Senator Bong Revilla comments on Baron Geisler's latest harassment issue

IMAGE 0


"Unang-una, artista siya. Pag artista ka, maraming tao na humahanga sa iyo, na ikaw ay iniidolo. Maaaring pamarisan siya, e, kaya dapat nag-iingat. You should be a role model to your fans, kaya dapat iniingitan 'yon," says Senator Bong Revilla about Baron Geisler (inset).


May pahayag si Senator Ramon "Bong" Revilla Jr. kaugnay ng isyung pambabastos umano ni Baron Geisler kay Cherry Pie Picache.

Naging malaking usapin ang isyung pambabastos ni Baron matapos ireklamo ng premyadong aktres ang paghawak ng binata sa kanyang dibdib sa taping nila ng teleseryeng Noah ng ABS-CBN.

Naghain ng reklamo sa PAMI (Professional Artists Managers, Inc.) si Cherry Pie sa pamamagitan ng kanyang manager na si Ed Instrella, at humantong ang kaso sa pagkaka-ban sa aktor na makatrabaho ang lahat ng mga artistang nasa pamamahala ng mga miyembro ng samahan.

Kagabi, January 20, ay nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Senator Bong sa isang media event. Nagpahayag ito ng kanyang saloobin bilang pakikisimpatiya sa actress-complainant.

Aniya, "Ang nakakalungkot sa pangyayari na 'yan, maybe nung time na ginawa niya 'yon, he [Baron] is under the influence of alcohol.

"Pero siyempre, kailangan may responsibilidad na kaakibat sa bawat ginagawa natin, e. Kailangan maging maingat tayo.

"Unang-una, artista siya. Pag artista ka, maraming tao na humahanga sa iyo, na ikaw ay iniidolo.

"Maaaring pamarisan siya, e, kaya dapat nag-iingat. You should be a role model to your fans, kaya dapat iniingitan 'yon."

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagsalita si Senator Bong bilang pagtatanggol sa babaeng artistang naging biktima ng pambabastos.

Sumuporta rin siya sa mga naging reklamo ni Katrina Halili laban kay Hayden Kho Jr. at ni Yasmien Kurdi laban din kay Baron.

"Advocacy natin 'yon," sabi ng senador. "Siyempre, papangalagaan natin ang mga kababaihan. Tulad niyan, kapatid pa natin sa industriya, dapat lang na pangalagaan natin."

At sa naturang advocacy ay hindi kunsiderasyon ang kinaaanibang network ng artistang binibigyang-suporta ng mambabatas.

"Walang Kapuso o Kapamilya," sabi rin ng actor-politician, referring to GMA-7 and ABS-CBN.

"Ang isinasaalang-alang natin, yung pagmamahal sa kapwa natin, lalo na sa mga kababaihan."

Kaugnay nito, humingi na ng paumanhin si Baron kay Cherry Pie sa pamamagitan ng live interview niya sa TV at sa isang presscon ngayong umaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sasailalim din ang kontrobersiyal na aktor sa 90-day rehabilitation para sa kanyang problema sa pag-inom.

ENDORSEMENT. Nabanggit din sa panayam kay Senator Bong ang tungkol sa pag-eendorso niya ng isang unibersidad na ito'y kaugnay naman ng kanyang advocacy ukol sa pagpapasulong sa kahalagahan ng edukasyon.

"Isang karangalan 'yon. Nagpapasalamat din ako sa AMA University for getting me to be their endorser.

"Kumbaga, yung bayad sa akin, e, ipamimigay natin 'yon dun sa mga mangangailangan na mga kabataan, mga scholars," saad niya.

ANG PANDAY PART 2. Samantala, ngayon pa lang ay masaya nang nababanggit ni Senator Bong, bilang actor-producer, ang maaga niyang paghahanda para sa Part 2 ng tinampukang Ang Panday na naging matagumpay na entry niya sa Metro Manila Film Festival noong December 2009.

Ang ikalawang bahagi ng nasabing action-adventure movie, na pagbibidahan uli ni Bong, ay nakatakdang maging entry sa 2011 Metro Manila Film Festival.

"Last year pa kami nag-prepare para dito. We will start shooting siguro itong February," banggit niya.

"Abangan n'yo. Mas malaki, mas pinaganda. At yung mga effects kakaiba dahil mas mahaba ang time [ng preparation].

"Well, last [December] 2009, number one din ang Panday noon, di ba? Tapos, maraming awards na hinakot. So, yun ang dapat nating tapatan, o higitan pa, yung Panday!

"Itong Si Agimat at si Enteng Kabisote, of course, dalawang kumbinasyon na pinagsama. Kumbaga, talagang expected yung suporta ng mga tagahanga niya," banggit ni Senator Bong sa naging top-grossing entry nila ni Vic Sotto sa nakaraang MMFF 2010.

Kung sinu-sino ang makakasama niya sa bagong Panday movie, slated for this year's MMFF, ay hindi muna binanggit ni Senator Bong.

"Kakumbinasyon? A, sorpresa, abangan n'yo!" ngiti niya.

"Sabi ko nga, mahabang preparasyon, mas pinaganda, mas pinag-isipan. Siguradong mas maganda kaysa part one!"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN