TV-radio host Ogie Diaz earns ire of Charice fans after his negative tweets against their idol

IMAGE 0


Sa ngayon ay wala pang reaksyon si Charice sa mga kritisismo na ibinato sa kanya ni Ogie Diaz.


Patuloy ang pagngingitngit ng fans ng international Pinay singer na si Charice laban sa TV and radio host na si Ogie Diaz.

Ito ay dahil sa isang negatibong tweet na nai-post ni Ogie sa kanyang Twitter account (@ogiediaz) kagabi, January 24.

Na-delete na ang tweet sa Twitter account ni Ogie, ngunit maraming Chasters, o fans ni Charice, ang nakapag-retweet at nakapag-repost nito.

Sa nasabing tweet, pinansin ni Ogie ang pagsusuot ni Charice ng salamin at ang kanyang English accent.

Ilan ito sa mga tweets niyang nahanap ng PEP (Philippine Entertainment Portal):

"may nakapagsabi nah bah Kay charice na hindi bagay sa kanya ang nerdy glasses??! She always wears it but it's looks so ugly on her"

"Isa lang ang masasabi ko: iba pa rin ang karisma ni @MsLeaSalonga sa mga Pinoy. Very fluent pa sa Tagalog, lalo na sa English."

May mga Chasters na nagsabing minura rin daw ni Ogie ang isang fan ni Charice na nag-react sa kanya.

Dahil sa mga tweets ni Ogie, marami sa Chasters sa buong mundo ang nag-react sa Twitter. May mga murang ibinato sa Entertainment Live host. Ilan lamang sa mga salitang naglalarawan kay Ogie ng Chasters ay "cheap," "bakla," at "plastic."

May gumawa rin ng hashtag na direktang minumura at tinatawag ng kung anu-ano ang nanay ni Ogie.

Mayroon ding nagsabing ia-unfollow na nila si Ogie sa Twitter. May nandamay rin sa talent ni Ogie na si Vice Ganda, na in-unfollow rin ng ibang Charice fans.

Sa dami ng Chasters na nagbigay ng reaction, sandaling nag-trend si @ogiediaz sa U.S. Twitter kaninang umaga, January 25.

Isa sa celebrities na nagbigay ng kanilang panig ay si Lea Salonga, na nabanggit ni Ogie sa kanyang tweet. Saad ni Lea sa Twitter, "To say the least, I'm a bit concerned. I don't know what Charice has done to deserve the ire of Ogie Diaz."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

CHARICE SNUBS THE PRESS? Sa column ni Ogie Diaz na inilathala sa Pinoy Parazzi ngayong araw, ibinigay niya ang dahilan ng tweets niya sa Twitter.

Kuwento ni Ogie, nairita raw ang ilang press noong hindi makapanayam si Charice sa concert nito with Gary V noong January 8 sa MOA Concert Grounds.

Saad ni Ogie, tila nag-astang foreign artist si Charice dahil hindi raw ito na-interview.

"Kung umaastang foreign artist ang dating, eh, dito sa Pinas kasi, hindi 'binibili' yon, eh. Puwede naman sigurong isahang interview, tapos, babu na, pero para umastang foreign artist?" sabi ni Ogie sa kanyang column.

Pinuna rin ni Ogie ang dami ng entourage at bodyguards na kasama ni Charice saan man ito pumunta.

Pagpapatuloy ng kolumnista, "Kung sa Hollywood, tanggap yung nang-ii-snab ng press, nilulusutan ang press, dinededma ang press at nakakataas pa nga ng market value yung gano'n. Pero sa Hollywood yon nangyayari.

"Dito, kapwa Pinoy, aastahan mo ng ganyan na dapat nga, dito ka 'sobrang bait,' dahil ang Pinoy ang unang tumangkilik sa yo bago ka pa makilala sa ibang bansa."

Ikinumpara muli ni Ogie si Charice kay Lea Salonga, na hindi raw "nagpa-hard-to-get" sa local press.

"Yan ang dapat manahin ni Charice. Kaya ang tingin ng mga Pinoy kay Lea, mataas pa rin. Kasi nga, hindi lang nito basta sinasabi. Ramdam ng mga Pinoy kung gaano sila kamahal ni Lea Salonga," saad ni Ogie.

OGIE GIVES AN APOLOGY. Matapos i-delete ni Ogie ang kanyang tweets laban kay Charice ay nag-post naman siya ng apology.

"Sa mga na-offend, sorry. Sa mga na-block, sorry din. Sa mga nakaintindi, salamat. Sa mga nakapagpaliwanag ng bongga, u have my respect," sabi niya sa Twitter.

Ngunit hindi pa sapat ito para mapatahimik ang Chasters, na patuloy pa rin sa pabibigay ng reaksyon.

Dahil dito, nagpa-phone patch interview si Ogie sa DWIZ kaninang umaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Malumanay ang boses ni Ogie sa radyo, at tila nasaktan ito sa mga pintas sa kanya ng mga Chasters.

"Ako po ay humihingi ng paumanhin sa mga Chasters... kung sila man ay na-offend sa aking mga opinyon," sabi ni Ogie.

"At siyempre, kung na-offend ko man si Charice Pempengco, ay ako din, e, humihingi ng sorry sa kanya, kung na-offend ko siya sa aking mga opinyon. Actually ang basa ko diyan, e, 'yan ang nakapagpapatibay pa lalo kay Charice para lalo niyang pagbutihin ang kanyang craft."

Dagdag ni Ogie, trabaho raw niya ang pagbigay ng opinyon.

"Kasi siyempre, pride nating mga Pinoy si Charice. Pero tayo, bilang manunulat, aside from being Pinoy also, e, meron din tayong mga trabaho. Sa pagsusulat naman natin, sa opinyon naman natin, siyempre, we cannot please everybody. Oo.

"So ako, kung na-offend ko man sila, kung hindi sila natuwa sa opinyon ko, kung biglang nila akong na-hate, e, ako na ho ang humihingi ng sorry kung ang mga opinyon ay naka-offend sa inyo, lalong-lalo na dun sa mga taga-ibang bansa na fan na fan ni Charice."

Matapos nito ay ibinigay ni Ogie ang mga hinaing sa buong pangyayari. Daing ni Ogie, sana raw ay hindi dinamay ng mga Chasters ang kanyang ina.

"Pero, gusto ko lamang iano sa mga Chasters na, kung hate niyo ako, e, ako na lang ang i-hate n'yo, huwag n'yo nang idamay ang nanay ko. Kasi, hindi naman siya ang nagsalita.

"Kasi kung kayo, I'm sure may mga nanay din kayo, di ba? Kung feeling n'yo, mali ang ginawa ko, kung feeling n'yo, mali ang opinyon ko, dapat ba, isumpa n'yo ang nanay ko?

"Sinasabi ko nga, at the end of the day, ipagpe-pray ko yung mga mommy ninyo na, sana manatili silang in good health, in good shape, at be safe always.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi, wala namang ginagawa yung mga nanay nila sa akin. Kaya yung mga fans ni Charice, kung na-offend ko man kayo, at hindi n'yo ako ma-forgive, e, ako na lang isumpa n'yo. Bakit kailangan pati nanay ko, idamay n'yo?

"Kasi, kung feeling n'yo hindi ako tinuruan ng nanay ko ng kagandahang-asal, e, nagkakamali kayo.

"Pangalawa, hindi naman kayo ang nagpakalaki sa akin, nanay ko. So, puwedeng sabihing, 'Nay, baka hindi n'yo inaano si Ogie ng magandang-asal... Ganun lang.

"Pero para sabihin n'yo na ang madir ko ay pokpok. Pero hindi ako na-hurt kasi mas naaawa ako sa mga taong ganito, na lumalampas sa guhit. Mas nakakaawa.

"Kasi alam ko naman ang totoo na... As long as I know the truth na ang nanay ko ay hindi ganun, tulad ng kanilang ipinararatang.

"At yung iba sa kanila, e, galing pa ng ibang bansa. Sabi ko, kasama kaya nila yung nanay nila, para magsabi sila ng ganun.

"Kaya ba nilang yakapin ang nanay nila, at sabihin nila na, 'Nay, naging mabuting anak ako sa inyo, kasi isinumpa ko ang nanay ng nagkakamali ng opinyon sa aking hinahangaang si Charice Pempengco.'

"Kaya ako, to tell you honestly, hindi ako na-ano, na-hurt for my mom. Na-hurt ako para sa mga mommy nila.

"Kasi, all the while, they thought na ako ang hindi tinuruan ng nanay ko. Pero nasasalamin mo dito na, sino ba sa atin ang hindi tinuruan ng magandang-asal, para mandamay kayo ng nanay ko?

"Kung ako ang nagkasala sa inyo, di ako ang ipako n'yo sa krus. Kaya sabi ko, ay ipagpe-pray ko yung mga nanay ninyo na maging safe sila, na maging malayo sila sa kapahamakan, kasi yun ang nararapat."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN