Alfred Vargas reveals he is already married to Yasmine Espiritu and they have a daughter

IMAGE 0


"I think panahon na ngayon para sabihin sa tao na I'm taken and I'm happily taken, and I'm very happy right now because of Yasmine," says actor-politician Alfred Vargas.


Finally, nakapagdesisyon na si Alfred Vargas na aminin na ang tunay niyang estado.

Nagpa-interview ang actor-politician noong Miyerkules, June 1, kay Ricky Lo para sa Startalk.

Dito ay sinabi niya na magsi-siyam na buwan na silang mag-asawa ni Yasmine Espiritu.

Isiniwalat din ni Alfred na meron na silang isang anak na babae, si Alexandra Milan.

Ayon kina Alfred at Yasmine, noong August 2010 ay nagpakasal sila sa ating Supreme Court, at nagdadalangtao na raw nang panahong 'yon si Yasmine.

Pagkatapos ng kasal ay bumalik na ng Italy si Yasmine para doon niya isilang ang anak nila ni Alfred.

Sinundan naman siya ni Alfred bago ito nanganak noong October 23, 2010.

Excited sa pagkuwento ang actor, na personal daw niyang binantayan si Yasmine hanggang sa nakapanganak ito.

"Alam mo doon sa Italy, pumapayag sila na nandun talaga yung dad, ako pa ang nag-video, tapos ako mismo yung nagputol ng umbilical cord.

"Ako, parang at that time, parang kinikilabutan ako, parang grabe!

"Tapos yun nga, iba nga pag family na yung iniisip mo, nag-iiba talaga yung perception mo sa buhay," saad ni Alfred.

KEEPING IT A SECRET. Nagdesisyon daw sila na huwag munang ilantad ito sa publiko dahil na rin sa kahilingan ng pamilya ni Yasmine na mas mabuting i-maintain muna ang privacy nila.

Ani Alfred, "Feeling ko talaga that time, lahat handa kong iwanan for my family.

"Gusto ko talaga sabihin from the start, pero yun nga, gusto nila private.

"Hindi naman kasi showbiz si Yas, at alam mo naman baka maintriga pa kaya mas mabuti ngang private na lang muna."

Alam naman daw ito ng buong pamilya, at hindi naman daw nila ito itinatago sa kanilang mga malalapit na kaibigan.

Kahit nga raw sa mga katrabaho ni Alfred sa ABS-CBN fantaserye na Mutya ay sinasabi naman niya.

Lumalabas naman daw sila minsan at kung may nakasalubong daw silang taga-showbiz, ipinapakilala naman daw ni Alfred na asawa niya si Yasmine.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Minsan ay lumalabas din daw sila kasama ang kanilang baby.

Sa June 11, Sabado, na raw bibinyagan ang kanilang anak kaya tama lang daw na ilantad na nila ngayon at i-announce ang tunay nilang kalagayan.

"Ginalang lang naman namin yung decision ng family niya at hiling na privacy," sabi ni Alfred.

"Pero siyempre at this point, I'm a public figure and I would like to thank you for giving me, or my family, the opportunity na para masabi ko rin na I'm proud I'm married and I have a very beautiful wife, and I will love her forever and we're happy family," saad ni Alfred kay Ricky Lo.

YASMINE IS PREGNANT AGAIN. Kasabay sa pag-amin nilang mag-asawa, in-announce na rin nila na nagdadalangtao muli si Yasmine.

Nabigla raw sila noong napapansin ni Yasmine na two weeks delayed na siya.

Noong unang pregnancy test niya, negative naman daw. Pero pagkalipas ng isang linggo na hindi pa rin siya dinadatnan, nagpa-pregnancy test siya uli at positive na raw.

Hindi raw nila akalaing masundan agad ito na wala pa ngang isang taon ang kanilang unang baby.

"Alam mo yun, pagka-meant to be talaga kayo, pag bagay kayo, talagang napaka-productive yung pagsasama n'yo!" natatawang pahayag Alfred.

"We're very fortunate na ano siya, hindi natin halata, pero on the way ulit si Misis."

"Opo. Four and a half months," singit naman ni Yasmine.

Binilang daw nila, eksaktong pagtuntong ng isang taon ng kanilang first baby, isisilang naman ni Yasmine ang pangalawa.

Kung October 23 daw ang birthday ng una nilang baby, sana October 25 naman daw ang pangalawa, dahil ang October 24 ay birthday ni Alfred.

CHURCH WEDDING. Bukod sa paghahanda ng binyag ni baby Alexandra Milan, at sa pagdating ng pangalawa nilang baby, pinaghahandaan na rin ni Alfred ang kanilang church wedding.

Dapat ay noong March this year ginawa ang church wedding, pero namatay ang ama ni Alfred noong January kaya ipinagpaliban muna nila ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa susunod na taon na raw nila itutuloy, pero wala pa silang napagdesisyunang date.

Basta kung anong klaseng wedding daw ang gusto ni Yasmine, ibibigay ito ni Alfred.

"Ngayon, ang gaan na ng feeling ko na nasabi ko na lahat," natutuwang pahayag ni Alfred.

"Parang ang perfect ng mga nangyari. Na-enjoy namin ang privacy at right now, mas ie-enjoy namin ang pagtanggap ng mga tao.

"Lahat naman tayo gustong magka-family, di ba?

"I think, ako, at my age, at this point in my life, I think everything is perfect."

Pagkatapos niyang aminin ang lahat, hindi na raw iniisip ni Alfred kung makakaapekto ba ito sa kanyang showbiz career.

"Ako, as far as my career is concerned, iniisip ko na lang palagi kung paano maging magaling na aktor.

"Yung pagiging celebrity at pagiging sikat, lahat 'yan handa kong iwanan para sa pamilya ko," seryoso niyang pahayag.

Nagpasalamat na rin si Alfred sa lahat na sumuporta sa kanila noong hindi pa nila inilantad ang lahat.

"Thank you very much sa lahat ng support na binibigay sa amin, hindi lang families and friends ng buong showbiz and thank you dahil ginalang nila yung desisyon namin na at first na maging private muna, and we really enjoy that time.

"I think panahon na ngayon para sabihin sa tao na I'm taken and I'm happily taken, and I'm very happy right now because of Yasmine."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN