John Lapus says nothing will stop him from filing libel case against Jobert Sucaldito

IMAGE 0


"Kita n'yo naman, ang ganda ko pa rin. Hindi ako nai-stress. Ganun pala yun, kasi ikaw yung nagdemanda, so dapat maganda ka pa rin. Di ba?" masayang pahayag ni John "Sweet" Lapus.


Ngayong araw, March 2, ay pumirma ng kontrata sa Viva Films ang actor-TV host na si John "Sweet" Lapus. Dalawang pelikula ang gagawin niya para sa film company na pag-aari ni Boss Vic del Rosario, ngunit sikreto pa muna ang mga detalye nito.

Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Sweet sa opisina ng Viva sa Quezon City. Agad naming inusisa ang status ng kasong ipa-file niya laban sa showbiz columnist na si Jobert Sucaldito.

Matatandaang nagalit si Sweet nang isulat ni Jobert sa kanyang column sa Bandera na nagwala umano siya sa isang bar.

Nailathala ang column sa tabloid noong February 19, at nagpahayag naman ng intensiyong pagdedemanda si Sweet sa kanyang kinabibilangang showbiz talk show sa GMA-7, ang Showbiz Central, kinabukasan, February 20. (CLICK HERE to read related story)

NOTHING CAN STOP HIM. Pahayag ni Sweet sa PEP, wala nang makapipigil sa kanyang pagdedemanda kay Jobert.

"As of now, e, wala, wala talaga," sabi niya. "Kasi itong si Mr. Sucaldito, e, napakatapang na tao, na bilib naman ako sa kanyang katapangan, at sinabi naman niya na willing siyang harapin ako sa korte. As a matter of fact, hinahamon niya ako na ituloy ko ang demanda.

"Tinatanggap ko naman ang kanyang hamon. Madali naman akong kausap."

Maaari raw siyang mag-file ng demanda sa darating na Biyernes o Lunes.

Dalawang kaso ang inihahanda niyang isampa.

"Una yung libel, pangalawa yung Anti-Wiretapping Act. Kasi, inaamin naman niya na meron siya nung...siya ang may hawak nung sinabing audio recording, which is illegal. Yung pag-record, illegal na. Yung possession nun alone is illegal as well," saad ni Sweet.

Ayon sa Sec. 1 ng Anti-Wiretapping Act, o R.A. 4200, bawal mag-record ng "private communication or spoken word" nang walang permiso sa mga taong nag-uusap.

Pinagbabawalan din nito ang pagmamay-ari ng kopya ng mga recording na ito. Bawal ding iparinig ang nasabing recording, ikuwento ang laman nito, o ibigay ang transcription nito, buo man o parte lamang, sa ibang tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag ni Sweet, "Pinamimigay niya [Jobert] kasi yung recording na yun, e. Inaamin niyang sa kanya galing, sinasabi niyang may kopya siya. Even yung staff ng Showbiz Central, binibigyan niya. Kaya nga nakakuha kami ng copy, binibigay niya, e."

Hindi naman balak ni Sweet na kasuhan ang nag-record umano ng nangyari sa bar dahil hindi pa niya natutukoy kung sino ito.

"Ngayon, pag dumating yung time na sabi nga ni Mr. Sucaldito, e, tetestigo talaga for him ang taong ito, marami naman kaming puwedeng ikaso.

"Nandiyan ang perjury. Pagka tumetestigo ka under oath and mali ang 'yong sinasabi.

"And, puwede rin namin siyang file-an ng Anti-Wiretapping Act, bilang, inaamin nitong tao na 'to na siya ang nag-record no'ng nasabing private conversation," saad niya.

Samantala, isasama raw ni Sweet sa demanda ang mga editors ng Bandera, kahit nagre-request na ang tabloid ng isang meeting kasama siya.

Pahayag ni Sweet, "A, wala naman po talagang problema. As a matter of fact, nagbigay na ng feelers yung sinasabing taga-Bandera na, through a common friend, na kung puwedeng kausapin.

"Binigay ko naman yung number ng aking lawyers. Ayan, makapag-usap sila nang maayos. Wala naman pong problema."

ONLY SOLUTION. Wala bang posibilidad na patawarin na lang ni Sweet ang kaalitang kolumnista?

Sagot ni Sweet, "Ako, mapagbigay naman ako ng kapatawaran, lalo na sa mga taong humihingi ng patawad. At sa hindi po nakakaalam, two years ago, nung nagkaroon kami ng isyu nung matagal nang panahon, humingi naman siya ng kapatawaran sa akin, at buong-puso ko naman na tinanggap.

"Kaya nga lang, ang masaklap nun, e, months lang yata ang itinagal nun, nilait na naman, inokray na naman niya ako nang paulit-ulit. But this time, I had enough, di ba? Kumbaga, e, sinabi nga ni FPJ, 'napuno na ang salop.'"

Sinabi ni Sweet ang dahilan kung bakit tuloy na tuloy na ang kanyang balak na pagpunta sa korte.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sino bang taong gustong magdemanda? Di ba? Ayaw natin ng dinedemanda tayo, and of course, ayaw ko din naman ng may dinedemanda ako. Dagdag 'yan ng stress sa buhay, dagdag panira sa schedule bilang umaga ang mga hearing, di ba?

"Kaya lang nga, may mga bagay talaga sa buhay ng tao na talagang the only solution, e, magdemanda ka. Para mapatunayan mo sa sarili mo at sa mahal mo sa buhay na hindi ka nagpapaapi, number one.

"Number two, in a way, to teach these people a lesson na no one is above the law.

"Hindi puwede na may nagbulong lang sa 'yo, hearsay, e, isusulat mo na. Di ba? So siguro, in a way, o hopefully, matuto na sila at madala, at maging maingat and responsible next time sa kanilang pagsusulat," paliwanag ng TV host.

Biro naman ni Sweet, baka nga gawin pa nilang segment sa kanyang showbiz talk show ang magaganap na mga pagdinig.

"Ay, ako pa, dyusko, bilang hindi ako sinungaling na tao! Bine-brainstorm na nga namin sa Showbiz Central na kung pupuwede, gawin na siyang segment every week.

"Kada may hearing ako, may three-camera setup sa korte kung papayagan tayo ng judge, para nalalaman din ng taong-bayan at makikita nila kung sino ang nagsasabi ng totoo," saad niya.

Sa dagdag na text message ni Sweet sa PEP, suportado raw siya ng ilang institusyon sa kanyang pagdedemanda.

"GMA [network] and Star Magic is supporting me sa demanda ko kay Jobert," sabi ni Sweet sa text.

Ed's Note: Si John Lapus ay blogger dito sa PEP.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN