Alwyn Uytingco on working with his girlfriend's ex-boyfriend: "Aaminin ko, noong una, medyo awkward."

IMAGE 0


"Naisip ko, kasi baka masyado pang maaga na magpatali ako. So, sabi ko, pag-iisipan ko muna. Kasi ang hirap pag tali ka na, e. Paano kung gusto kang kunin ng ABS-CBN o ng ibang istasyon?" explains Alwyn Uytingco about his decision to be a freelancer.


Aminado si Alwyn Uytingco na nailang siya noong nagkasama sila ni Martin Escudero—dating Mart Escudero—sa pictorial ng kinabibilangan nilang teleserye sa TV5, Babaeng Hampaslupa.

Si Martin kasi ang ex-boyfriend ni Jennica Garcia, na present girlfriend naman ngayon ni Alwyn.

Nagkataon namang ang ginagampanan nilang role sa Babaeng Hampaslupa ay magkaribal sa pag-ibig ng isang babae. Love triangle kasi sila rito kung saan si Alex Gonzaga ang babaeng nakapagitna sa pag-ibig nila.

Ayon kay Alwyn, "Noong nalaman ko nga po na makakatrabaho ko si Martin, nagulat ako. Parang naisip ko, 'Magkakailangan ba kami?'

"Pero aaminin ko, noong una, medyo awkward. Kasi siyempre, the past and the present nasa isang project, di ba? Parang hindi ko alam kung paano ako mag-a-approach.

"Ako rin naman, gusto ko rin naman siyang makausap talaga. Kaya noong nakapag-usap na kami, okay na. Noong mag-start na yung taping, nagkukuwentuhan na kami about music.

"Tapos, naggigitara kami. May dala siyang gitara, may dala rin ako. Konting jamming."



Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Alwyn sa presscon ng Babaeng Hampaslupa kagabi, January 24, sa Cravings restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

Wala naman daw dahilan para magkaroon sila ng conflict ni Martin.

"Alam ko naman naka-get over na si Martin kay Jennica," sabi ni Alwyn.

"Wala naman po kasing agawang nangyari. Totally wala na sila noong niligawan ko si Jennica. Hindi naman po ako sumingit.

"Wala rin naman naging problema. Kaya siguro ganun na lang din naging kagaan yung paghaharap at pagsasama namin."

Masasabi niya bang magkaibigan na sila ni Martin ngayon?

"Oo, okay kami. Okay naman kami. Walang tensiyon," sagot ng young actor.

"Kung magkakaroon man ng tensiyon, tensiyon yun para doon sa character namin sa soap. Pero off-cam, dapat wala, e. Kasi parehas kaming magsa-suffer.

"So, ako ginagawan ko rin ng paraan para maging kumportable kami sa isa't isa."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano naman ang gagawin niya kung maintriga sila na nadadala nila yung characters nila in real life?

"Oo nga, e, kulang na lang yung babae. Kulang na lang ilagay si Jennica doon sa role. Pero siyempre, nandiyan naman si Alex.

"Ang masasabi ko lang, trabaho lang yun at hindi namin kailangang magpaapekto ni Martin sa mga lalabas na isyu at intriga. Iba yung trabaho sa totoong buhay."

Napag-usapan din ba nila ni Jennica ang pagsasama nila ni Martin sa trabaho?

"Oo, natatawa nga siya, e. Nagbibiro nga siya, siya na lang daw ang kulang. Pero wala namang problema, kasi ang alam ko okay naman sila ni Martin, e."

NOT A BAD INFLUENCE. Kumusta naman sila ni Jennica?

"Okay naman po kami. Sobrang okay kami. Malapit na rin po kaming mag-one year," banggit ni Alwyn.

Mas naging matatag ba ang relasyon nila ni Jennica pagkatapos ng mga pinagdaanan nilang mga intriga, gaya ng pagiging bad influence niya raw sa kanyang girlfriend?

"Sobrang nakatulong para maging matatag ako, kaming dalawa ni Jennica. Doon na-test kung gaano namin kamahal ang isa't isa at kung paano namin matatanggap ang isa't isa.

"Kasi doon nga ako nagulat, e. Kasi first time kong ma-experience yung ganun na parang nagkakaroon ako ng negative write-up na hindi ko ine-expect.

"Kasi kung sabihin ng mga tao yung write-up, parang totoo talaga, e. Actually, kakagatin talaga ng mga tao yun, lalo na ang dami kong tattoo.

"Naging bad influence nga ba ako kay Jennica? 'Yan ang malaking tanong.

"Para sa akin, simula noong maging kami, wala akong ibang intensiyon kay Jennica kundi ang maging magandang influence sa kanya.

"Marami ang nagsasabi na ako raw ang rason kung bakit laging lumalabas at gumigimik si Jennica ngayon. Pero yung nga yung nakakatawa, kasi ayoko nga yung lagi kaming lumalabas.

"Kasi, gusto ko pag magkasama kami, gusto ko doon lang sa bahay nila."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang naramdaman niya noong lumabas ang isyung 'yon?

"Masakit," pag-amin niya.

"Lahat ng mga paratang, lahat ng panghuhusga ng mga tao, masakit talaga. Siyempre tao lang ako, nasasaktan din ako.

"Ang ginagawa ko na lang, ipinagdarasal ko na lang. Pag nagdadasal ako, sinasabi ko, 'Lord, kilala mo naman kung sino ako at kung ano ang intensyon ko. Bahala na po Kayo kung ano ang mangyayari.'"

Minsan naman daw hindi nila sinasadyang may lumabas na pictures, halimbawa sa Facebook, na may hawak silang beer.

"Yun, isa pa yun, naging problema din namin yun," sabi ni Alwyn.

"Kasi kami, pag kasama namin ang mga friends namin, normal kaming tao, e, hindi namin naiisip na artista kami. Hindi namin naiisip na maraming nakatingin.

"So, sabi ko kay Jennica, 'Dapat pag nasa labas tayo, dapat naiisip pa rin natin ang image natin. Kasi public figures na tayo.'

"Tapos, kinausap namin yung mga kaibigan namin. Kasi most of the time naman, ang nagpo-post ng pictures, yung mga friends namin.

"Kung tatanungin n'yo kaming dalawa, hindi kami mahilig mag-picture-picture. Pag nagpi-picture kami, yung kaming dalawa lang halimbawa sa bahay nila. Pero pag nasa labas, hindi kami nagpi-picture ng ganun na inuman.

"Kaya ngayon, mas maingat na kami. Kinausap namin yung mga kaibigan namin na tulungan nila kami kasi trabaho namin ito."

RELATIONSHIP WITH JEAN. Kumusta naman sila ng mommy ni Jennica na si Jean Garcia?

"Okay naman po kami. Nagulat nga ako doon sa isang interview niya sa PEP na parang ipinagtatanggol niya ako at magaganda ang sinabi niya about me. Hindi ko talaga ine-expect.

"Gusto ko lang kasing malaman niya kung gaano ko pinapahalagahan yung anak niya. Kumbaga, in that way, naipapakita mo na rin yung respeto mo sa kanya, e. Alam ko naman mabait naman si Madam, e," saad ni Alwyn.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagkaroon na rin daw sila ng bonding ni Jean.

"Gaya noong New Year, after ng twelve o'clock, pumunta ako sa kanila. Kasi kasama ko yung family ko noong [December] 31.

"Then, after ng putukan, pumunta na ako sa kanila. Pero ayoko lang yung parang ipagyayabang ko na close na close kami ni Madam," kuwento niya.

ON BEING A FREELANCER. Samantala, in terms of his career, freelancer si Alwyn ngayon at hindi siya nakakontrata sa kahit anong istasyon.

Personal na desisyon niya raw ito. Bagamat manager niya pa rin si Manny Valera.

"Ang totoo po talaga, ako po ang nag-decide nun. Kasi ayoko pong magpatali," sabi niya.

May offer sa kanyang three-year contract ang TV5, pero hindi niya ito tinanggap. Bakit?

"Naisip ko, kasi baka masyado pang maaga na magpatali ako. So, sabi ko, pag-iisipan ko muna.

"Kasi ang hirap pag tali ka na, e. Paano kung gusto kang kunin ng ABS-CBN o ng ibang istasyon?

"Yun lang po yung naisip ko. Parang gusto ko lang maging open at makapagtrabaho sa iba't ibang istasyon," paliwanag ni Alwyn.

Dating nakakontrata si Alwyn sa ABS-CBN at co-managed pa siya ng Star Magic. Hindi niya ba naisip na mas matututukan ang career niya kapag nakakontrata siya sa isang istasyon?

"Actually, pareho pong may benefits, e," sagot niya.

"Pag nakakontrata ka sa isang network, guaranteed na may trabaho ka. Pero this time po kasi, gusto ko lang i-explore lahat."

WORKING WITH ALEX. Isa nga si Alwyn sa leading men ni Alex sa Babaeng Hampaslupa. Ginagampanan niya ang role ni Nato, na kababata ni Grace (Alex) at iibig sa dalaga. Pero magiging karibal ni Andrew (Martin).

Hindi raw ito ang first time na makakatrabaho niya si Alex.

"Bale pangatlo na itong Babaeng Hampaslupa," banggit ni Alwyn.

"First ko siyang nakatrabaho sa Hapi Together. Tapos nagkasama rin kami sa BFGF. Pero ito yung first teamup namin na isa ako sa leading men niya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kumusta naman katrabaho si Alex?

"Masaya siyang katrabaho. Hindi ganung kahirap na ma-form yung bond sa amin ni Alex kasi magaan nga siyang katrabaho. Kaya sobra ring napapadali yung trabaho."

Makakasama rin nina Alwyn, Martin, at Alex sa Babaeng Hampaslupa sina Susan Roces, Alice Dixson, Karel Marquez, at marami pang iba.

Directed by Joyce Bernal and Eric Quizon, ang Babaeng Hampaslupa ay mapapanood simula February 7 sa Primetime Panalo ng TV5.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN