Ryza Cenon reportedly blamed by Aljur Abrenica for the low ratings of Machete

IMAGE 0


"Actually, hindi ko sa kanya narinig. May nagsabi lang sa akin. Siyempre pagod na kaming lahat, tapos yun pa ang maririnig mo. Imbes na magtulungan na lang tayong lahat dito, bakit may sisihang nangyayari?" says Ryza Cenon about Aljur Abrenica's alleged comment that he is blaming her for the disappointing result of Machete in the ratings game.


Isa si Ryza Cenon sa 16 celebrity contestants ng PLDT myDSL The Awesome Hunt.

Sa presscon ng naturang reality and online travelogue challenge na ginanap kahapon, April 13, sa Annabel's restaurant sa Tomas Morato, Quezon City, nagpakatotoo si Ryza nang biglaang matanong ng press kung galit ba siya sa dati niyang co-star sa Machete na si Aljur Abrenica.

Noong una'y "hindi" ang sagot niya, pero naging "oo" rin ito nang ulitin ang pagtatanong sa kanya.

Sumama ang loob ni Ryza kay Aljur dahil sa umano'y hindi magandang komento ng aktor na dahil daw kina Ryza at Bela Padilla kaya hindi nag-rate ang nagtapos ng show nilang Machete.

Pagkatapos ng formal presscon, ang isyung ito ang kaagad inusisa ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kay Ryza. Ayon sa young actress, bagamat aminado siyang nasaktan siya ay ayaw na raw niyang palakihin pa ang isyu.

"Tapos na, e, tapos na sa akin yun. Tapos na rin yung show kaya dedma na lang ako," sabi niya.

Naniniwala ba siya na si Aljur talaga ang nagsabi noon?

"Actually, hindi ko sa kanya narinig. May nagsabi lang sa akin. Siyempre pagod na kaming lahat, tapos yun pa ang maririnig mo. Imbes na magtulungan na lang tayong lahat dito, bakit may sisihang nangyayari?"

Hindi ba niya sinubukang komprontahin si Aljur tungkol dito?

"Hindi na. Kasi yun ang tingin niya, wala na akong magagawa," sagot ni Ryza.

Willing pa ba siyang makatrabaho si Aljur in the future?

"Oo naman."

Hindi ba sila magkakailangan pag nagkatrabaho sila ulit?

"Hindi. Professional naman ako, e. Pag trabaho, trabaho."

Hindi ba siya napu-frustrate dahil pagkatapos ng Machete ay wala pang kasunod na project na ibinigay sa kanya ang GMA-7?

"Hindi naman. For me naman, parang it's a big gift for me. Kasi sobrang nakaka-stress din yung every day nagte-taping, tapos hanggang tanghali or umaga na natatapos. So, mas maganda yun na binigyan kami ng pahinga kahit papaano," saad niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nasaktan ba siya sa hindi magandang feedback at comments ng ibang tao tungkol sa Machete?

"Hindi, kasi siyempre hindi mo naman lahat mapi-please yung mga tao, e. Ganyan talaga, opinyon nila yun, so irerespeto ko yung opinyon nila.

"Kahit tini-tweet nila ako na pangit yung ganito, pangit yung ganyan, okay lang. Sabi ko, at least, di ba, nasasabi nila yung opinyon nila."

Hindi naman daw puro pangit ang natatanggap niyang tweets. Meron din daw mga pumupuri sa pagganap niya bilang kontrabida.

"Meron din namang pumupuri. Hindi naman lahat ng shows perfect, e. Ganun talaga merong makakagusto, meron ding may ayaw."


FOOD POISONING & PREGNANCY ISSUES. Binigyang-linaw rin ni Ryza ang tsismis na buntis daw siya.

"Ako, buntis?" nagtataka niyang sabi. "Ang natatandaan ko lang na-pack up yung taping namin noon sa Machete kasi sumasakit ang tiyan ko. Na-food poison po ako noon. Hindi po ako buntis."

Ano ba talaga ang nangyari sa kanya?

"Na-food poison po ako dahil doon sa powder na nakain ko sa Thailand. Sobrang favorite ko po kasi yung maanghang. Nagbakasyon kasi kami sa Thailand. Actually, na-book na siya before pa ako magkaroon ng Machete.

"Yung powder pala, hindi natunaw sa tiyan ko. So, the whole day suka ako nang suka, poo-poo ako nang poo-poo sa airport, sumasakit ang tiyan ko hanggang sa makauwi ako dito sa atin. Tapos, diniretso na ako sa ospital.

"So, yun po yun, na-food poison po ako. Hindi po dahil buntis ako," paglilinaw niya.

Ngayong lang daw nagsalita si Ryza dahil baka isipin pa na gumagawa lang siya ng isyu.

"Kaya hindi ko siya sinasagot noon. Kasi for what? Hindi naman totoong buntis ako. Makikita naman yun ng tao, e. Sinasabi nila na kaya raw ako tumataba sa taping dahil buntis nga ako. E, pumapayat nga ako, e."

THE AWESOME HUNT. Memorable naman para kay Ryza ang pagsali niya sa PLDT myDSL The Awesome Hunt. Kakaibang experience daw ito dahil 16 celebrities sila na pinag-partner para makabuo ng walong teams na naglaban-laban noong April 7 para sa kakaibang adventure challenge.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bawat team ay ipinadala sa kanilang city destinations. Naka-partner ni Ryza ang Myx VJ na si Ton Vergel de Dios at pumunta sila sa Dumaguete.

Isa raw sa hindi makakalimutan ni Ryza ay ang food challenge kung saan kumain sila ng kabayo.

"In fairness naman sa kabayo, masarap siya. Ang luto niya ginataang spicy something. Parang hindi siya kabayo noong luto na, sobrang lambot, parang pork. Hindi ko na inisip na kabayo siya. Ang sarap!" sambit niya.

Ano ang natutunan niya sa Awesome Hunt?

"Marami, e. Siyempre kung paano ka makikitungo sa bago mong nakasamang tao. Hindi naman kasi kami magkakilala ni Ton. Siyempre yung teamwork, team effort, tulungan talaga.

"Tapos, sobrang marami palang magagandang lugar sa Pilipinas na hindi natin nakikita. Tulad ng Dumaguete, ang daming magandang puntahan," kuwento niya.

Pag ganitong challenges, sinasabing lumalabas ang best at worst sa isang tao. Ano ang masasabi niyang best at worst niya sa Awesome Hunt?

"Ako, ang best ko, tingin ko yung pagiging competitive ko. Gusto ko talagang manalo. Kanina nga pinasalamatan ako ng PLDT kaka-promote ko sa Facebook at Twitter.

"Ang worst ko siguro yung sa videos na ginawa namin, hindi ako yung laging nag-i-interview kasi hindi ko forte yun, e. Baka kasi ma-bore lang yung tao pag napanood nila.

"So, ako, naka-assign... nag-assign kasi kami. Bilang si Ton VJ siya, so sanay na siya sa pakikipag-usap sa mga tao. Ako yung naka-assign sa pagkuha ng pictures. So, lahat ng makikita n'yo na pictures, ako ang kumuha.

"Sobrang proud ako sa team namin. So, vote for Team Dumaguete!"

Bukod kina Ryza at Ton, kasali rin sa Awesome Hunt sina: actor Marco Alcaraz at actress Bela Padilla na ipinadala sa Butuan; actor Luis Alandy and tech blogger Jayvee Fernandez sa Las PiƱas; mother-and-son showbiz personalities IC Mendoza and Dolly Anne Carvajal sa Laguna; columnist/chef China Coquangco and tour guide Carlos Celdran sa Quezon City; StarStruck V Ultimate Male Survivor Steven Silva and actress-TV host Daiana Menezes sa Marikina; DJ Mojo Jojo and blogger Jane Chua sa Rizal; and actor-dancer Mark Herras and champion car drifter Alex Perez sa Cavite.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Makikita ang mga ginawang photo and video blogs ng mga celebrity challengers ng Awesome Hunt sa pamamagitan ng pag-sign up sa Watchpad na libre sa lahat ng PLDT myDSL subscribers. Bisitahin lang ang www.pldtwatchpad.com/awesomehunt para iboto ang team na may best online travelogue mula April 8 to 24.

Forty percent ng total scores ng bawat teams ay magmumula sa online votes at 60 percent naman ay magmumula sa panel of judges na kinabibilangan nina Department of Tourism Secretary Alberto Lim, magazine publisher and editor-in-chief Sari Yap, Modern Epicurean Chef Stephanie Zubiri, Our Awesome Planet's Anton Diaz, at Circuit Editor-in-Chief JR Isaac.

Bawat miyembro ng winning team ay makakatanggap ng premyong P50,000 cash, a trip for two to Dakak courtesy of Cebu Pacific, Sony VAIO laptop, one year free subscription to PLDT myDSL Plan 990, Sony Cybershot digital camera at Yellow Cab pizza party.

Ang winning team ay ia-announce sa first week of May.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN