Airport staff explains incident with Kapuso stars Bianca King, Lovi Poe, Solenn Heussaff, and Michelle Madrigal

IMAGE 0


(Clockwise) Kapuso stars Bianca King, Michelle Madrigal, Solenn Heussaff, and Lovi Poe were asked to leave the VIP Room of the Mactan Airport last Sunday, March 27, because it was reserved for the Kapamilya stars.


Lumabas sa Abante Tonite noong Martes, March 29, ang kuwentong nabastos diumano sina Bianca King, Lovi Poe, Solenn Heussaff, at Michelle Madrigal sa Mactan Airport nang pabalik na sila ng Maynila galing sa Cebu.

Nagpunta sa Cebu ang apat na GMA-7—o Kapuso network—female stars para sa segment nila sa first anniversary presentation ng Party Pilipinas nung nakaraang Linggo, March 27.

Sina Bianca, Lovi, Solenn, at Michelle ay leading ladies ni Richard Gutierrez sa latest GMA-7 telefantasya na Captain Barbell.

Ayon sa kuwentong isinulat ni Jun Lalin sa Abante Tonite, ipinasok daw sa isang VIP room ng pre-departure area ng Mactan airport ang apat na Kapuso stars.

Nagulat daw sila pagpasok dahil nasa loob daw ang ilang ABS-CBN stars na kasali sa musical-variety program na ASAP Rocks, na ginanap din doon sa Cebu noong Linggo.

Pero maayos daw in-entertain ng Kapamilya stars na sina Luis Manzano at John Prats ang apat na Kapuso beauties, na ikinagulat din ng ilang mga artistang nasa loob.

Ilang sandali, may lumapit daw sa kanila na isang staff ng Mactan Airport at pinalabas ang Kapuso stars sa VIP room.

Pinigilan pa nga raw sila nina Luis at John, pero sinunod na rin daw ng apat ang pagpapalabas sa kanila kesa lalo pa silang mapahiya sa loob ng VIP room.

KEEP SILENT. Nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Lovi Poe sa story conference ng Temptation Island noon ding Martes at hiningan namin siya ng reaksiyon tungkol sa kuwentong yun. Pero tumangging magsalita ng aktres.

"I'd rather not talk about it. Hindi na kailangan palakihin pa. I think it's a non-issue," sagot sa amin ni Lovi.

May mga karagdagan pa kaming katanungan tungkol sa insidenteng yun, pero hindi na niya ito sinagot.

Sinubukan din ng PEP na makausap sina Solenn at Michelle, pero tumanggi sila dahil wala na raw sa kanila ang pangyayaring yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang dinig namin, si Bianca ang galit dahil siya raw ang kinausap ng staff at napahiya kina Luis at John, na kaharap nila nung pinalabas sila sa VIP Room na yun.

Kinuha pa nga raw ni Bianca ang pangalan ng staff na nagpalabas sa kanila para kumpleto ang detalye kung sakaling magku-complain siya.

Nagpaalam kami sa handler ni Bianca kung puwede itong ma-interview, pero tumanggi rin ang aktres.

Nagkasundo raw silang apat na huwag nang magsalita tungkol sa nangyari sa kanila sa Mactan Airport para hindi na raw lumaki pa.

THE STAFF IN QUESTION. Tumawag ang PEP sa Mactan Airport at nakausap namin ang tinutukoy na staff na nagpalabas kina Bianca, Lovi, Solenn at Michelle.

Siya si Maryann Dimabayao, OIC sa Public Affairs ng Mactan Airport.

"Hindi naman po namin sila binastos," paglilinaw ni Maryann.

Kuwento pa niya, "Nakayuko pa nga ako nang kinausap ko ang PA [personal assistant] ni Bianca. Hindi si Bianca ang una kong kinausap, kundi ang PA niya.

"Pero nang si Bianca na ang nakausap ko, lumapit ako sa kanya para hindi naman marinig ng iba. I approached her in a nice way na hindi naman sila ma-offend.

"I know nagalit siya, pero hindi ko naman sila pinalayas talaga o binastos. Pinalipat ko lang po sila sa kabilang lounge area, kasi ABS-CBN paid for that VIP Room."

Ayon kay Maryann, ang pagkakaalam daw niya, Zestair—ang airline sponsor ng ABS-CBN— ang may kinalaman sa pagdadala ng ASAP Rocks sa Cebu. Sila raw ang nag-facilitate na magkaroon ng VIP Room ang mga artistang kasali sa naturang musical-variety show ng Kapamilya network.

Ang ABS-CBN daw ang nagbayad ng VIP Room na nagkakahalaga ng P2,620, para matiyak lang na may kumportableng lugar ang kanilang talents habang tsini-check-in sila ng Kapamilya staff.

Kuwento pa niya, may isang staff daw na nagpapasok sa grupo nina Bianca na wala namang kamalay-malay ang mga artistang ito na exclusive pala yun sa talents ng ABS-CBN.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Meron pa nga raw nakapaskil na malaking banner na "ASAP Rocks" at medyo marami na raw sila sa loob dahil nakaupo na lang nga raw sa sahig ang ibang artista.

Ayon pa kay Maryann, nang nandun na raw sina Bianca at masayang katsikahan sina Luis at John, may isang tiga-ABS-CBN ang nagreklamo sa airport staff na bakit may pinapasok na ibang artista. Binayaran daw kasi nila ang lugar na yun para exclusive lang sa kanila.

Kaya itong si Maryann na raw mismo ang lumapit at nakiusap sa grupo nina Bianca kung puwedeng ilipat na sila ng ibang lounge area.

Hindi naman daw nagreklamo ang ibang artista, pero naramdaman daw ni Maryann na galit si Bianca. Wala naman daw siyang magagawa dahil kailangan daw niyang bigyan ng aksyon ang reklamo ng isang staff ng ABS-CBN.

Nang subukan ng PEP na kunin ang panig ng grupo ni Bianca, ayaw na niya itong sagutin para hindi na raw lumaki pa ang isyu.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN