Nora Aunor assures her return but cannot say when; answers casino and caregiver issues

IMAGE 0


"Ito na lang ang isipin natin, hindi naman sa pagmamayabang—kung hindi na nila ako kailangan, bakit lagi silang nandiyan para siraan ako, di ba? Hindi na dapat kailangan ng ganyan, pero ganun pa rin ang nangyayari," says Nora Aunor about her detractors.


Ayaw magbigay ng detalye at kumpirmasyon si Nora Aunor sa kanyang eksaktong pag-uwi sa Pilipinas. Pero kinumpirma niyang malapit-lapit na ang kanyang pagbabalik.

Sa phone interview ni Nora sa radio program ni German "Kuya Germs" Moreno sa dzBBB, ang Walang Siesta, kahapon, Abril 4, sinabi ng tanging tinaguriang Superstar na miss na miss na niya ang mga anak at kapatid dito sa Pilipinas.

"Siguradong uuwi ako diyan kasi gustung-gusto ko nang makita ang mga kapatid ko at mga anak ko," sabi ni Nora. "Nami-miss ko na talaga sila. Yun talaga ang tunay na rason kaya gusto ko nang makabalik sa Pilipinas. Gusto kong makita ang kapatid kong si Buboy [Eddie Villamayor], si Kuya Oscar, tapos yung mga anak ko."

May isang anak si Nora sa dati nitong asawa na si Christopher de Leon—si Ian de Leon. Bukod pa rito ang apat niyang ampon na sina Lotlot de Leon, Matet, Kiko, at Kenneth.

"'Tsaka sinabi ni Kuya Germs na may gagawin daw ako, kaya tuloy na tuloy na ang pag-uwi ko. Mag-uusap lang kami ni Kuya Germs mamaya. Magha-honeymoon kaming dalawa!" natatawang dagdag ng Superstar.

Nabalita noon na uuwi sa Pilipinas si Nora para maging isa sa mga hurado ng grand finals ng Talentadong Pinoy ng TV5. Pero nagpasabi raw siya sa pamunuan ng TV5, sa pamamagitan ng kanyang close friend na si Albert Sunga, na hindi siya makakauwi ng bansa.

Ani Nora, "Sinabi yata sa kanila ni Albert na hindi ako makakarating sa kanila. Sinabi sa akin ni Albert na magpapagawa sila ng damit at sapatos, pero sinabi ko nga kay Albert na sabihin sa kanila na hindi ako makakarating."

Bakit hindi natuloy ang pag-uwi niya?

"Maraming dahilan, maraming dahilan. Siguro, pagdating ko na lang 'tsaka ko na lang ipapaliwanag lahat-lahat.

"Mahirap kasi sa telepono baka maputol ang usapan natin, hindi ko masabi lahat. Basta pagdating ko, maikaklaro ko lahat-lahat 'yan," saad niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero kailan ba talaga siya uuwi?

"Naku, huwag po muna! Pero sigurado pong darating ako," sagot ng Superstar.

SINGING & CASINO. Kamusta na ang pagkanta niya?

"Ok naman, Kuya Germs, kailangan ko lang ng therapy," sambit ni Nora.

Ano pa ang dapat niyang gawing disiplina sa sarili para mapabilis ang pagbalik ng boses niya?

"Siguro ang paninigarilyo yata ay tigilan, pero mahirap!" natatawa niyang sabi.

"Inaamin ko naman, kuya, hindi ako nagsisinungaling. Kaya nga kailangan ko ng therapy every day o kaya three times a week."

Sinagot din ni Nora ang isyung hanggang ngayon daw ay lagi pa rin siyang nagka-casino kaya nauubos ang pera niya. Umaabot pa raw sa puntong nangungutang siya para ipang-casino lang.

"Kuya, wala namang masama kung paminsan-minsan magka-casino ka pag sinasama ka ng mga kaibigan mo. Bakit sila nasa casino? Hindi ko naman sila hinihingian ng pera.

"Ay, naku, hindi totoo na nangungutang ako para i-casino, meron naman akong natatanggap," saad ng Superstar.

ONLY HUMAN. Kumusta ang buhay niya sa Amerika?

"Mabuti naman po, masaya po ako," sagot ni Nora.

Totoo ba na nag-aala-alalay na lang siya kung kani-kanino para kumita?

"Bakit naman ako mag-aalalay? Hindi totoo yun," tanggi niya.

Nagke-caregiver na lang daw siya?

"Kung halimbawa ba na totoo, masama ba mag-caregiver?" balik-tanong niya.

"Pero dyusko, kung malaki pa sa akin ang bubuhatin ko, makakaya ko ba yun?"

Dagdag niya "Ay, naku, hindi talaga sila titigil hangga't hindi nila masiraan ang kapwa nila. Kaya naman pag nalaman nilang uuwi ako, marami na naman silang sasabihin tungkol sa akin.

"Ito na lang ang isipin natin, hindi naman sa pagmamayabang—kung hindi na nila ako kailangan, bakit lagi silang nandiyan para siraan ako, di ba? Hindi na dapat kailangan ng ganyan, pero ganun pa rin ang nangyayari.

"Kung sabagay, kahit saan ka man naroroon, maski dito, maski diyan, lagi may kontrabida.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kaya naman lagi na lang silang nandiyan para makahanap ng ikasisira ko o ng ibang tao. Bakit hindi na lang sila mabuhay ng masaya at huwag atupagin ang paninira ng ibang tao?"

Aminado si Nora na marami siyang pagkukulang sa kanyang sarili. Pero tao lang daw siya at hindi naman perpekto, kaya naman wala raw siyang kalaban-laban kapag may mga taong bumibira sa kanya.

"Alam ko naman na may pagkakamali din ako," sabi niya.

"Pero tao lang naman po ako, nagkakamali din minsan katulad ng ibang normal na tao, kaya sana naman huwag nila ako husgahan nang ganun-ganun na lang.

"Naku, wala talaga akong kalaban-laban kasi wala ako diyan sa Pilipinas para ipaliwanag ko yung side ko!"

ICON AWARD. Nagpasalamat naman si Nora sa Entertainment Press Society, Inc. (Enpress) dahil sa pagkilala sa kanya bilang isa sa mga "Icon" sa katatapos lang na Golden Screen Awards noong Sabado, April 2. Si Kuya Germs ang tumanggap ng award para kay Ate Guy.

"Nais ko pong pasalamatan ang Golden Screen Awards sa pagbibigay sa akin ng award, at sa inyo, Kuya Germs, sa pagtanggap ng award ko.

"Actually, Kuya Germs, matagal na nasabi sa akin 'yan ni Pilar [Mateo, Enpress member]. Akala kasi niya matutuloy ang pag-uwi ko. Kaya naman sabi niya sa akin kung puwede ako mismo ang tumanggap.

"Pero hindi nga ako natuloy kaya naman humihingi ako ng dispensa kay Pilar at sa bumubuo ng Golden Screen Awards. Mula sa aking puso, maraming-maraming salamat po," pahayag ni Nora.

Sa mga henerasyong hindi naabutan ang kasikatan ni Nora Aunor, dapat marahil malaman ng mga ito ang sinasabi ng mga tagasubaybay ng Philippine showbusiness: Wala pang artistang umabot sa kasikasatang inabot ni Nora.

Sa haba ng taon ng pagkakamayagpag, sa dami at tindi ng fan base, sa dami ng mga awards, citations, accolades, at sa dami rin ng controversies, scandals, at horror stories, sa lawak ng talento sa musika at pag-arte, sa laki ng pangalan sa buong bansa—sinasabi nilang tunay na wala pang umaabot kay Nora Aunor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya raw wala pa ring makagamit ng bansag na "Superstar," kahit sabihin pang napakatagal na niyang nawala sa showbiz at napakarami nang baguhang iniidolo ngayon. Kay Nora Aunor lamang ang "Superstar."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN