Kean Cipriano says Alex Gonzaga is not avoiding him; they're both busy with gigs

IMAGE 0


Bakit hindi nauwi sa totohanang relasyon ang pagiging magka-loveteam ni Kean Cipriano at Alex Gonzaga? The two starred in the defunct romantic-comedy series BFGF on TV5. "Oo nga e. I think, nung umpisa, pinagdidikit kami ng tao. O, kayo-kayo. Tapos sa bandang huli, masyado naman raw kaming close na dapat hindi naman ganun," Kean says.


Kahit nagwakas na sa ere ng TV5 ang BFGF (Boyfriend, Girlfriend), may mga projects pa rin na ginagawa ang singer-turned-actor-host na si Kean Cipriano, lead vocalist ng Callalilly.

Ang BFGF ay ang romantic comedy series sa Kapatid Network na pinagbidahan nina Alex Gonzaga at Kean.

Nag-goodbye man sa ere ito, tatlo pa rin ang shows ni Kean sa TV5, ang Magic Gimik, Happy Together (dating nasa cast si John Estrada bago nito tinanggap ang noontime show niya sa ABS CBN ang Happy, Yipee, Yehey!) at Funtastik, ang bagong youth-oriented program na papalit sa Sunday musical variety show na PO5.

Mamamaalam na rin sa ere ngayong February ang PO5.

May balitang tatapusin na rin ang Happy Together, pero sa interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Kean noong nakaraang Sabado, wala siyang maibigay na kumpirmasyon sa tsismis.

"Hindi ko alam. Wala akong ideya," Iiling-iling niyang tugon sa aming pagtatanong. Nakausap namin siya sa launching ng Happy Yipee, Yehey! sa YƱares Sports Arena sa Pasig, kung saan nag-perform dito si Kean.

Totoo bang tinanggihan ni Kean ang isang role sa Babaeng Hampaslupa kung saan ay sila ulit ni Alwyn Uytengco ang magiging magkaribal kay Alex Gonzaga, katulad ng love triangle nila sa BFF?

"No, wala naman akong tinanggihan," sagot ng singer-actor.

Ang ipinalit daw sa role niya ay si Martin Escudero.

"Siguro mas bagay sa kanila yun... para sa kanila yun," ang sabi ni Kean.

Paano kaya kung inalok sa kanya ang project. Tatanggapin ba niya?

"Yeah, walang problema. Ako naman naniniwala kung okey yung gagawin mo, puwede mong puntahan. Saka naniniwala ako kung sa iyo yung [project], sa iyo yun talaga."

"Wala naman akong nababalitaang tinanggihan ko kung galing man yun sa management namin," aniya.

WORKING WITH ALEX. Sabi nga ni Kean, gusto pa rin niyang maka-trabaho si Alex sa ikalawang pagkakataon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Oo naman, I'd love to! Alam mo yun? It's gonna be fun working again with her."

Bakit hindi nauwi sa totohanang relasyon ang pagiging magka-love team nila ni Alex?

"Oo nga e. I think, nung umpisa, pinagdidikit kami ng tao. O, kayo-kayo. Tapos sa bandang huli, masyado naman raw kaming close na dapat hindi naman ganun.

"Weird lang. I just don't know lang where to place myself. Alam mo yun? Lalo na hindi ako sanay sa nangyayari na ito," ang sabi niya.

Itinanggi ni Kean ang diumano'y balitang nakarating kay Alex na meron siyang non-showbiz girlfriend kaya naudlot ang dapat sana'y pagiging magkasintahan nila.

"That is so untrue. Ilang beses ko nang sinabi na it's not true. I don't have a girlfriend now. I hope so. Wala-wala! Wala namang nangyayaring ganun."

DIFFERENT LOVE. Minahal ba niya si Alex?

"Oo naman! Ako, sinasabi ko lang ang totoo. Yung sa amin ni Alex hindi ko alam kung ano ang tawag mo sa kanya, pero I love her differently," ang sagot ni Kean.

Paki-explain. How "differently?"

"I can't explain," pagpapatuloy niya. "Parang abstract, e. Kasi pinagsama kayo ng Diyos for some reason. Kung anuman yung reason na yun, hindi ko alam, pero nangyari siya."

Dagdag pa niya, "Ang pangit naman kung hindi ko mahal ang taong lagi kong kasama."

Ang pagmamahal ba niyang naramdaman kay Alex ay pangkaibigan, pangkapatid o pangkasintahan?

Tumanggi siyang tukuyin iyon.

"Like I said, I can't explain e."

Nami-miss ba niya si Alex?

"Oo naman! And I'm really, really happy for her kasi ang ganda ng nangyayari. I think masasabi ko na thankful ako dahil naging part ako ng buhay... naging part ako ng process niya."

IN DENIAL? Hindi naniniwala si Kean na iniiwasan siya ni Alex.

"Hindi nga kami nagkikita," ang tugon niya.

Na-apektuhan ba siya sa naririnig niyang balitang ganito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi nga kami nagkikita ngayon dahil busy siya. Busy rin ako; gig ako ng gig," paliwanag ni Kean na nagpapatunay na nagkakausap pa rin sila ni Alex kahit hindi sila nagkikita.

"Hindi kami katulad ng dati na rapid kaming magkamustahan. Ngayon hindi masyado, kasi nga parehas kaming may ginagawa e," aniya.

Naisulat sa ilang mga diyaryo na hindi gusto ng parents ni Alex si Kean para sa kanilang anak. Ayaw maniwala ng singer-actor sa balitang ito.

"Wala rin naman akong [narinig na] balitang ganun. I mean, whenever I see her parents I say 'Hi,' I show my respect, alam mo yun? Wala naman akong nararamdamang ganun," ani Kean.

Nasabi na ba niya kay Alex ang kanyang "different" na pagmamahal?

"Sabi ko nga we have something different. Kung ano man yun I really can't tell."

Ang naka-apekto raw kay Kean ay ang komento ng ibang tao na ginamit lang niya si Alex para makilala siya sa showbiz.

"At some point yeah... 'tang..." at tumigil siya, dahil bigla niyang naalala na bad words ang lalabas sa bibig niya. "Ay, sorry... Off the record na lang," pakiusap niya.

"Pero hindi. Alam ko naman sa sarili ko na hindi totoo, e. Bakit ako magpapa-apekto? Bakit ninyo sinasabi yan? Hindi naman totoo yan. Ako nga hindi nga sumagi sa utak ko ang ganyan.

"Yung nangyari sa amin, ginawa namin ang isang bagay na maganda. Inayos namin siya. Pinaganda namin. Hindi ko alam kung maganda pero inayos namin yung ginawa namin. Wala namang dapat gamitin, dahil pangit sa buhay ang manggamit ka ng tao," ang sabi ni Kean.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN