Entrepreneur Joel Cruz denies report he is wanted by the FBI

IMAGE 0


"Puwede naman nating puntahan or i-check sa FBI kung ano yung kasong 'yon, kung meron ba o wala. Puwede namang imbestigahan ng sinumang intresado kung gusto niya," says Aficionado owner Joel Cruz about the rumor that he's wanted by the Federal Bureau of Investigation because of a case in the U.S.


Habang lalong lumalaki ang network ng tinaguriang "Lord of Scents" na si Joel Cruz, lumalawak din ang mga intrigang kinasasangkutan nito sa showbiz.

Nang ma-interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Joel noong Linggo, January 2, nilinaw niya ang isyu tungkol sa kanya at sa celebrity endorsers ng perfume brand niyang Aficionado na nawala sa kanya, gaya ni Lovi Poe.

Bilang pagpapatunay na wala na sa mga endorsers niya si Lovi, tinanggal na nito ang larawan ng aktres sa billboard ad ng perfume brand niya sa Farmers Cubao.

Ayon kay Joel, bandang second quarter ng 2010 natapos ang kontrata ni Lovi sa kanila. Hindi na nila ni-renew ang kontrata ng Kapuso actress.

Pero nilinaw ni Joel na walang kinalaman ang Bench endorsement ni Lovi sa hindi nila pagi-extend ng kontrata nito.

"No'ng pumasok ang Bench, I think yun yung mga time na hindi na namin ni-renew si Lovi sa amin," sabi niya.

Nilinaw ni Joel na walang halong malisya at pang-iintriga ang naging pahayag niya sa Paparazzi noong Linggo rin na mas mabenta pa ang pabango ng singer-recording artist na si Ronnie Liang kesa kay Lovi.

"Well, lahat ng mga perfume na nag-i-stay sa amin, it shows na bumebenta siya, ganun.

"Sabi ko nga, it's business. Kapag hindi na talaga na bumebenta ang perfume, alangan namang i-keep pa namin yung pangalan...yung produkto.

"Kaya nga importante rin yung mga endorsers na tinutulungan din nila kami, na they wear the perfume. Promote the perfume. Yung gano'n. Kaya para bumenta talaga sila," paliwanag niya.

Itinanggi ni Joel na nagkulang si Lovi sa pag-promote ng sarili niyang perfume.

"No... Lovi, she's very, very supportive. I love her. She's like a family sa amin.

"Mahal niya ako, bilib siya sa akin at ang family ko. Ganun din ang family ko sa kanya.

"And unfortunately, nasa business tayo, kailangan kumita," aniya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagampanan naman daw ni Lovi ang trabaho niya bilang endorser at naipu-promote naman niya ang pabango nito.

"Yun ang sinasabi ko na ang consumer ang nagdi-decide kung bibili sila o hindi. Kung gusto nila ng produkto mo, they will buy. Kung ayaw nila, hindi sila bibili."

NEW ENDORSERS. Sina Gary V at Charice ang bagong dagdag sa hanay ng celebrity endorsers ng Aficionado.

Ayon kay Joel, "Mula no'ng napasok ako sa Celebrity Duets [ng GMA-7], nag-enjoy na rin ako sa mga singing, concerts.

"And sino pa ba yung number one male singer natin at female singer natin dito sa Philippines kundi sina Gary Valenciano at Charice Pempengco?

"Hindi ako nagdalawang-isip na kunin sila dahil alam kong... Sabi ko nga, their image. Hindi lang sila kilala sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

"Alam mo nga yung perfume ni Charice, hindi pa lumalabas, ang dami nang umo-order sa akin sa Internet. At hindi lang dito sa Pilipinas kundi sa ibang bansa.

"Ang fans ni Charice, hindi lang mga Filipinos, mga foreigners din. Nagtatanong sila kung magkano. Isipin mo, hindi pa namin inilalabas, gano'n na yung dami ng mga gustong bumili.

"So, ilu-launch namin on January 8. After no'n, dadalhin din namin siya sa mga Filipinos abroad, sa mga Filipino communities.

"So, yung mga foreigners na fans ni Charice, doon sila sa mga Filipino stores pupunta para makabili ng perfume ni Charice," banggit ni Joel.

ONE-YEAR NEGOTIATION. Ipinaliwanag ni Joel kung bakit inabot ng isang taon ang negotiation niya kay Charice para lang makuha ito bilang endorser.

"I think it's her schedule, kasi napakahirap ng schedule niya. And somehow, binibigyan niya ng prority ang Amerika, yung mga activities niya doon.

"Kaya pag pupunta siya dito, limited lang. Like yung launching ng brand, like in this event, she'll be arriving on January 8, and in the morning, and then the next day, she'll be leaving na back to the U.S.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pumunta lang siya dito for the concert. One night lang, and then aalis na siya the next day."

Gaganapin ang concert ni Charice with Gary V and John Lloyd Cruz, na pinamagatang One at 11, sa SM MOA Concert Grounds.

Kasama raw sa pinirmahang kontrata ni Charice ang hindi nito pagtanggap ng kahit na anong competitive brand ng perfume nito—local man o imported.

WANTED BY THE FBI? Sinagot naman ni Joel ang personal na isyu sa kanya na pinaghahanap daw siya ng Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa isang kasong tinakasan daw niya sa U.S.

"Hindi ko talaga alam kung ano yung FBI na yun!" natatawang sabi niya.

"Kung saan lumabas yun at kung paano lumabas yung isyu na yun para pag-usapan, hindi ko alam!

"Sabi ko nga, my God, kung dala ko lang sana yung passport ko... No, hindi na. Masyado na akong defensive no'n kung dadalhin ko pa ang passport ko.

"Lahat ng visa, meron ako, hanggang Russia!" tawa niyang muli.

"Hanggang Belarus, nakarating na ako... Kumbaga, never akong dinenay para sa isang visa.

"And then, meron akong tatlong sisters in the States. Isa ay sa Chino Hills. Yung isa sa Diamond Bar. Isa rin sa may West Covina.

"Yung tatlong yun, may mga bahay. Doon ako pumupunta. Ako, wala akong bahay kaya doon ako tumitira sa kanila.

"I was there last year March hanggang April. Namimili ako ng mga gamit ko para sa bahay.

"And nagpunta pa nga ako all the way to Philadelphia, New York... Kaya nga nagtataka ako kung bakit sinasabing wala akong visa.

"Parang may criminal record ako!" napahalakhak pang sabi niya.

Sabi-sabing 15 years ago pa raw ang FBI issue na ito ni Joel. Noong mga panahong iyon ay hindi pa siya kilala.

"Fiften years ago, mga 1995 'yan. Naku, dyusko, wala talaga akong matandaang nakaaway or kaso sa FBI!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Anyway, puwede naman nating puntahan or i-check sa FBI kung ano yung kasong 'yon, kung meron ba o wala. Puwede namang imbestigahan ng sinumang intresado kung gusto niya," saad ni Joel.

Ang mga pamangkin daw ni Joel ang nagbalita sa kanya tungkol sa isyung nabanggit. Napanood daw kasi ng mga ito ang balita sa isang showbiz talk.

"Sabi ko nga sa kanila, nandito na ako ngayon sa showbiz. Public property ka, marami ka nang maririnig.

"Kaya dapat ready ka nang harapin ang mga ganito. Just be sincere and honest kung meron kang nagawang mali. At sabihin mo kung bakit mo nagawa yun.

"Kung wala, bakit meron sasabihin? Anong aaminin mo kung wala naman talaga.

"Ready naman ako dito," paniniwala niya.

Hindi apektado si Joel sa magiging balik nito sa image niya at sa image ng kanyang perfume brand. Naniniwala siyang malawak ang pang-unawa ng mga tao.

"Alam naman siguro ng mga tao ang sincerity ko kung totoo o hindi ang sinasabi ko," sabi niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN