Louise delos Reyes laughs off rift rumors with Tween Hearts co-star Barbie Forteza; says they're good friends

IMAGE 0


"Nakakagulat nga po ang mga tsismis between me and Barbie, wala po kaming problema. We're very good friends. Nagkakausap pa kami kasi naging very close kami noong ginagawa namin ang Tween Hearts,"says Louise delos Reyes on rumored gap with co-star Barbie Forteza.


Natatawa na lang ang bida ng bagong afternoon telefantasya na Alakdana na si Louise delos Reyes sa balitang may gap na raw sila ng dating co-star niya sa Tween Hearts na si Barbie Forteza.

Ayon sa balita, para raw talaga kay Barbie ang title role na Alakdana. Pero dahil nagpapakita raw ng hindi magandang attitude itong si Barbie kaya kay Louise na ito ibinigay.

Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Louise, wala siyang alam tungkol sa balitang ito at magkaibigan sila ni Barbie.

"Nakakagulat nga po ang mga tsismis kasi between me and Barbie, wala po kaming problema. We're very good friends. Nagkakausap pa kami kasi naging very close kami noong ginagawa namin ang Tween Hearts.

"The last time na nagkausap kami, natawa lang siya sa tsismis. Bakit daw pinag-aaway kami? Nagtataka nga rin ako," sabi ni Louise.

Hindi naniniwala si Louise na may attitude problem si Barbie. Matagal daw niyang nakatrabaho si Barbie sa Pilyang Kerubin at Tween Hearts at never daw niyang nakitaan ng hindi magandang attitude ito.

"Unfair po kay Barbie kasi nakita ko naman po kung paano sila magtrabaho. Pare-pareho po kaming nasa taping at mas napapagod sila ni Joshua [Dionisio] kasi mas marami silang mga eksena.

"Pero kahit pagod sila, kapag may mga fans na gustong magpa-picture or magpa-autograph, pinagbibigyan nila. Kaya wala pong katotohanan na may attitude problem si Barbie. Huwag naman nilang siraan yung tao."

FIRST TITLE ROLE. Tungkol naman sa pagkakabigay sa kanya ng title role na Alakdana, nagulat din nga raw si Louise dahil hindi niya inaasahan na mabibigyan siya kaagad ng sarili niyang TV series.

"Sinabi lang po sa akin ang project. Noong December pa po nila nabanggit. Akala ko nga baka iniisip pa lang nilang gawin at hindi pa 'yon sure. Kaya wala po akong kinukuwentuhan.

"Noong sabihin na tuloy na at mag-i-story conference na, doon lang ako naniwala na meron na akong pagbibidahan na series.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Unang natuwa ang parents ko at ang mga kapatid ko. Lahat daw ng pinagpaguran ko noong magsimula akong mag-artista ay worth it.

"Naiyak nga ako sa tuwa kasi sa dami ng puwede nilang kunin, ako pa ang naisip nila.

"Kaya ayokong mapahiya at gagawin ko ang lahat para makita nila na seryoso po ako sa trabahong ito. Ayokong magsisi sila sa pagbigay ng tiwala sa akin," nakangiting saad ni Louise.

Kung experience lang sa acting ang hahanapin marami na nito si Louise dahil bata pa lang siya, lumabas na siya sa commercials at ilang TV dramas na gamit ang tunay niyang pangalan na Mary Grace Perido.

Noong pumasok na siya sa pagiging teen actress, ginawa niya ang youth-oriented series na Lipgloss sa TV5 at ang indie film na Agaton & Mindy na idinirek ni Peque Gallaga.

"Marami na po akong nasamahan na acting workshops at sa bawat project naman na ibigay sa akin, I see to it na I give my best.

"Okey lang na mapagsabihan ako ng director namin kasi doon po ako matututo. Mas gusto ko nga po yung may nagki-criticize sa performance ko. Para malaman ko kung ano ang mali ko at ano ang dapat kong ma-improve."

Sa pinagbibidahan niyang Alakdana ay masuwerte siya at mga beteranong artista na ang mga kasama niya tulad nina Jean Garcia, Perla Bautista, Matthew Mendoza, Jobelle Salvador, Karla Estrada, Joonee Gamboa, Carmen Soriano, at marami pang iba.

"Tinatanong ko ang parents ko kung kilala ba nila ang ibang mga kasama ko sa Alakdana. Kasi yung iba kilala ko naman.

"Sinasabi nila na maging professional ako kasi mga beterano na sa pag-arte ang mga kasama ko sa series. Tsaka maging magalang ako sa kanila parati.

"Sinusunod ko naman ang mga sinasabi ng parents ko."

MISSING DERRICK. Kahit nga tatlo ang leading men ni Louise sa Alakdana na sila Alden Richards, Ritchie Paul Gutierrez, at Paulo Avelino, inaamin niya na nami-miss niya ang una niyang ka-loveteam sa Tween Hearts na si Derrick Monasterio.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Opo naman, nami-miss ko siya!" tawa niya.

"Naging close na kasi kami ni Derrick. May mga fans na nga kami na Lou-Rick na pumupunta sa tapings namin.

"Pero siyempre, kailangan kong magpaalam na dahil sa Alakdana. Nagkaiyakan pa kami noong mag-last taping ako sa show.

"Biniro ko naman si Derrick na meron naman na akong kapalit sa kanya. Si Kylie Padilla na ang magiging partner niya, di ba?

"Tumawa lang siya. Iba pa rin daw yung original.

"I wish naman na maging okey ang bagong ipa-partner sa kanya. Maganda si Kylie at bagay sila. Malay n'yo balang-araw makatrabaho ko pa silang dalawa."

This year ay mag-e-18 na si Louise. Sa September 1 pa ang birthday niya at marami pa raw time para paghandaan ang lahat.

"Malayo pa naman ang debut ko," ngiti niya. "Bahala na si Lord kung ano ang mangyari. Ayoko pa pong isipin kasi mas uunahin ko ang trabaho. Para may kasunod agad at makapag-ipon for my birthday."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN