Thia Megia's relatives in Angeles City cried when they saw her eliminated on American Idol results night

IMAGE 0


Clockwise from top right, 16-year-old Filipino-American Thia Megia was eliminated from American Idol on Thursday night (Friday morning in Manila); her relatives (L-R) Nancy Batac, Lola Maria Ulanday, Joyce Batac, Herman Maxion, Gina and Daniella Ulanday, Nolanda Marquez; the house of Thia's mom in Angeles City.


Nakapanayam namin ang ilang mga kamag-anak ng kaka-eliminate lang sa American Idol Season 10 last March 31, ang 16-year old na Filipino-American na si Thia Megia.

Dinayo pa namin sa Barangay Sta. Theresita sa Angeles, Pampanga noong Biyernes, April 1, ang mga kamag-anak ni Thia. Eksaktong naabutan namin silang pinapanood ang results night ng American Idol sa mismong bahay na pag-aari ng ina ni Thia na si Mrs. Cynthia Lising-Megia.

Naroon ang great grandmother ni Thia na si Maria "Lola Bay" Ulanday, ang mga auntie ni Thia na sila Nolanda "Lola Taba" Marquez, Nancy Batac, at Gina Ulanday, at ang kanyang uncle na si Herman Maxion, at dalawang pinsan na sila Joyce Batac at Daniella Ulanday.

Nalungkot nga raw silang lahat nang malaman nila sa Internet pa lang na isa sa dalawang natanggal sa American Idol si Thia. Nakasama nga niyang ma-eliminate ay si Naima Adedapo.

Kaya kinagabihan ay hinintay raw nila ang telecast ng results night ng American Idol at naiyak sila nang masaksihan nila ang pagkakatanggal kay Thia.

Ang pinakamalungkot ay ang great-grandmother ni Thia na si Lola Bay dahil nagkaroon siya ng pagkakataong makasama si Thia noong magbakasyon ito sa Angeles City noong 3-years old pa lang ito.

Ayon kay Lola Bay, mabait at malambing na bata si Thia. Mahilig daw makipaglaro sa kanyang pinsan na si Joyce.

"Malambing ang batang 'yan. At hilig niya talagang kumanta. Kaya noong matanggal siya, nalungkot talaga ako. Parang hindi ako makahinga noong sabihing wala na siya sa American Idol. Matagal na niyang dream ang maging isang singer talaga," ang sabi ni Lola Bay.

Apektado naman ang pinsan ni Thia na si Daniella. Umiyak nga raw ito after malaman na tanggal na ang kanyang pinsan sa American Idol.

"Ka-Facebook ko kasi si Thia. Parati kaming nakakapag-chat kapag online siya. Kinamusta ko siya at kinakumusta niya kaming lahat dito. Parati niyang sinasabi na nami-miss niya kami at balang-araw ay magbabakasyon siya ulit sa Pilipinas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Nalungkot din nga siya nang matanggal siya, pero ang maganda raw ay kasama siya sa tour ng American Idol. Kaya sobra raw siyang magiging busy after ng contest. Makakapagplano raw silang magbakasyon sa Pilipinas after na ng tour."

Kuwento naman ni Lola Taba na noong unang magbakasyon raw si Thia sa Pilipinas, tahimik lang daw ito pero pagdating sa kantahan ay makikita mong dinidibdib nito ang kanyang hilig.

"Namana niya 'yan sa family namin, mga Lising. May mga musicians sa family namin talaga. May mga kumakanta talaga. Si Thia ang nakamana ng pagiging performer. Gustung-gusto niya talagang kumanta. Bigyan mo 'yan ng microphone, hindi na niya bibitawan," ang sabi ni Lola Taba.

Kuwento naman ng pinsan ni Thia na si Joyce (lead vocalist ng isang banda sa Angeles City), magkalaro sila parati ni Thia at tinuturuan niya itong magsalita ng Tagalog at ng Kapampangan.

"Inglisera kasi si Thia. Nakakaintindi naman siya ng Tagalog pero hindi niya lang maibigkas. Kaya tinuturuan ko siya noon. Tapos tinuruan ko rin siya ng konting salitang Kapampangan.

"Mga one month din sila nagbakasyon noon kaya may mga natutunan naman siya. Ang alam ko, nakakaintindi rin siya ng Kapampangan kasi ang mommy niya, Kapampangan magsalita sa bahay nila. Silang magkakapatid, nakakaintindi ng Kapampangan."

Kuwento naman ng Tita Gina ni Thia ay nagulat na lang sila nang mabalitaan nilang nag-audition pala sa American Idol si Thia. Alam kasi nila ay sumali ito sa America's Got Talent noong 2009.

"Noong makausap namin ang mommy niya, sinabi nga na nag-audition si Thia. Hindi rin daw nila alam na nag-audition ito sa American Idol.

"Noong makapasa sa ilang rounds hanggang sa makaharap na niya yung mga judges [na sila Randy Jackson, Jennifer Lopez at Steven Tyler], natuwa sila nang malamang si Thia ay makakapunta sa Hollywood. Tuwang-tuwa sila kasi gustung-gusto si Thia ng tatlong judges.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya noong makapasok siya sa Top 13, nagtatatalon kami sa tuwa kasi nga pamangkin ko siya at siyempre isa siyang Pinoy na maipagmamalaki natin."

Baka raw November of this year makapagbakasyon si Thia sa Pilipinas. Gusto raw nitong pasalamatan ang mga kamag-anak at mga fans na sumuporta sa kanya sa American Idol, lalo na ang mga taga-Angeles City, Pampanga, kunsaan nagmula ang kanyang mga magulang.

Pinanganak sa Redwood City, California si Thialorei Lising Megia noong January 30, 1995. Matagal nang naninirahan sa U.S. ang kanyang mga magulang na sila Loreto Megia at Cynthia Lising-Megia na taga-Tracy, California. Nag-migrate sila sa the U.S. noong 1968.

Nagtatrabaho bilang machinist ang kanyang ama at isang nurse/midwife naman ang kanyang ina. Nag-settle ang buong pamilya nila sa Mountain House, California. May dalawang kapatid si Thia na sila Alaina at Ian. Si Thia ang bunso sa tatlong magkakapatid.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN