Dolphy seeks justice for alleged rape of grandchild, 22, who is a special child

IMAGE 0


"Oo, dapat talagang mabigyan ng hustisya. Hindi lang babae yun, e, special child yun, e. Doble ang kuwan mo dun, parang may sakit, tapos ginano'n mo pa, may kapansanan na," says Comedy King Dolphy about the alleged rape of his grandchild.


Bagamat comedy ang tema ng Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na Father Jejemon, naging seryoso ang mood sa presscon ng pelikula kagabi, December 6, nang mapadako ang usapan sa sinapit ng isa sa mga apo ng Comedy King na si Dolphy.

Ginahasa diumano ang apo ni Mang Dolphy ng kapitbahay nito noong November 26 sa Sta. Cruz, Laguna.

Twenty-two years old na ang babaeng apo ng Comedy King, pero isa itong special child o may kakulangan sa pag-iisip.

Ayon sa mga report na lumabas, naganap ang diumano'y panggagahasa sa apo ni Mang Dolphy bandang 9:30 ng gabi sa bahay ng biktima noong Nobyembre 29.

Mag-isa lamang daw ang biktima sa kanilang bahay sa Barangay Bagumbayan, Sta. Cruz, Laguna, nang pasukin ito diumano ng suspek na lalaki.

Ayon pa sa report, nang dumating ang ina ng biktima, na galing sa lamay, ay nadatnan niya ang kanyang anak at ang suspek na "half-naked sa higaan."

Ang suspek ay naninilbihan sa pamilya ng biktima.

Ayon sa mga pulis, lasing ang suspek nang mangyari ang insidente.

SEEKING JUSTICE. Sa presscon ng Father Jejemon kagabi, maaaninag sa mukha ni Mang Dolphy ang pagkadismaya sa nangyari sa kanyang apo.

"Kausap ko nga yung nanay at yung tatay, pati yung bata. Nagpadala naman ako ng kailangan nila para maayos yung kaso," sabi ni Mang Dolphy.

Dagdag niya, "Yung batang 'yon, pag nakikita ko, para akong nakakakita ng manikang tuwang-tuwa."

Hindi tinukoy ng Comedy King, at maging sa mga report, kung sino ang mga magulang ng biktima.

Pero tiniyak ni Mang Dolphy na gagawin nila ang lahat para mabigyan ng hustiya ang nangyari sa kanyang apo.

"Oo, dapat talagang mabigyan ng hustisya.

"Hindi lang babae yun, e, special child yun, e.

"Doble ang kuwan mo dun, parang may sakit, tapos ginano'n mo pa, may kapansanan na," sabi ng 82-year-old comedian.

Nagbigay rin ng mensahe si Mang Dolphy sa taong responsable sa nangyari.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Well, ang message ko sa kanya, bahala na ang Panginoong Diyos sa kanya. Siguro nalalaman naman niyang kamalian ang ginawa niya.

"Dapat siguro, kung parurusahan siya ng Panginoon, tanggapin niya.

"Ganoon lang naman talaga buhay natin. Kung nandadaya ka, dapat may kaparusahan, e.

"Yun na lang masasabi ko sa kanya at ako'y ayaw ko nang magalit pa dahil nandoon na," saad niya.

PRIMARY CONCERN. Sinabi pa ni Mang Dolphy na ang kanyang pamilya ang kanyang pangunahing concern ngayon.

Isa nga sa mga hiling ni Dolphy ay ang makasama niya ang kanyang pamilya sa darating na Pasko.

"Buo pa rin [yung pamilya], kanya lang, yung iba, nasa Amerika na," sambit niya.

Dagdag niya, "Parang kulang na din ang Pasko."

Ano pa ba ang gusto niyang makamit?

"Wala na akong mahihiling.

"Sa mga anak ko na lang, hinihiling ko, mabuhay yung mga anak ko nang maayos," aniya.

Meron pa ba siyang gustong gawin?

"Wala na, nagawa ko na lahat. Isipin ko pa yung mga hindi ko pa nagawa," nakangiting sagot ni Mang Dolphy.

ON HIS HEALTH. Dala na rin siguro ng katandaan kaya madalas tamaan ng sakit si Mang Dolphy. Kamakailan nga lang ay nagkaroon siya ng matinding pulmonya.

"Grabe, akala ko matotodas na ako!" sambit niya.

"Sabi ng doctor, 'Muntik ka na, pero hindi pa rin.'

"Ngayon, ibinalita naman ng iba, namatay naman ako!" tawa ni Mang Dolphy tungkol sa balitang kumalat.

Pero sinigarado naman niya na maayos na ang kanyang kalagayan ngayon.

"Okay naman ako. Medyo masama pa din ang katawan. Mahina pa din ako. Pero okay na ako," sabi ni Mang Dolphy.

Hindi ba siya nahirapan na gawin ang Father Jejemon dahil sa kanyang kalusugan?

"Nahirapan lang ako dahil nagkasakit nga ako, pero hindi ako masyado nahirapan.

"Nahirapan lang ako dahil galing ako sa sakit."

Hindi din daw niya pinupuwersa ang kanyang sarili.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Alam naman ng mga director, sinasabi ko na hanggang ganitong oras lang ako.

"Hindi tulad ng dati na kaya hanggang 44 hours ako, trabahong tuluy-tuloy.

"Hindi na ako pwede," sabi ng Hari ng Komedya.

Nagawa pa nitong gawing katatawang ang isyu na gumagamit na raw siya ng oxygen sa shooting.

"Oo, nag-ooxygen ako. Bakit ako mahihiya? Nag-ooxygen ako talaga, e.

"E, yung mga singer, nag-ooxygen, maski mga basketball player, nag-ooxygen, e.

"Hinihika pa lang ako, nag-ooxygen na ako, e," sabi ni Mang Dolphy.

Kailan ba niya balak mag-retire?

"Retired na ako," sagot ni Mang Dolphy.

"Pero 'pag may offer sa akin, nawawala yung retirement ko!" tawa niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN