Kristoffer Martin denies there's more to his loveteam with Joyce Ching; focuses on school studies and acting pursuits

IMAGE 0


"Inaamin ko na espesyal sa akin si Joyce, kasi sobrang bait talaga niya sa akin. Sa akin kasi, pag mabait ka at naramdaman ko yung pagki-care mo sa akin, espesyal na ang turing ko sa 'yo, at ganun si Joyce sa akin," says Kristoffer Martin about screen partner Joyce Ching.


Isa sa kinakikiligang tambalan sa top-rating youth-oriented show ng GMA-7 na Tween Hearts ang kina Kristoffer Martin at Joyce Ching.

Dahil sa kanilang tambalan ay nababalitang nauwi na sa totoong pag-iibigan ang dalawang teen stars, pero mabilis itong pinabulaanan ni Kristoffer nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa gazebo ng GMA Network Center noong Lunes, February 7.

Aniya, "Hindi po totoo na kami na ni Joyce. Masyado pa po kaming bata para sa mga bagay na 'yan. Nagkataon lang talaga na maraming bagay na napagkakasunduan at gusto namin ni Joyce kaya siguro nag-click yung loveteam namin."

Ayon pa sa teen actor, alam nila ni Joyce kung ano ang priorities nila—ang pag-aaral at career. Magtatapos si Kristoffer ng high school sa Marso.

"Mahirap kasing pagsabayin yung pag-aaral at career ko sa showbiz. Dun pa lang, medyo hirap na ako," sabi ng 16-year-old actor.

"Tapos papasukan ko pa ng lovelife, baka madiskaril na yung pag-aaral o kaya naman yung pag-aartista ko.

"Kahit naman kasi si Joyce, alam ko na trabaho at studies din ang priority niya, kaya pareho kami ng gusto sa ngayon."

SUCCESSFUL TEAM-UP. Pero masaya naman daw si Kristoffer sa magandang pagtanggap ng mga tao sa kanilang tambalan.

"Natural na natural na lumalabas yung sweetness namin sa isa't isa, kasi nga, very close kami. Pero purely friendship lang po talaga yung pinagsasamahan naming dalawa at wala nang mas malalim pa doon.

"Inaamin ko na espesyal sa akin si Joyce, kasi sobrang bait talaga niya sa akin. Sa akin kasi, pag mabait ka at naramdaman ko yung pagki-care mo sa akin, espesyal na ang turing ko sa 'yo, at ganun si Joyce sa akin."

Wala ba siyang balak ligawan si Joyce?

"Sa ngayon kasi, hindi ko pa masagot 'yan, kasi studies at trabaho talaga yung main concern ko. Pero sino ba ang hindi magkakagusto kay Joyce na mabait na, maganda pa?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ayoko po magsalita ng tapos, pero sa ngayon, mas maganda siguro na mas mag-focus kami sa studies at career," pahayag ni Kristoffer.

Unang nagkasama sina Kristoffer at Joyce sa GMA-7 telenovela na Endless Love, kunsaan gumanap silang magkapatid. Ang unang nakatambal ni Kristoffer ay si Kathryn Bernardo, na bida ngayon sa top-rating primetime soap ng ABS-CBN na Mara Clara.

Kung magkaibigan lang ang turing nina Kristoffer at Joyce sa isa't isa, bakit meron silang magkaparehong relo?

Tumawa muna si Kristoffer at sinabing, "Yun ba? Regalo niya sa akin yun. Kumbaga, friendship watch. Regalo niya sa akin yun nung Christmas.

"Ako kasi, pag may nagregalo sa akin, lalo na't material na bagay katulad ng relo, sinusuot ko. Para makita ng tao kung gaano ko ina-appreciate yung bigay niya sa akin."

Si Joyce ba ang magiging Valentina niya sa Valentine's Day?

"May pasok kami pareho nun sa school. Siguro ang magiging ka-Valentina ko yung mga teachers ko!" natatawang sagot ng binata.

May gift ba siya kay Joyce sa February 14?

"Secret!" sambit niya.

"Sa akin na lang yun. Kasi pag sinabi ko, hindi na surprise kasi mababasa na niya. Basta malalaman n'yo na lang pag ibinigay ko na sa kanya."

TWEEN HEARTS. Ano naman ang reaksiyon ni Kristoffer na na-extend na naman hanggang October 2011 ang Tween Hearts dahil sa consistent na mataas na ratings nito every Sunday?

"Happy!" bulalas niya.

"Lahat kami sobrang saya kasi na-extend na naman kami ng ilang buwan pa. Kaya nga very thankful kami sa loyal viewers ng show namin.

"Kaya naman mas nai-inspire kami magtrabaho. Yung mga manonood ang nagiging inspirasyon namin para mas pagandahin pa yung show."

Bukod sa Tween Hearts, ano pa ang magiging show niya sa Kapuso network?

"Ang sabi sa akin ni Ma'am Annette [Gozon-Abrogar, GMA Films president], kasama daw ako sa Amaya, yung show ni Ate Marian [Rivera]. Bale gagampanan ko daw yung role ng isang young warrior.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hopefully, sana mag-start na siya para may bago na akong show bukod sa Tween Hearts," asam ni Kristoffer.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN