Nadine Samonte still has no plans to marry boyfriend Emerson Chua, chooses to concentrate on her career in TV5

IMAGE 0


"Oo, pinag-uusapan naman. Kaya lang sabi ko, kasi sayang naman itong career, e. Habang mainit pa. So, huwag na muna siguro," replied Nadine Samonte when asked if her boyfriend Emerson Chua had asked her to marry him.


Pinasyalan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang imbitadong miyembro ng press si Nadine Samonte sa taping nito ng bagong drama series ng TV5 na The Sisters sa Calatagan, Batangas, noong June 29, Huwebes.

Nakatakdang ipalabas ang The Sisters sa ikalawa o ikatlong linggo ng July, bilang kapalit ng malapit nang matapos na TV5 dramaserye na Babaeng Hampaslupa.

"Nakakahilo yung barko... ay yung ano, yung speedboat," nai-share ng bagong TV5 talent sa mga kaharap na press nang umupo na ito para makipag-usap sa mga ito.

Ginagampanan kasi ni Nadine ang parehong papel na Cristina at Bella.

Bago dumating ang press ay nakunan na ang eksenang sakay siya ng isang speedboat patungo sa islang pag-aari ng pamilya nina Cristina at Bella.

Kinumusta ng PEP ang experience niya, so far, sa pakikipagtrabaho sa mga taga-TV5.

"Kasi halos lahat nakatrabaho ko na rin, e. Kaya wala namang problema," sagot ng 23-year-old na dalaga.

Gayunpaman, aminado si Nadine na risk talaga ang paglipat niya sa TV5.

"Kasi hindi mo alam kung ano ang mangyayari sa iyo," aniya.

"Pero in a way na parang tineyk ko na rin yung risk, it's because para maiba naman ako. Para ma-remodel, ma-reinvent ko naman ang sarili ko."

Isa ba sa mga naging dahilan niya sa paglipat ay ang hindi na niya pagiging masaya sa GMA-7?

"Happy naman ako, so far. Pero medyo marami na rin naman kami, e. So, parang...mag-iba na lang muna siguro ako ng landas."

Binanggit din muli ni Nadine ang kagustuhan niyang sumabay sa paglaki ng Manny Pangilinan-owned TV station.

"Habang bata pa yung network, mas masarap sumama na habang naggu-grow siya, naggu-grow ka rin bilang artista."

Humingi rin daw siya ng opinyon sa iba't ibang kakilala't kaibigan tungkol sa plano niya noon na lumipat sa TV5.

"Kahit mismong sila, yung iba nanonood na lang ng Channel 5... Parang, 'A, marami na palang nanonood ng Channel 5 ngayon...'" sabi niya raw sa sarili.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kuwento pa ni Nadine, naging maayos naman ang paghihiwalay nila ng Siete at nagpaalam siya nang maayos. Tapos na rin naman daw ang kontrata niya rito bago siya pumirma sa TV5.

MISSING MARIAN. Sa paglipat ni Nadine sa Singko ay aminado rin itong may mga nami-miss siyang Kapuso stars na nakatrabaho niya.

"Si Marian [Rivera], sina Dennis [Trillo], ayan, kasi mas madalas ko na silang nakakasama, e."

Binanggit niya rin sina Sheena Halili at ang My Lover My Wife co-star niyang si Maxene Magalona.

Nabanggit na rin lang ni Nadine si Marian, tinanong ng PEP kung ano ang masasabi niya sa kasikatang tinatamasa ng aktres na dati'y gumanap pang ina niya noon sa Super Twins.

"She deserves it naman, e. Kasi si Marian naman, working hard naman siya, e. Sobrang workaholic din ang babaeng yun, e.

"So, parang, kung anong tiyaga mo... Sabi nga, kung may tiyaga, may nilaga, e. So, happy ako para sa kanya.

"Kasi ever since naman, kahit nung Super Twins, hindi pa kami ganung ka-close, pero nagkakausap na kami.

"Tapos after ng Super Twins, ano ba yung ginawa ko... MariMar, dun kami naging close.

"Wala akong nakikita sa kanyang... Kaya nga ang sabi ko, she's my friend. Kasi nga totoo siyang tao, e," bida pa ni Nadine tungkol kay Marian.

Nagkasama rin sina Nadine at Marian at Endless Love at Darna.

Isa rin daw si Marian sa mga unang nakaalam ng kagustuhan niyang lumipat ng istasyon.

"Ano lang naman siya, e, kung saan ako happy, ganun din naman siya."

OYO SOTTO. Sa paglipat pa rin ni Nadine sa TV5, may posibilidad na magkasama sila sa isang proyekto ng dati niyang boyfriend na si Oyo Sotto.

"Naku, huwag na nating intrigahin at may asawa't may anak na yun," natatawang pasabi ni Nadine.

Hiningan ng reaksiyon ang dalaga tungkol sa nalalapit na pagiging ama na ni Oyo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Happy naman ako para sa kanya... at siyempre, ano, good luck. And I'm happy for him, sa kanila ni Kristine [Hermosa-Sotto]."

Okey lang ba sa kanya kung kunin siyang ninang ng mga ito?

"Wala namang problema sa akin. Kahit sino nga, nini-ninang ko, e. Ako na nga ang ninang ng bayan!" natawa pagkatapos na sabi ni Nadine.

HER OWN LOVELIFE. Siya naman kaya, kumusta ang sarili niyang lovelife?

"Okey naman. We're still..."

Bago natapos ni Nadine ang sinasabi ay biniro siya ng isa sa kausap na showbiz writer na "shaky" raw ang relasyon nila ng boyfriend niyang si Emerson Chua.

"No!" protesta ni Nadine. "Dati, oo. Pero ngayon, stable na ulit kami. Siguro dahil may mga problems, may mga kailangang ayusin."

Tinanong ng PEP kung napag-uusapan na rin ba nila ang sarili nilang kasal.

"Oo, pinag-uusapan naman. Kaya lang sabi ko, kasi sayang naman itong career, e. Habang mainit pa.

"So, huwag na muna siguro."

Nakakontrata nga ng tatlong taon si Nadine sa TV5.

Naunawaan naman ba ni Emerson ang kagustuhan niyang unahin na muna ang career bago ang paglagay sa tahimik?

"Naiintindihan naman niya. Pero siyempre, may mga pahiwa-hiwatig na."

Supportive din daw sa kanya si Emerson at panay ang pagbibigay ng lakas ng loob sa kanya, lalo na noong panahong nag-iingat siya sa pagsasalita sa mga interview.

Matapos kasi ang paglipat niya'y sumalang na siya sa mga interview at kabado siya lagi na baka may masabi siyang puwedeng ikasakit ng kalooban ng ilang taong maaaring masaktan sa sasabihin niya.

"Kasi lagi nga akong kinakabahan sa bawat sasabihin ko, bawat gawin ko. Sinasabi niya, 'Ano ka ba? Nandito lang naman kami para sa iyo.'"

EMERSON'S GRANDMOTHER. Kinumusta rin kay Nadine ang sitwasyon niya naman sa lola ng boyfriend niya na full-Chinese.

"Hindi pa kami nagkikita," sagot ng former StarStruck Avenger. "Bawal pa..."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa kaugaliang Chinese daw kasi'y hindi puwede ang mixed race marriage o pagpapakasal sa hindi kalahi.

"Chinese to Chinese kasi 'yan, e. At saka ang artista, hindi naman ganun ka-big deal sa kanila 'yan."

Ganunpaman, hindi rin daw big deal sa kanya kung hindi siya magustuhan ng lola ni Emerson.

"Kung sakaling maging kami [ni Emerson] at ayaw niya, hindi naman siya ang pakikisamahan ko, e. Pakialam niya, di ba?" natatawang sambit ni Nadine.

"Hmp, keber!"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN