Sarah Geronimo on negative reaction about reconciliation with Cristine Reyes: "Basta ako, ginawa ko kung ano ang nasa puso ko."

IMAGE 0


"Kahit ako nabigla din ako sa ginawa ko. Pero kasi, hindi ko alam, e, bigla na lang may nagsabi sa akin na ito na yung time. Alam ko na may mga tao na hindi ito maiintindihan. At humihingi po ako ng pasensiya sa mga taong nagulat at nabigla sa naging desisyon ko," says Sarah Geronimo about the negative reaction on her reconciliation with Cristine Reyes.


Paulit-ulit na humingi ng paumanhin ang Pop Princess na si Sarah Geronimo nang malaman niyang may ilang tao na iniisip na isang gimik ang ginawa niyang pakikipagbati kay Cristine Reyes. (CLICK HERE to read related story.)

Matatandaan na inilahad ni Sarah sa YES! Magazine ang tunay na naging relasyon nila ng kapwa Kapamilya talent na si Rayver Cruz, na ngayo'y kasintahan na ni Cristine.

Sa March issue ng YES!, nagbigay rin ng pahayag si Cristine kung bakit niya nagawa ang mga negatibong post laban kay Sarah sa microblogging site na Twitter.

"Malungkot ako na ganyan ang iniisip ng ibang tao. Actually, bago ko ginawa yun, na pumunta ako sa dressing room ni Cristine, hindi ko naisip na magiging gano'n ang [sasabihin] ng ibang tao," sagot ni Sarah sa grand press conference na inihanda ng Star Cinema para sa pelikula nila ni Gerald Anderson, ang Catch Me... I'm in Love, kaninang tanghali, Marso 23, sa Sentosa Restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

Ayon kay Sarah, hindi niya sinadya na itaon ang pakikipag-ayos kay Cristine ilang araw bago ipalabas ang pelikula nila ni Gerald.

"Kahit ako, nabigla din ako sa ginawa ko. Pero kasi, hindi ko alam, e, bigla na lang may nagsabi sa akin na ito na yung time.

"Alam ko na may mga tao na hindi ito maiintindihan. At humihingi po ako ng pasensiya sa mga taong nagulat at nabigla sa naging desisyon ko. At nagpapasalamat po ako sa lahat ng taong nagtanggol sa akin."

Gayunman, ani Sarah, "Hindi natin talaga mapi-please ang lahat, e. Basta ako, ginawa ko kung ano ang nasa puso ko."

Kahit na usap-usapan na ngayon ang kanyang paglapit kay Cristine sa backstage ng ASAP Rocks noong Linggo, Marso 20, hindi na muling ikinuwento ni Cristine ang detalye nito.

"Naikuwento ko na po sa The Buzz. Okay na po yun, tama na," ilang ulit na pakiusap ng 22-year-old na singer actress sa media.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Muli pa niyang idiniin, "Pero yun nga po, matagal ko na po ito gustong gawin at hindi ko po sinasadya na maisabay ko ito sa pelikula."

May alam ba ang kanyang ina sa ginawa niyang hakbang?

"Alam niya po na gustung-gusto ko na itong gawin. Pero hindi niya po alam na yun yung time na yun," sagot ni Sarah.

WHY SHE DID NOT APPROACH RAYVER. Samantala, natanong din si Sarah kung bakit si Cristine ang nilapitan niya at hindi si Rayver?

"Bakit ko lalapitan si Rayver? Dahil nga doon nagkagulo, e," nakangiti niyang sagot.

"Ang intensyon ko, makikipagbati ako. Ayaw ko na kasi yung tension... Naku, uulit na naman tayo... Okay na po yun, huwag na nating pag-usapan.

"Basta lumapit po ako kay Cristine dahil babae po siya, naiintindihan ko siya kung saan siya nanggagaling din.

"Alam ko masakit yung nagawa niya. Of course, nasaktan din siya sa nagawa ko, and hindi ko po intensiyon na makasakit. So, mag-a-apologize na lang ako, yun na lang. At wala akong nakikitang masama doon sa ginawa ko."

Sa kabila nito, hindi naman umano problema kay Sarah kung sakaling makasama niya sa isang production number ang dalawa sa Sunday musical-variety show ng ABS-CBN.

Subalit, aniya, "Siyempre, huwag na muna kaming tatlo. Hindi magandang tingnan."

At tulad ng nabanggit niya sa red-carpet premiere ng Catch Me... I'm In Love, handa rin siyang tanggapin ang offer ng ate ni Cristine na si Ara Mina na magkita-kita silang tatlo.

"Okay naman po. Sabi ko nga po, kung ready na ang lahat ng nasa paligid ko sa pagbabati namin, in time, magagawa po namin 'yan, naniniwala ako," sabi ni Sarah.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN