Ryza Cenon gets her biggest break to date as the sculptor in Machete

IMAGE 0


"Matagal ko na ring hinintay ang ganitong klaseng role at ayokong masayang lang. Ipapakita ko ang ibang side ni Ryza. Mas daring at mas palaban na," says Ryza Cenon about her role as a sculptor in Machete

.


Excited and the same time ay kinakabahan ang StarStruck 2 Ultimate Female Survivor na si Ryza Cenon sa kanyang bagong drama series sa GMA-7—Machete.

Ang Machete ay TV remake ng 1990 film na Machete: Istatwang Buhay, na base sa komiks serial na isinulat ng yumaong si Pablo Gomez.

Ang gumanap na original na Machete ay si Cesar Montano at si Rita Avila naman ang gumanap na sexy sculptor na si Lorna. Kasama rin sa pelikula sila Vivian Foz at Joel Torre.

Nagkaroon ng part two ang Machete noong 1994. Si Gardo Versoza ang gumanap na Machete, at nakatambal niya rito sina Rosanna Roces bilang sculptor at Snooky Serna.

Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Ryza via the social networking site Facebook, sinabi niyang napanood niya ang Machete 2 pero hindi ang unang Machete.

"Magkaiba nga raw po kasi ang dalawang Machete movies," sabi niya.

Kung sa unang Machete ay Lorna ang pangalan ni Rita Avila, at sa Machete 2 naman ay Margarita ang pangalan ni Rosanna, sa TV remake ay Marla ang pangalan ng character ni Ryza.

"Hindi ko pa nga napapanood yung version naman ni Ms. Rita Avila. Pero sabi nga nila, magaling daw siya doon sa movie.

Pero nagulat daw siya sa sobrang pagiging bold and daring ni Rosanna sa papel ng sculptor sa Part 2.

Ani Ryza, "Magaling po si Ms. Rosanna at sobrang sexy siya sa Machete 2. Parang hindi ko po kaya ang gano'ng ka-sexy na pagganap.

"Siguro gagawa na lang ako ng sarili kong interpretasyon sa role ko as Marla. May limitations pa rin ang pagpapa-sexy ko kasi may mga batang manonood ng series namin."

BIGGEST BREAK. Mabilis napapayag si Ryza na gampanan ang role ng sexy sculptor sa Machete. Hindi naman daw kasi nalalayo ang role niyang ito sa mga nagawa na niya tulad sa Langit Sa Piling Mo at Koreana.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Noong magsimula akong tumanggap ng roles na kakaiba sa mga ginawa ko noon, sinabi ko sa sarili ko na gagalingan ko na lang.

"Kailangan natin ng growth sa career natin. Kung parati tayong good girl, limited ang mga roles. Marami rin kasing gusto ang gano'n.

"Kaya noong mabigyan ako ng bad girl role, tulad nga sa Langit Sa Piling Mo na naging GRO ako, tapos sa Koreana naman, kontrabida ako at mang-aagaw ng lalake, itinuturing ko na lang na malaking challenge ang lahat.

"Ang mahirap lang sa pagiging kontrabida, minsan kaeksena mo ang kaibigan mo. Parang ang hirap magalit o manakit, lalo na kung yun ang hinihingi sa iyo.

"Pero trabaho lang naman ang lahat. At the end of the scene naman, magkaibigan pa rin kami," saad niya.

Maituturing ni Ryza na biggest break niya ang Machete kaya paghuhusayan daw niya ang kanyang pagganap.

"Alam ko na marami rin silang nai-consider for the role of Marla. Pero natuwa ako na ako ang napili nila. Kaya sinabi nga sa akin na bonggahan ko raw ang trabaho ko sa Machete dahil big break ito for me.

"Matagal ko na ring hinintay ang ganitong klaseng role at ayokong masayang lang. Ipapakita ko ang ibang side ni Ryza. Mas daring at mas palaban na.

"Alam ko na mas pressured ako ngayon, pero gagawin ko ang lahat ng makakaya ko for Machete."

ALJUR ABRENICA. Hindi pa raw sila nagkakasama ni Aljur sa taping dahil inuuna pang kunan ang mga eksena ng young actor bilang tribe warrior bago ito isumpa at maging isang puno.

Marami raw silang kissing scenes ni Aljur at may love scene pa sila kapag nagiging tao na si Machete. Handa na ba si Ryza dito?

"Naku, ayoko munang isipin 'yan!" sabi niya.

"Matagal pa naman i-shoot ang mga 'yon kaya mahaba pa ang time ko na paghandaan. Pero meron ngang mga ganyang eksena sa amin ni Aljur.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Okey naman kami ni Aljur kasi nagkasama na kami sa workshops at nagkakatrabaho naman kami dati sa ibang shows ng GMA-7.

"Ngayon, mas mature na ang mga ginagawa naming mga roles at kailangan paghandaan talaga.

"Bahala na si Lord sa amin kapag dumating na ang araw na kukunan ang eksenang 'yon."

Aminado si Ryza na sexy si Aljur at nakita niya kung paano alagaan ng young actor ang pangangatawan nito para sa Machete.

"Bilib ako sa determinasyon niya. Kasi piling-pili ang kinakain niya, 'tsaka parati siyang nagwu-workout. Disiplinado talaga siya.

"Talagang kina-career ni Aljur ang pagiging bida niya sa Machete."

SEXY PICTORIAL. Kung noon ay ayaw pang i-entertain ni Ryza ang maging pictorial para sa men's magazinez, ngayon ay mukhang ready na raw siya. Depende raw sa magiging concept ng pictorial.

"Hindi pa talaga ako ready, pero kung pakiramdam ko ay okey na at talagang nandoon na ang puso ko sa gagawing pictorial, okey na rin siguro sa akin.

"Pero ang puwede ko lang ipakita talaga ay legs ko. Yung upper body ko, kailangan may takip. Huwag naman na kapirasong tela lang!

"Maganda kung sexy ang top. Konting cleavage lang. Idaan na lang sa attitude ang pagiging sexy, di ba?" sabi niya.

Ready na ba si Ryza na makatanggap ng indecent proposals mula sa mga DOM (dirty old men) dahil sa pagpapa-sexy niya?

"Sa awa ng Diyos, wala namang ganyang proposals na dumating sa akin. Kahit na noong gawin ko ang Langit Sa Piling Mo, na ang role ko ay may kinakasamang DOM, wala namang dumating na indecent proposals.

"Siguro alam naman nila na hindi ako papayag sa gano'ng klaseng alok, di ba?"

NON-SHOWBIZ BOYFRIEND. Inamin naman ni Ryza sa PEP na may love life siya ngayon. Pero hindi raw taga-showbiz ang kanyang boyfriend.

"Masaya naman po ang love life natin," sabi ni Ryza.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero hindi siya from showbiz. Kaya sa akin na lang po 'yon.

"Basta masaya po ako kasi may nagpapasaya sa akin. Maganda naman yung may inspirasyon tayo sa ating trabaho."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN