Kris Aquino denies asking Ben Chan to halt Shalani Soledad's billboard for Bench; Shalani's aunt says, "Basta alam namin, tuloy na 'yon."

IMAGE 0


Kris Aquino (left) and Shalani Soledad (right) are now caught in an issue that has something to do with a billboard for Bench. According to a report, Shalani is supposed to have a billboard with Willie Revillame, but Kris reportedly halted it after talking to Bench boss Ben Chan.


Hindi pa rin malinaw sa marami kung ano nga ba ang katotohanan sa isyung mainit na pinag-uusapan sa loob at labas ng showbiz ngayon.

Ito'y tungkol sa hindi pagkakatuloy diumano ng billboard ni Valenzuela City councilor Shalani Soledad kasama si Willie Revillame para sa Pinoy apparel brand na Bench.

Magkasama sina Shalani at Willie sa daily variety-game show ng TV5 na Willing Willie.

Ayon pa sa lumabas na report, may kinalaman diumano ang actress-TV host na si Kris Aquino sa hindi pagkakatuloy billboard nina Shalani at Willie.

Halos dalawang linggo na ang nakararaan nang ilabas dito sa PEP na nakapag-pictorial na si Shalani para sa umano'y magiging endorsement nito para sa Bench.

Makakasama rin daw ni Shalani sa ilalabas na billboard ang co-host niya sa Willing Willie na si Willie Revillame, na Bench endorser na sa ngayon.

Noong Disyembre 8 naman ay lumabas ang balitang hindi na lalabas ang billboard na ito dahil sa pakikialam diumano ni Kris, na endorser ng Kashieca, sister brand ng Bench.

Si Kris ang bunsong kapatid ni President Noynoy Aquino, na ex-boyfriend ni Shalani.

Dahil dito, nagkaroon ng kalituhan sa publiko kung ano nga ba ang totoo sa isyung ito.

Unang tanong: Totoo bang nagkaroon ng plano ang Bench na kuhaning endorser si Shalani?

Pangalawang tanong: Totoo bang pinigilan ni Kris ang umano'y magiging endorsement na ito ni Shalani?

BEN CHAN ANSWERS THE ISSUE. Nauna nang nagsalita ang may-ari ng Bench na si Ben Chan kagabi, Disyembre 11, tungkol sa isyung ito. (CLICK HERE to read related story.)

Ayon sa kanya, hindi totoong magiging endorser nila si Shalani.

Dagdag pa ng Bench owner, lalabas din ang nasabing billboard. Kaya lang, hindi ito tungkol kay Shalani bilang endorser kundi tungkol kay Shalani bilang co-host ni Willie sa Willing Willie.

Pagpapatuloy ni Mr. Ben Chan, papalitan lamang nila ang kasalukuyang billboard ng Bench para sa Willing Willie na matatagpuan sa kahabaan ng EDSA, malapit sa Guadalupe at Balintawak.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kasama naman ni Willie dito ang dancers niya sa kayang TV5 game and variety program, ang WW.girls.

Itinanggi rin ng may-ari ng Bench na nakipag-usap sa kanya si Kris para itigil ang billboard. Hindi raw nila napag-uusapan ni Kris ang mga ganitong bagay.

KRIS AQUINO DENIES. Ang latest development: nagbigay na ng pahayag si Kris Aquino ukol sa isyu.

Sa kanyang post sa Twitter, na lumabas noong araw mismo ng pagtanggi ni Ben Chan, itinanggi ni Kris na may interes siyang ipatigil ang billboard ni Shalani.

Ang buong tweet ni Kris: "#1 I'm not under contract w/ Bench. #2 I don't have a share in Bench ownership. And #3 shalani hasn't done me any harm, in fact I'm very appreciative of her effort to help Noy's campaign & I wish her well w/ her new show. Please- wag manira na walang basehan!"

ANG BASEHAN. Hindi lang sa PEP lumabas ang balitang nais umano ni Kris na mawala ang billboard ni Shalani.

Sa isang episode ng showbiz talk show ng QTV-11 na Tweetbiz noong Huwebes, December 9, naglabas ng sama ng loob ang manager ni Shalani na si Lolit Solis ukol sa isyung ito.

Sa kolum ni Abu Tilamzik sa Abante Tonite ngayong araw, Disyembre 11, ay inilahad niya ang sentimiyento ni Manay Lolit.

Narito ang kabuuan ng artikulo:

"Naghihimutok si Manay Lolit Solis na nagkuwento sa Tweetbiz kamakalawa nang gabi dahil sa pagkaudlot ng billboard ni Willie Revillame at ng alaga niyang si Shalani Soledad sa Bench.

"Mga dalawang linggo na raw ang nakaraan na nag-pictorial sina Willie at Shalani para sa promo ng Willing Willie.

"Bilang isa sa mga endorser ng Bench, nangako raw si Mr. Ben Chan na bibigyan niya ng lugar si Willie para mapaglagyan ng billboard nito kasama si Shalani. Kaya excited daw sila pagkatapos ng pictorial.

"Nagtataka si Willie, lumipas ang ilang araw na hindi pa rin nailagay ang billboard nilang dalawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nakarating sa kanya na tumawag daw si Kris Aquino kay Mr. Chan para tanungin kung totoong may billboard sina Willie at Shalani.

"Sinabi raw ni Mr. Chan na meron at tinanong daw ni Mr. Chan si Kris kung ayaw ba nito.

"Hindi naman daw deretsahang sinabing ayaw ni Kris, pero halatang hindi raw ito kumportable sa ipinangakong iyun ng Bench.

"Nabalitaan na lang daw nina Willie na hindi na matutuloy ang billboard na iyun.

"Naniniwala siya may kinalaman dito si Kris. Ganun na nga raw ka-powerful si Kris?

"Iritable si Manay Lolit dahil pati raw ang alaga niyang si Shalani ay nadamay sa kamalditahan ni Kris."

ENDORSER, OR NOT? Sa appearance ni Manay Lolit sa Tweetbiz ay wala siyang nasabing magiging endorser na ng Bench si Shalani.

Para makumpirma ang impormasyong ito, bumalik muli ang PEP sa una naming source: ang tita ni Shalani na si Baby Soledad.

Si Baby kasi ang nagbanggit sa PEP na may endorsement na ang kanyang pamangkin, sa panayam namin sa kanya noong Nobyembre 24. Ito nga raw ay ang Bench. (CLICK HERE to read related story.)

Nagpadala ang PEP ng tatlong text messages sa kanya para sa kumpirmasyon—dalawa kagabi at isa ngayong hapon.

Sinagot niya ito kaninang hapon din.

Sa kanyang mga reply, ipinahiwatig ni Baby na nagkaroon nga ng negosasyon para sa billboard at sa endorsement.

Ang una niyang reply: "Ano sabi ni ben chan? Wla kc kmi alam, basta lam nmin, 2loy n yon, bka nga s lunes nkkbit n yon" ["Ano sabi ni Ben Chan? Wala kasi kami alam, basta alam namin, tuloy na 'yon, baka nga sa Lunes nakakabit na 'yon."]

Ipinarating din ng PEP kay Baby ang sinabi ni Ben Chan: na ang lalabas na billboard ay para sa Willing Willie, at hindi magiging Bench endorser si Shalani.

Nag-reply muli si Baby: "Ah ok, if thats d case wla nman kmi mg2wa dun, kc ngpiktorial n cla e, so lam nmim 2loy" [Ah okay, if that's the case wala naman kami magagawa dun, kasi nag-pictorial na sila, e, so alam namin tuloy."]

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tanong naman ng PEP: Ano ba dapat ang ie-endorse ni Shalani?

Sagot niya: "D k rin alam ano" ["Hindi ko rin alam ano."]

Sinabi rin namin sa kanya ang impormasyong si Kris Aquino ang nagpapapigil diumano ng billboard nina Shalani at Willie.

Sagot niya: "kng gnawa n kris yon, d nmin alam kng bkit" ["Kung ginawa ni Kris 'yon, di namin alam kung bakit."]

Tanong pa ng PEP: May pinirmahan na bang kontrata si Shalani para sa sinabi niyang Bench endorsement?

Reply niya: "Wla p yata" ["Wala pa yata."]

Hindi naman sinagot ni Baby Soledad ang huli naming tanong kung kailan nangyari ang pictorial, at kung paano niya nalaman ang pictorial na ito.

Bukas pa rin ang PEP sa panig ng sinuman sa mga kampong kaugnay ng artikulong ito, at agad namin itong ilalathala sa oras na matanggap namin ang mga ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN