Angel Locsin on being in love: "Masarap 'yon kapag sa tamang tao."

IMAGE 0


"Parang 'yon ang isa sa mga misteryo ng buhay natin, hindi naman natin kasi agad malalaman kung ito na ba or siya na ba or nahanap mo na ba. Basta naniniwala ako na darating ang pagkakataon na malalaman mo na, 'Ay, ito na, ito na ang para sa akin!'" sagot ni Angel Locsin nang tanungin kung nahanap na ba niya ang pag-ibig na imortal.


Aminado si Angel Locsin na humanga siya sa ginawang pag-amin ni Piolo Pascual sa tunay na estado ng relasyon nila ni KC Concepcion.

Matatandaan na noong nakaraang Linggo, January 30, sa The Buzz ay inihayag ng matinee idol sa publiko na, "I just want it out and I just want them to know that she's taken." (CLICK HERE to read related article)

Napanood ni Angel ang naturang panayam at ito ay kanyang ikinatuwa.

"I'm sorry, pero noong umamin si Piolo na 'she's taken,' 'yon ang pinakapoging nakita ko sa kanya. I mean, 'Ang pogi talaga ni Piolo Pascual!' Parang bumalik 'yong crush ko sa kanya. Pero taken na rin siya. Parang gano'n lang 'yong dating," sabi ng dalagang aktres sa ginawang press conference para sa ikalawang yugto ng fantaseryeng Imortal kanina, Pebrero 2, sa Dolphy Theater ng ABS-CBN.

Nagkasama noon sina Angel at si Piolo sa fantaseryeng Lobo (2008). Ito ay konektado sa kasalukuyang teleseryeng ginagawa niya kasama si John Lloyd Cruz na Imortal.

Ngayong umamin na si Piolo, hindi ba naiisip ni Angel na pumasok na rin sa isang relasyon?

NOT IN A HURRY. Matatandaan na ang huling nabalitang karelasyon ni Angel ay ang anak nina Edu Manzano at Vilma Santos na si Luis Manzano. Ngunit natapos ito noong 2009. May mga bali-balitang muling nag-date ang dalawa noong ikalawang bahagi ng 2010, subalit tila hindi naman ito umusbong sa panibagong relasyon.

Ayon kay Angel, hindi naman siya nagmamadali na magkaroon ulit ng kapareha sa totoong buhay.

Dagdag pa niya, "Well, hindi naman ako naka-taxi. Hindi naman ako naka-metro. Darating naman 'yon, e.

"Kagaya nga ng sinasabi ko, masarap 'yong feeling ng ma-in love. Pero masarap 'yon kapag sa tamang tao."

Kung gano'n, paano niya ipagdiriwang ang Araw ng mga Puso sa Pebrero 14?

"Wala pa. Hindi ko pa alam," nakangiting sagot ni Angel.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon kay Angel, may ilang mga nag-aaya sa kanyang lumabas. Subalit natatawang sinabi niya, "Hindi naman puwedeng sama ka lang nang sama, di ba?"

SHORTY AWARDS. Samantala, sa panayam pagkatapos ng press conference, nagpasalamat si Angel sa kanyang masugid na fans sa pagboto sa kanya sa 3rd Shorty Awards.

Ang Shorty Awards, ayon sa website nito, "honor the best people and organizations on Twitter and social media."

Sa pamamagitan ng micro-blogging site na Twitter, maaaring i-nominate at iboto si Angel ng kanyang avid fans at Twitter followers.

Sa ngayon, nasa ikatlong puwesto ang 25-year-old na si Angel para sa actress category. Sinusundan niya sina Stana Katic ng American TV series na Castle na nasa unang posisyon at ang Bulgarian-Canadian actress na si Nina Dobrev sa ikalawang posisyon.

"Alam mo, I really have the best followers talaga," excited na sinabi ni Angel. "Sila kasi ang nagboboto. Wala akong idea. Siguro dahil 'yon ang paniniwala nila kaya ni-nominate nila ako sa Shorty.

"Nakakatuwa lang kasi kapag nakikita mo, mga taga-ibang bansa daw. Ako lang daw 'yong Pilipinong nakapasok do'n. Sana pumasok ako."

Kung sakali, umaasa ba si Angel na manalo sa Shorty Awards?

"No naman," sagot niya. "Pero maganda kung manalo ka, di ba? Kasi, iba rin 'yong effort ng mga nagboto. Pero kung hindi naman, wala namang problema doon."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN