan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Lumabas yung pangalan ni Miko Morelos, na sinabi ng ibang tao sa Twitter na siya nga ang nanalo.

"So, ako, na-excite ako, nadala ako sa energy ng lahat ng mga tao sa Twitter!

"So, ang ginawa ko nag-compose ako ng sarili kong tweet: 'Eto na, PCSO confirms one winner. Miko Morelos. He gets to take home the P741.2 M grand lotto 6/55 jackpot.'"

WRONG WINNER. Pagpapatuloy ng kuwento ni Tim, nalaman din agad niya na nagkamali pala siya ng paglalagay ng pangalan ni Miko sa kanyang tweet.

Kaagad nga rin daw siyang gumawa ng correction o erratum sa Twitter.

"Pagkatapos nun, may nag-tweet sa akin na hindi siya [Miko] yung nanalo. Bawal daw sabihin yung nanalo.

"So, right after that, wala pang dalawang minuto ang lumipas, ang sinabi ko sa tweet ko, 'Congratulations kay Miko Morales for breaking the story first... from the Inquirer.' At hindi siya ang nanalo.

"In-explain ko na kaagad doon.

"Ang nagkataon, ang nire-tweet ng ibang mga tao, yung statement na si Miko ang nanalo.

"Pagkatapos, nag-tweet pa ako ng isa pang statement na, 'Eto na, na PCSO confirms the winner is unnamed (name withheld).'

"Nire-tweet ko yung sinabi na bawal daw sabihin yung pangalan ng tao.

"So, nag-apologize ako sa Twitter.

"Wala po akong intensiyong makagulo ng kaninumang buhay.

"It was an honest mistake.

"Pagkatapos nga, lumabas na sa front page ng diyaryo," saad ni Tim.

APOLOGIZING TO MIKO. Dahil nga rito ay gumawa na ng paraan si Tim na makontak si Miko Morelos mismo.

Dating nagtatrabaho sa Inquirer si Tim kaya may mga kakilala siya roon na nakatulong para makuha niya ang cell phone number ni Miko.

Kuwento ni Tim, "Tinawagan ko rin si Miko, sabi ko kung puwede akong magpunta sa opisina niya para mag-sorry.

"Kasi, gusto kong mag-apologize in person tungkol sa nangyari.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nakapag-apologize na nga ako sa kanya. Nakausap ko siya sa phone."

Tila hindi raw maganda ang naging takbo ng kanilang pag-uusap. Ini-insist daw kasi ni Miko na nagulo na ang buhay niya at ng pamilya niya dahil sa nangyari.

"Sabi niya, paano ko raw maa-account yung mga taong hindi naniniwala na hindi nga siya yun. And sabi niya, he stands by his anxiety, anger and fear over the matter.

"Ako, I respect yung feelings mo. Pero inuulit ko, ang taus-puso kong pagso-sorry sa nagawa ko, sa nangyari," sabi ni Tim.

Natanong din si Tim kung bakit sa tingin niya ay siya lang ang nadidiin sa isyung ito gayung pinick-up niya lang din sa iba ang wrong information na ito?

"Nagkataon siguro na ako yung maraming followers. And siguro nga, I'm also a celebrity," sagot niya.

Sa huli, muling humingi ng tawad si Tim kay Miko.

"Again, my sincerest apology to Miko and to his family, sa mga kaibigan niya and to all the people who cared about him.

"Hindi ko po intensiyon na makagulo ng kahit na kaninong buhay. So, sana maka-move on na tayo rito.

"I've learned my lesson."

THE CONVERSATION. Pagkatapos ng Tweetbiz ay nagkaroon ng pagkakataon ang PEP (Philippine Entertainment Portal) na makausap si Tim para hingan ng dagdag na paliwanag.

Nalaman namin na noong Miyerkules ng hapon, December 1, pala sila nagkausap ni Miko.

Kuwento ni Tim, "Nung tinawagan ko siya sa telepono, sumagot naman siya.

"Sabi ko, ako si Tim Yap at nabasa ko yung article niya.

"Humihingi ako ng apology sa naganap dahil wala akong hangad na ganun ang mangyari sa kanya na natatakot nga siya para sa buhay niya.

"Sabi ko, kung ano ang puwede kong maitulong sabihin niya lang sa akin kung kaya ko ay tutulong ako."

Naiintindihan naman daw ni Tim na medyo mainit noong una ang pag-uusap nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero parang may part naman dun sa pag-uusap namin na medyo lumambot naman siya.

"Sabi ko, gusto niya bang puntahan ko siya sa opisina nila para makapag-apologize ako personally?

"Sabi niya, 'Ikaw, nasasaiyo yun. But I stand by my word.'

"Yung word na he felt so much anxiety.

"Sabi ko, 'I respect your feelings. But again, I would like to reiterate my apology.'"

"THE DAMAGE HAS BEEN DONE." Ano ang comment niya sa isinulat ni Miko na "the damage has been done"?

"Nasa kanya yun, e. Wala akong comment dun," sagot ni Tim.

"Wala akong ibang reaksiyon kundi respeto sa kanyang nararamdaman.

"It just so happen na ang nire-tweet kasi ng mga tao ay yung first statement ko na si Miko ang winner.

"Hindi na kasi nire-tweet ng mga tao yung ginawa kong correction, na mabilis ko ring kinorek sa Twitter in just two minutes after my first tweet."

Sa tingin niya ba dahil sa kanyang celebrity status kaya mas lumaki ang isyu?

"Siguro may factor yun, kasi nga we're in an entertainment news show.

"So, parang what you say holds to other people. Pinaniniwalaan nila yung sinasabi natin.

"Also sa Twitter, yung followers ko, madami rin. Kumbaga, yung circulation niya mas malawak."

Handa naman daw siyang tanggapin ang consequences ng pagkakamali niya.

"Alam mo pag ako nagkamali, hindi ko ito tinatakbuhan. Inaako ko naman siya.

"It was an honest mistake," ulit niya.

Ano raw ang planong gawin ni Miko?

"Wala akong alam sa plano niya. Wala naman siyang sinabi na gusto niya akong kasuhan," sabi ni Tim.

Nabanggit niya na gusto niyang puntahan si Miko sa opisina niya. Kailan niya balak puntahan si Miko?

"Siguro tomorrow [December 3] or kung free ang schedule niya.

"Tatawagan ko muna siya bago ako pumunta para sure na nandun siya.

"Baka kasi nasa field siya or somewhere."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

HOPING FOR FORGIVENESS. Umaasa naman si Tim na mapapatawad siya ni Miko.

"I've said my piece. Nag-sorry na ako.

"Hindi ko alam kung how much sorry or how many times ako magso-sorry. But I'm really sincere sa paghingi ng tawad sa kanya.

"Sana mapatawad niya ako sa nagawa ko."

Ano ang gusto niyang ipahatid sa mga taong negatibo ang sinasabi sa kanya?

"Ako yung tao na rumirespeto sa mga nararamdaman ng ibang tao, sa opinyon ng ibang tao.

"Kung yun ang nararamdaman nila, nirerespeto ko yun.

"Sana lang isipin nila na ang tao ay nagkakamali.

"You know, kung kayang may matutunang leksyon mula sa maling nagawa, e, di yun ang pulutin natin. Hindi yung maninira ng ibang tao.

"Malapit na ang Pasko, we should spread more love than hate," saad ni Tim.

Ang nakakapagpalubag na lang ng loob ni Tim ay ang suportang nakukuha niya sa kanyang mga kaibigan maging ng ibang taong hindi niya kilala.

"All my friends, they've shown support," sabi niya.

"Marami ang tumawag, sina Liz [Uy], Raymond [Gutierrez], at marami pa.

"Even yung mga ibang tao sa Twitter may mga nagsabing naiintindihan nila ang situwasyon."

Ano ang lesson na natutunan niya sa pangyayaring ito?

"Lesson learned... on my part, kailangan kong maging responsable.

"Bago ako mag-release ng statement, kailangan i-double check muna. Kailangan may confirmation.

"As a writer also, I have to put in mind to double check, or even triple check, yung information bago ko ilabas para credible siya.

"And minsan, nagkakamali rin tayo lahat.

"Pero ang mahalaga ay natututo ka sa pagkakamali mo. And gagawa tayo ng paraan para mas maging better ang ating mga sarili."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN