Jake Cuenca on being a generous boyfriend: "Kaya naman, e, bakit hindi mo ibigay kung ano ang kaya mo?"

IMAGE 0


"Okey naman kasi parang wala na kaming itinatago kahit saan kami magpunta. Saka matagal na rin kami. Hindi na kami naglalaro lang na dalawa. Nag-mature na yung tingin namin sa relasyon. And pag busy kami, hindi naman issue sa amin yun. Nagkakaintindihan naman kami," says Jake Cuenca about his relationship with girlfriend Melissa Ricks (inset).


Kahit may trabaho, nakagawa pa rin ng paraan ang magkasintahang Jake Cuenca at Melissa Ricks na mag-date noong nakaraang Valentine's day.

Kuwento ni Jake sa PEP (Philippine Entertainment Portal) nang makausap namin siya siya sa debut party ni Empress Shuck last Sunday, February 20, nag-dinner sila ni Melissa sa isang restaurant sa Makati matapos ang trabaho nila noong February 14.

Very memorable daw sa kanilang dalawa ang nasabing resto dahil doon din sila nag-date last year noong Valentine's.

Green rose ang ibinigay ni Jake kay Melissa. Ito rin ang ibinigay ni Jake sa mga babaeng executives ng ABS-CBN bilang pag-alala sa Araw ng mga Puso. Green Rose ang titulo ng kinabibilangang primetime soap ni Jake sa Kapamilya network.

Paliwanag ni Jake, hindi na sila nag-abala pa ni Melissa na magregalo sa isa't isa dahil parehong katatapos lang ng kanilang birthday—si Jake noong December 23 at si Melissa naman noong January 9.


NOT IN HIDING ANYMORE. Ikinatuwa naman ni Jake ang pag-amin ni Melissa sa kanilang relasyon na malayo sa ginagawa nitong pagtatago noong nakaraang taon.

"Siyempre, maganda naman talaga yung hindi ka nagtatago. Pero maganda rin naman na mayroon ka ring itinatago para sa sarili mo, lalo sa relasyon. Lalo na ito yung pinakamatagal na nakapiling ko ang isang tao.

"Siguro may tama naman kaming nagagawa. Siguro sa personal life, gusto ko rin na may pangsarili ako," saad ng young actor.

Hindi kaya dahil pabor na ang mga magulang ni Melissa sa kanya kaya umaamin na rin ang young actress?

"Actually, hanggang ngayon naman pinapatunayan ko ang sarili ko sa kanila [parents ni Melissa]. Okey naman kami, nakakausap ko naman yung tatay niya at saka yung nanay niya. Pero siyempre, hindi pa rin ako nagiging kampante, tuluy-tuloy pa rin ang pagpapatunay ko sa kanila," sabi ni Jake.

Nasa States pa rin daw ang mommy ni Melissa, pero ang kanyang ama ay naiwan dito sa Pilipinas na siyang kasama ngayon ng aktres sa bahay nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aminado naman si Jake na pumabor sa kanilang dalawa ni Melissa ang pag-amin nila sa kanilang relasyon dahil mas malaya silang nakakagalaw ngayon.

"Okey naman, kasi parang wala na kaming itinatago kahit saan kami magpunta. Saka matagal na rin kami. Hindi na kami naglalaro lang na dalawa. Nag-mature na yung tingin namin sa relasyon. And pag busy kami, hindi naman issue sa amin yun. Nagkakaintindihan naman kami."


BUTAS NG KARAYOM. Dalawang taon na ang relasyon nina Jake at Melissa. Sabi-sabing dumaan daw sa butas ng karayom sa mga magulang ng aktres si Jake. Ipinaglaban lang daw ni Melissa ang young actor kaya tinanggap ito ng parents niya.

"Alam mo, bukod sa pakikipaglaban... Hindi ko naman kasi siya inobliga na ipaglaban ako. Pero bukod diyan, grabe yung suporta, e, kasi hindi naman ako perpektong lalake.

"Kumbaga, hindi naman ako yung agad-agad na boyfriend-material. Pero nagtiwala siya sa akin at hindi ko na sinayang yung pagkakataon na mapatunayan sa kanya yung sincerity ko."

Inamin ni Jake na matagal din siyang pinaasa ni Melissa bago siya sinagot nito. Nagsimula muna sila sa pagiging magkaibigan hanggang mauwi sa tunay na relasyon ang kanilang samahan.

Ayon kay Jake, may kabuuang dalawang taon na ang lahat ng pinagsamahan nila ni Melissa, kabilang na rito ang pagiging magkaibigan at ang panliligaw nito sa kanya hanggang sa maging magkasintahan sila.

GENEROUS BOYFRIEND. Hindi kinontra ni Jake ang deskripsyon sa kanya ni Melissa sa pagiging isa niyang "generous boyfriend."

"Siyempre naman pag mahal mo isang babae, dapat inaalagaan. Kaya naman, e, bakit hindi mo ibigay kung ano ang kaya mo?" rason niya.

Posibleng magbigay siya ng kotse sa isang babae gaya ni Melissa bilang pagpapatunay ng malaki niyang pagmamahal dito?

Natawa si Jake nang malakas bago siya sumagot. Aniya, "Marami na akong nairegalo sa kanya... Hindi naman niya kailangan ng kotse. Saka iba naman yung nagugustuhan niya."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Puwede ba siyang maging panibagong Derek Ramsay pagdating sa pagreregalo sa kasintahan? Gaya ng pagta-travel nila ni Melissa sa ibang bansa?

"Puwede naman. Pero siyempre, may pinapatunayan pa ako sa sarili. Siyempre para mag-travel ka, kailangan... Hindi naman yung budget mo, kundi yung malaki dapat yung pagtitiwala ng mga magulang sa iyo.

"Hindi pa naman kami nagmamadali sa gano'n. That will come in time."

Natawa rin si Jake sa tanong ng PEP kung napag-uusapan na nila ni Melissa ang tungkol sa kasal.

Sabi niya, masyado raw maaga para pag-usapan ang kasal.

"Siyempre, bata pa kami. I take one day at a time. Kaka-21 pa lang niya at ako naman 23 pa lang. Mas maganda yung hindi kami napi-pressure na dalawa."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN