Birthday boy Rocco Nacino misses having a relationship; considers Sheena Halili a "special friend"

IMAGE 0


"Sa akin, mas okay kung andiyan yung spark. It comes automatically. Hindi yung ligaw na you always have to show your good side para magustuhan ka ng tao. Sa umpisa makikita mo 'yan, e. If you build a good friendship and masaya kayo sa isa't isa, darating 'yan. It blooms," says Rocco Nacino about courtship.


Ngayong araw, March 21, ay ipinagdiriwang ni Rocco Nacino ang kanyang ika-24 na kaarawan.

Ito ang ikalawang pagkakataon na ise-celebrate ni Rocco ang kanyang birthday sa showbiz matapos siyang tanghaling Second Prince sa reality-based artista search ng GMA-7, ang StarStruck V, noong February 21, 2010.

Kaugnay nito, nagkaroon ng advance surprise birthday party para kay Rocco kahapon, March 20, sa Max's Restaurant sa Gateway Mall, Cubao, Quezon City.

Isinabay na rin sa selebrasyon ng birthday ni Rocco ang kaarawan ng kanyang nakababatang kapatid na si Kyle, who will celebrate his 17th birthday on March 24.

GIFT-GIVING. Ang okasyon ay nagsilbi ring gift-giving para sa 60 na bata—edad tatlo hanggang lima—mula sa Kaisahang Buhay Foundation, isang "private, non-profit, child and family welfare and development organization."

Bukod sa mga bata mula sa Kaisahang Buhay Foundation, dumalo rin sa surprise birthday party para kay Rocco ang kanyang pamilya, mga kamag-anak, mga kaibigan, ilang miyembro ng press, at siyempre ang Roccofellas.

Ang Roccofellas ang hukbo ng mga tagahanga ng young actor. Sila ang nag-organisa sa nasabing pagdiriwang sa pakikipagtulungan ng ina ni Rocco na si Mrs. Linda Nacino.

Sa panayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Rocco ay ipinagmalaki nito ang kanyang mga tagahanga dahil sa pag-oorganisa ng gift-giving para sa mga bata.

"Roccofellas lahat ang gumawa nito! Nakakatuwa. Mas minamahal ko sila ngayon. Very kind-hearted sila. Nakita ko talaga na may kusa sila and they have warm hearts," sabi niya.

Wala raw kasing kaalam-alam si Rocco na may inihanda palang sorpresa ang Roccofellas para sa kanya.

"Nagulat talaga ako. Akala ko kakain lang kami, pero jampacked 'tong lugar na 'to," sambit niya.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagsagawa ng gift-giving ang pamilya ni Rocco. Bago pa man siya pumasok sa showbiz ay naging panata na ng Nacino family ang magdaos ng ganitong gawain matapos gumaling ang ina ng young actor na si Mommy Linda mula sa breast cancer.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

WORKING BIRTHDAY. Bagamat kaarawan ni Rocco ngayong araw ay tuloy pa rin siya sa pagtatrabaho. May taping siya para sa gag show na Bubble Gang at magsu-shoot din siya para sa plug ng upcoming danceserye ng GMA-7.

Wala ba siyang magiging selebrasyon pagkatapos ng kanyang trabaho?

"Ang sabi sa akin ng parents ko, dadalawin nila ako sa set, magdadala ng cake. That's good enough for me. Para sa akin, suwerte 'yan na makapagtrabaho sa birthday ko," sabi ni Rocco.

May mga natanggap na ba siyang regalo o parating pa lang?

"Regalo from the fans, ngayon, hindi ko pa natitingnan. Sa parents ko, wala pa. Hindi talaga ako humihingi ng regalo," sagot niya.

GIFT FOR HIMSELF. Aminado si Rocco na may "pagka-kuripot" siya pagdating sa kanyang sarili, pero noon daw isang araw ay nag-shopping siya bilang regalo na rin sa kanyang sarili.

"The other day, pinag-shopping ko yung sarili ko. Sabi ko sa mommy ko, 'Naku, Mommy, itong araw na 'to hindi ko tinipid ang sarili ko.' Kasi very ano ako, e, practical. Ayoko yung gumagastos ng malaki to enjoy something for a short time.

"Pero bumili ako ng whole set of clothes para sa akin sa isang magandang store, na umabot ako ng P10,000. Medyo nanghihinayang ako sa umpisa, kasi dalawang pantalon siya at isang blazer lang 'yon.

"Pero sabi ko, maganda siya, makakabuti siya sa akin. In-enjoy ko lang, pinamper ko yung sarili ko. So, magandang birthday gift 'yon sa sarili ko," saad niya.

Ilang linggo bago sumapit ang kanyang birthday ay bumili ng bagong sasakyan si Rocco—isang Mitsubishi Montero Sport. Pero nilinaw ng StarStruck alumnus na hindi ito regalo para sa kanyang sarili.

"Ay, hindi, hindi!" sambit niya.

"Sobra 'yon para maging... Kasi yung kotse na ginagamit ko dati, almost 10 years old na. It's starting to break down... Buti na lang, yung parents ko, tinulungan nila ako. Umutang muna ako sa kanila. So, ngayon binabayaran ko sila every month."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

DREAM PROJECT. Bukod sa "good health" at "healthy relationship" sa kanyang pamilya, ang isa pang birthday wish ni Rocco ay magkaroon ng "wonderful projects."

At kung may isang gift mang gustong matanggap si Rocco, ito ay magkaroon ng isang show na siya talaga ang bida. At kung papipiliin siya ng role ay gusto niyang gumanap bilang pulis o sundalo.

"Kasi mahilig ako mag-airsoft, mahilig akong mag-mixed martial arts. Lahat 'yon puwede kong i-incorporate sa show, na makakatulong sa show na mapapaganda niya.

"I would like to do something na siyempre mapakita ko na kaya ko yung ganitong role. Kasi pangarap ko maging action star, e. Although, nalaos daw yung action movies, gusto kong maging pasimuno sa action movies ulit," asam niya.

Sa palagay niya, kailan darating ang pagkakataong iyon sa kanya?

"If I continue what I'm doing sa work ko. If I continue to be professional and determined the way I am, the way I started, sa tingin ko aabot din ako do'n. Tiyaga lang, sipag at tiyaga," sagot ni Rocco.

SPECIAL FRIEND. Kung sa kanyang career ay maging "action star" ang kanyang wish, may wini-wish ba siya pagdating sa kanyang love life?

"Love life?" nakangiti niyang sabi. "Ano lang naman, e, if it comes, it comes. Ako, I'm focused on my career, it's still my priority. But if it comes, it comes, I'll welcome it. I have to balance it.

"If hindi kaya, siyempre alam ko yung priority ko. Pero ako, kahit papaano, sinasabi ko, aaminin ko, nam-miss ko din. Nami-miss ko rin magkaroon ng isang relationship."

Ang young comedienne na si Sheena Halili ang nali-link ngayon kay Rocco. Aminado naman ang young actor na "special friend" ang turing niya sa dating co-star niya sa defunct sitcom na Kaya ng Powers.

Pero ano ba ang ibig niyang sabihin sa "special"?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Well, someone I can share my secrets to. At napaka-close talaga niya sa akin," sagot niya.

Is there something romantic going on?

"I can't say. I can't say it's romantic na talaga... umabot na sa gano'n. Ewan ko, siyempre dapat... Di ko alam sa side niya kung paano ang dating sa kanya. Pero something private na lang," pag-iwas ni Rocco.

Siya ba yung tipo ng lalake na nanliligaw talaga sa babae?

"Ewan ko kung ligaw yung nagawa ko dati, e. Ahm, yeah, nanliligaw, pero in a modern way na siguro," nagingiti niyang sabi.

Nasubukan na raw niyang umakyat ng ligaw, pero "may time na okay, may time na hindi" ang naging resulta.

Paniniwala pa ni Rocco, hindi naman nadadaan lahat sa ligaw.

Aniya, "Sa akin, mas okay kung andiyan yung spark. It comes automatically. Hindi yung ligaw na you always have to show your good side para magustuhan ka ng tao. Sa umpisa makikita mo 'yan, e. If you build a good friendship and masaya kayo sa isa't isa, darating 'yan. It blooms."

May particular qualities ba siyang hinahanap sa isang babae?

"Hindi ako nagbe-base sa looks talaga," sabi niya. "Whoever comes, pinili ni Lord 'yon. When you say a particular characteristic, when you learn to love someone, good or bad, ma-a-appreciate mo 'yon.

"Ako, hindi naman ako picky or choosy, e. Basta masaya ka, go!"

NO FRUSTRATIONS. Sa loob ng isang taon niya sa showbiz, wala pa raw maituturing na frustration si Rocco pagdating sa kanyang career.

"Wala, wala akong frustrations. Never po nagkaroon ng frustration. Pero I'm hoping to land siyempre a nice role, a nice show.

"And so far, all that GMA has been giving me are nice roles and great shows, and puro top-rating yung shows na napasukan ko. So, I'm very happy, wala akong pinagsisisihan. Kaya wala akong regrets... Everything na ginawa ko, masaya ako."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Marami nga ang nagsasabi na sa Final Five ng StarStruck V ay si Rocco ang pinakamasuwerte dahil siya ang nabibigyan ng mas magagandang projects.

Pagkatapos kasi ng Final Judgment ng StarStruck V ay pinasok siya agad sa afternoon soap na Gumapang Ka Sa Lusak bilang ka-love triangle ng mga bidang sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo.

Pagkatapos ay umakyat siya sa leading-man status sa isa pang afternoon soap, ang Koreana, kung saan nakatambal naman niya si Kris Bernal. Nakasama rin nila rito ang StarStruck V Ultimate Male Survivor na si Steven Silva.

Bukod pa siyempre rito ang pagiging mainstay ni Rocco sa Sunday musical-variety show na Party Pilipinas.

Ang susunod na malaking proyekto ni Rocco sa Kapuso Network ay ang kauna-unahang "danceserye" sa Pilipinas—ang Just Dance With Me (working title). Kakasama niya rito sina Mark Herras, Kris Bernal, at ang mga kasamahan nila sa "Sayaw Pilipinas" segment ng Party Pilipinas.

Ang show ay ididirek ni Mark Reyes.

Napabalita rin na kasama si Rocco sa cast ng indie film na Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa.

FROM NURSING TO ACTING. Kung hindi nag-artista si Rocco ay malamang na nagtatrabaho siya ngayon sa hospital bilang nurse. Tapos ng kursong Nursing si Rocco sa Mapua Institute of Technology sa Makati. Pumasa rin siya sa Nursing Licensure Exam kaya registered nurse siya.

Pero hindi pinagsisisihan ni Rocco ang desisyon niyang mag-artista.

"Mas masaya po ako dito. Dream ko talaga 'to kasi I'm living the life talaga," sabi niya.

Sa kabilang banda, ipinagpapasalamat din ni Rocco na nagtapos muna siya ng pag-aaral bago niya pinasok ang mundo ng showbiz. Ito raw ang isang bagay na ipinagpapasalamat niya.

"I would say yung education, na pinilit ng parents ko na gawin ko. They made it my priority to finish my studies first, at nakita ko yung reason nila kung bakit pinilit nila 'yon, dahil napakaimportante talaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I wouldn't be this smart in my life if not for them... Yung mga decisions na ginagawa ko sa buhay ko, yung mga magagandang decisions na ginawa ko, dahil din sa education ko," pahayag niya.

Hindi naman isinasara ni Rocco ang posibilidad na magamit niya sa hinaharap ang kanyang tinapos.

"Nasa plan ko rin po 'yon. If ever matapos na yung career ko in showbiz, handa po ako mag-aral ulit, mag-refresher school, mag-med school, and hopefully one day become a doctor," sabi niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN