Vic Sotto reveals desire to win an acting award someday

IMAGE 0


Ace comedian Vic Sotto reveals feeling uncomfortable with the "iconic" label now commonly being attached to his name by fans, media, and peers from the showbiz industry.


Isang video presentation ang inihanda ng Kapatid network para sa ace comedian at TV host na si Vic Sotto kahapon, May 2, sa press conference ng Who Wants To Be A Millionaire, na isinagawa sa KB Studios sa Cainta, Rizal.

Muling mapapanood dito sa Pilipinas ang local franchise ng patok na British game show simula May 15, 6:30 p.m., sa TV5.

Nagdiwang si Vic ng kanyang 57th birthday last April 28, at kasama sa mga bumati sa kanya sa pamamagitan ng video ay ang mga anak na sina Oyo Sotto at Danica Sotto-Pingris, Ruby Rodriguez, kapatid na si Val Sotto, at Alice Dixson, na dating nakasama ni Vic sa comedy-fantasy sitcom na Okay Ka, Fairy Ko!.

"Usually, ang wish ko, para sa ibang tao and hindi para sa akin," bungad ni Vic nang tanungin ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kung meron ba siyang partikular na birthday wish.

"Hindi naman ako palahiling, e. Ako, basta kung ano ang dumating, I make the most of it.

"I enjoy it kahit mapaganda o mapasama pa 'yan, e, pinapakinabangan natin."

HUNGRY FOR MORE. Walang duda na isa si Vic sa mga maituturing na haligi ng Philippine entertainment dahil sa mga kontribusyon niya sa larangan ng telebisyon, pelikula, at maging musika bilang dating miyembro ng '70s disco funk band na VST & Company.

Maging ang Comedy King na si Dolphy ay nagpahayag noon na malaki ang paniniwala niya na si Vic ang puwedeng sumunod sa kanyang trono bilang comedy royalty.

Bagamat "flattered" si Vic sa mga natatanggap na papuri, inamin din niya na hanggang ngayon ay hindi siya kumportable tuwing bibitawan ang mga salitang "iconic" o "legendary" bilang paglalarawan sa kanyang estado bilang entertainer.

"Kapag mga ganyan-ganyan, parang tribute na, e!" natatawang pahayag ni Vic.

"Hindi ko na lang pinapansin. 'Iconic', di ba?

"Kasi ang Eat Bulaga! is an icon sa ganito, ganun. But me, sa personal, parang hindi ko kayang lulunin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaugnay naman sa papuri na ipinagkaloob sa kanya ni Dolphy, ito ang sinabi ni Vic: "Wala nang puwedeng pumalit sa pagiging Hari ng Komedya niya.

"Ako, at yung mga iba pang nasa komedya, e, mananatiling tagahanga ni Mang Dolphy."

Sa kabila ng makulay at matagumpay na career sa showbiz ay marami pa raw gustong subukan at patunayan si Vic hindi lang publiko, kundi maging sa kanyang sarili.

"I want to do more beautiful movies, more meaningful TV shows, more public service, more love," seryoso niyang sambit.

"Ang tao kapag nakuntento ka, [ibig sabihin] pantay na ang paa mo sa lupa.

"I mean, you just have to be contented with what you have, but it doesn't mean na okay na 'ko.

"Basta buo ang panalangin mo, buo ang tiwala mo sa Panginoon, tuloy-tuloy lang ang buhay.

"Hindi dapat tumitigil yun sa isang level—kailangan tuloy-tuloy."

Nais din ni Vic na makapag-uwi ng acting award balang-araw, kahit pa sabihing madalas ay hindi itinuturing ng film critics ang mga comedian bilang serious actors.

"I just hope that someday ang mga hurado, e... Kasi nakagawian na ng mga tao na pag sinabing comedy, 'Comedy lang 'yan, e!'

"Mas mahirap kayang mag-comedy kesa sa mag-drama! Patayin mo lang yung nanay nung bida, drama na, e!

"I just hope they realize also. I mean, na-prove naman ni Dolphy 'yan. He has won quite a number of acting awards doing comedy and drama.

"Kahit naman hindi ka mag-drama, e, puwede kang magkaroon ng acting award.

"For me, ha, hindi kailangang umiyak ka. Hindi mo kailangang magsisisigaw dun para ma-notice yung pag-arte mo."

REAPING THE FRUITS. Alam ni Vic na masuwerte siya dahil iilan lang sa industriya ang nabibigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho sa magkakalabang istasyon, kasama na ang kani-kanilang film production units.

Napatunayan ito nang gawin ni Vic ang pelikulang Pak! Pak! My Dr. Kwak! under Star Cinema, na siyang film production subsidiary ng ABS-CBN.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa kasalukuyan ay napapanood si Vic sa GMA-7 longest-running noontime show na Eat Bulaga!, at sa mga programang My Darling Aswang at Who Wants To Be A Millionaire ng TV5.

"Siguro ito yung bunga ng aking pakikipagkaibigan nang matagal na panahon.

"When I was just starting, siniguro ko na marami akong magiging kaibigan at wala akong makakaaway.

"So, ito na siguro yung bunga nung pag-iingat ko sa mga friendships na nabuo in the past."

Dagdag paliwanag pa ni Vic, "What I'm trying to say is I'm okay with ABS-CBN, Star Cinema, kumare ko si Charo [Santos-Concio, ABS-CBN president].

"Sa GMA-7 naman, I'm good friends with Joey [Abacan, GMA Films executive], sila Annette Gozon-Abrogar, GMA Films president]—parang wala akong kaaway.

"Of course, with the Kapatid network, MVP [Manny Pangilinan, TV5 chairman] is a very good creative man, the same with Mr. Bobby Barreiro [TV5 EVP and COO], they're all my friends.

"Kung gumawa man ako ng pelikula with Star Cinema, hindi magagalit sa akin ang GMA Films. Kasi alam naman nila na puwede naman akong gumawa ng pelikula sa kanila.

"The same thing with TV5. I know they have plans of going into the movie industry also, which is good news to everyone in the industry."

TURNING EMOTIONAL. Last Saturday, April 30, ay kapansin-pansin na naging emosyonal si Vic sa video greeting na inihanda ng Eat Bulaga! bilang selebrasyon sa kanyang kaarawan.

"Well, it's been a long time na napagtuunan ng pansin ang birthday ko, lalo na sa [Eat] Bulaga! There was a time na pinagbawal ko na yung ano, e.

"'Uy, wala nang celebration, ha! Yung mga surpre-surpresa itigil na muna natin 'yan. Gawin nating simple, comical if possible, to make it more entertaining. Tigil na muna 'yang drama-drama.'"

Aminado naman si Vic na naantig ang damdamin niya nang makita ang mga anak sa video—sina Danica at Oyo (kasama ang mga asawa nitong sina Marc Pingris at Kristine Hermosa, respectively), na mga anak niya kay Dina Bonnevie; si Vico, na anak niya kay Coney Reyes; at si Paulina, na anak niya kay Angela Luz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May kanya-kanya nang buhay ang mga anak ni Vic, at hindi niya maiwasang maalala yung mga panahon na maliliit pa ang mga ito at binabati siya tuwing may okasyon.

"Ngayon, may asawa na siya [Oyo], dalawa na sila [ni Danica]. Yung isa kong anak, tatlo na sila, may batang maliit na.

"Tapos yung isa, graduate na ng Ateneo, ng college.

"And like what they said in the VTR, the last time they greeted me on television was when he [Vico] was five years old.

"E, ngayon graduate na ng college. So, it was really emotional for me," sabi ni Vic.

Tungkol naman sa kanyang personal na buhay, tinanong ng press si Vic kung totoo ang balitang may girlfriend siya ngayon na nagtatrabaho sa isang airline company.

"Tagal na niyan, e," mabilis na sagot ng komedyante.

"Yung dati kong girlfriend before Pia [Guanio] was a flight attendant."

Sabi pa ni Vic na may halong pagbibiro: "Siguro medyo nagulo lang yung time frame nila. Matagal na 'yan, nag-retire na nga yata yung flight attendant na 'yan."

Ano naman kaya ang masasabi niya sa usap-usapan na kaya raw nagwakas ang relasyon niya with TV host Pia Guanio ay dahil sa kagustuhan ng huli na magkaanak, samantalang ayaw pa ni Vic?

"Siya ang tanungin ninyo!" pabirong bulalas ni Vic.

"Hindi, ako, it doesn't really matter naman kung magkakaanak kami o hindi.

"Wala lang yun! Wala lang mapag-usapan siguro na iba—wala lang maisip."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN