Pokwang moves to her P30-million abode in Antipolo

IMAGE 0


"Hangga't mainit tayo, hangga't may dumarating sa ating blessing, magtira tayo ng para sa atin. Kasi, hindi mo alam, yung ipon mo, magugulat ka, ganito na pala kalaki," says Pokwang.


May bagong bahay na naman si Pokwang na ipapa-bless niya ngayong Mayo.

Nagpatayo si Pokwang ng four-storey house sa Summer Hills sa Antipolo.

May walong kuwarto raw ito.

At umabot daw sa P30 million ang halaga ng bagong bahay na ipinagawa niya.

"Nakalipat na ako. Kaya lang, hindi pa gawa yung prayer room. Yun ang pinaka-importante," banggit niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

May room din daw para sa namayapang anak ni Pokwang.

"Meron siyang sariling kuwarto. Yung anak kong angel.

"Yung mga dati niyang gamit, wala na. Pero yung mga pictures niya at mga collection ko ng mga angels, mga paintings, nandoon."

Ang kapatid muna raw ni Pokwang ang nakatira sa dati niyang bahay sa Antipolo rin.

Pinatira muna raw niya ang kapatid duon kesa sa umupa pa ang mga ito.

Pero bakit nga ba niya naisipang magpatayong muli ng bahay?

"Kasi yung una kong nabili, medyo kaliitan. So, yung mga gamit ko, mga outfit ko, hindi na magkasya.

"At saka, hindi ako makapag-accommodate ng mga kamag-anak kong umuuwi," paliwanag ng komedyana.

Dream house na ba niya ito?

"Malamang ito na ang dream house ko dahil marami akong maa-accommodate na friends," sagot niya.

Biro ng PEP kay Pokwang, tila mas mahihirapan pa siyang makahanap ng lalaking mamahalin dahil sa bahay pa lang na naipatayo niya ay mahihirapan nang mapantayan ito.

Pero kailangan nga bang pantayan ng lalaking mapupusuan niya ang mga ari-arian niya?

"Ang importante lang naman, mahalin niya ako habambuhay at kasama ko siya sa pagtanda."

Kung sakali, papapirmahin ba niya ng pre-nuptial agreement ang lalaki?

"Oo, kasi kailangan ko muna sigurong siguraduhin ang kalagayan ng anak ko," seryosong sagot ng komedyante.

"Kasi, wala naman siyang ibang malalapitan, e," sabi niya tungkol sa nag-iisang anak na babae.

Bukod sa bagong bahay ni Pokwang ngayon, meron din siyang kinuhang lupa sa isang resort sa Bataan, ang Camaya Coast.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Posibleng sa susunod na taon, kung ready na raw itong patayuan ng bahay, yun naman daw ang ipapagawa niya.

Pangarap din ni Pokwang na sana ay makapagpatayo ng ilang pinto ng apartment sa nabili niyang lupa.

Gusto rin daw niyang magtayo ng food business, lalo pa nga't alam sa industriya na masarap siyang magluto.

Pero lupa raw talaga ang ipinupundar niya.

"Hindi ako nagpupundar sa bag, sa mga alahas.

"Mas nagpupundar ako sa lupa," sabi ni Pokwang.

Kay Ethel Ramos, entertainment columnist at manager nina Aga Muhlach at Angel Locsin, daw niya natutunan ang pagbabayad ng cash sa mga binibiling ari-arian.

"Sinabi niya sa akin 'yan. 'Kapag may gusto kang bilhin, mag-ipon ka muna saka mo ibuhos.

"'Masakit sa loob yung mahihila ng bangko.'"

Hindi naman daw siya kuripot kung kaya siya nakakaipon. Sinusuwerte lang daw siguro siya na marunong siyang humawak ng pera.

Ano ang maia-advise niya sa ibang artista, lalo na sa mga komedyanteng katulad niya?

"Hangga't mainit tayo, hangga't may dumarating sa ating blessing, magtira tayo ng para sa atin.

"Kasi, hindi mo alam, yung ipon mo, magugulat ka, ganito na pala kalaki.

"Huwag tayong masisilaw sa mga bagay-bagay at sa paligid natin, like kotse o anuman.

"Kasi 'yan, paglabas ng casa, bumababa na ang presyo niyan.

"So, mag-isip tayo kung saan balang-araw papakinabangan natin kapag hindi na tayo nagtatrabaho or wala na tayo sa trabaho."

Bilang ina naman, ano ang pangarap ni Pokwang para sa kanyang anak?

"Para sa anak ko, matapos lang niya ang pag-aaral niya.

"Kasi, marunong magluto, namana sa akin. Gustong mag-culinary.

"Sabi ko, mag-HRM [hotel and restaurant management] na rin siya.

"Magaling siyang mag-bake at mag-imbento ng kung ano-ano," sabi ng proud na ina.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN