PEP EXCLUSIVE: Lotlot de Leon will not join "circus" on mom Nora Aunor's arrival tomorrow

IMAGE 0


"Basta kaming mag-anak, dadalawin namin siya kapag hindi na siya nangarag ng ibang tao! Ayokong puntahan siya na maraming tao... Gusto ko, kami lang, yung private. Kami lang ng mga bata, para naman makilala niya ang mga apo niya. Bonding, ganoon... Bahay lang, wala nang pasyal," says Lotlot de Leon about the arrival of her mom, Nora Aunor, tomorrow morning.


Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Lotlot de Leon kahapon, July 31, sa Dulcinea, Tomas Morato, Quezon City.

Bagamat may ibang agenda ang aming meeting with her, nagpaunlak na rin ng interbiyu si Lotlot tungkol sa pagdating bukas, August 2, ng kanyang inang si Nora Aunor mula sa walong taong pamamalagi sa Amerika.

Kumpirmado na ang pagbabalik-bayan ng Superstar bukas, sakay ng Philippine Airlines PR103 flight.

Nakatakda ang arrival nito bandang alas-sais ng umaga sa Centennial 2 terminal ng Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City. Pero ayon sa isang source, posibleng mapaaga pa ang dating nito dahil walang stopover ang flight nila.



Inaasahang sasalubungin si Nora ng marami nitong loyalistang fans—ang Noranians.

Bukas din ng tanghali ay gaganapin ang "welcome home" grand press conference na inihanda for Nora ng TV5.

Gagawa ang aktres ng isang political drama mini-series sa Kapatid network, directed by Mario O'Hara.

"Oo nga, after eight years, darating na si Mommy dito," masayang sabi ni Lotlot, na slimmer na ngayon ang pangangatawan.

Kaso lang ay hindi makakasalubong si Lotlot sa ina dahil may shooting ito ng pelikula.

"Sayang nga, kasi nasa Bataan kasi ako that day, e. Sayang, dahil shooting kami ng Way Back Home," pagtukoy niya sa Star Cinema movie na pinagbibidahan nina Julia Montes at Kathryn Bernardo.

"Maaga pa lang ay nandoon na kami, e. Monday [August 1] naman ay Batangas ako, taping naman kami for The Sisters [TV5 drama series].

"Kanina, kausap ko si Albert [Sunga, close confidante ng mom niya]. Okey naman ang pag-uusap namin.

"May meeting siya ngayon with the Noranians. Kasi, lahat ng fans ni Mommy, gustong sumalubong [sa airport].

"So, ina-arrange ni Albert yung sa mga Noranians," banggit ni Lotlot.

CIRCUS. Ayaw raw ni Lotlot na makisabay sa posibleng "circus" na mangyayari sa pagsalubong ng fans at supporters ng kanyang Mommy sa airport, o kahit na sa 5-star hotel na tutuluyan nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mas gusto raw niyang puntahan na lang ang kanyang ina—kasama ang mga anak niya—privately, upang makapag-bonding sila.

Ani Lotlot, "Unang-una, pagod yun. Pag settled na o nakapahinga na si Mommy, pupuntahan ko na lang siya.

"Pagod yun, e. Ayoko namang makisiksik.

"Although, ang sabi nga ni Albert, nag-usap sila ni Mommy kaninang umaga [sa cell phone].

"Pinapa-relay nga ni Mommy na gusto raw niya, pagdating niya sa hotel, gusto niya, nandoon kami lahat [na mga anak niya].

"Kaso, wala nga ako dahil I have shooting. Sabi ko, yung mga bata, isasama ko na lang pag nagkita kami. Para isang puntahan na lang.

"But I'm sure, sina Matet will be there. Matet, Kiko, Kenneth, and Ian siguro. Doon na lang sila sa hotel maghihintay," kuwento ni Lotlot.

HOMECOMING. Masaya raw si Lotlot sa pag-uwing ito ng kanyang ina, at may mga taong tumutulong sa pagbabalik nito, tulad nina German "Kuya Germs" Moreno, Suzette Ranillo, at Boy Palma na minsan nang nakatulong kay Guy.

"Noong una, nag-text sa akin si Ate Suzette. Pinapaalam nga niya sa akin ang mga detalye.

"Nakalagay nga doon na, 'Kuya Boy will get in touch with you.'

"Sabi ko, 'Sinong Kuya Boy?' E, yun pala, nag-text si Kuya Boy kay Kiko [kapatid ni Lotlot] lately.

"Sabi ni Kiko, 'Si Tito Boy Palma pala yun, Ate.'

"Ayun, naghahanda na sila sa pagdating ni Mommy and happy naman ako sa mga taong nandiyan pa rin for her."

Magsisimula bang mag-shoot agad ng pelikula o mag-taping ng mini-series ng Singko ang Mommy niya?

"Pagdating po niya sa August 2, yun nga, may presscon ang TV5 for her. Then siguro, may mga aayusin lang.

"Tapos, sa August 7 [Sunday] yung fans day niya. Inaayos pa lang ang venue kung saan."

CHANCE MEETING. Call it coincidence, pero si Lotlot na rin ang nagkuwentong by chance daw ay nagkita pa sila, of all people, ni Laguna Governor ER Ejercito sa isang dermatology clinic sa Greenhills, San Juan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Matatandaang bukod sa TV5 mini-series, kasama sa dahilan ng pag-uwi ni Nora sa bansa ay ang paggawa nito ng pelikula under Cinema Concepts Productions, ang El Presidente: The Emilio Aguinaldo Story.

Gaganap si Guy bilang Maria Agoncillo, second wife ni Emilio (to be played by Gov. ER) sa nasabing pelikulang ididirek ni Tikoy Aguiluz.

"Kahapon, I bumped into Governor ER," sabi ni Lotlot.

"Nagkita kami ni Gov ER, by accident lang. Kay Dra. Sylvia Huang sa Greenhills.

"So, nakaupo akong ganoon, nagbabasa ako. Dala-dala ko ang mga bills ko, nagkukuwenta-kuwenta akong ganyan.

"Sabi nung secretay, 'Ms Lot, sandali lang po ha, meron lang pong lalapit sa inyo...' Si ER yung lumabas!

"Ayun, sabi ko, 'Hoy, Gov, kumusta?' Ayun, dire-diretsong kuwentuhan na.

"May nakahanda daw siyang mga 50 na security, just for my mom's arrival alone on Tuesday.

"Sabi ni ER, 'O, ano, sasalubong ka ba?' Sabi ko, 'Gov, I won't be able to make it, e, kasi kailangan pong magtrabaho, may shooting ako sa Bataan."

Kumusta naman ang pag-uusap nila ni Governor ER?

"Okey naman. Mukhang excited si Gov. Maganda raw. Nakahanda na lahat, e.

"Mom will be staying in Laguna yata or Cavite, and hahanapan nila siya ng hotel na malapit doon.

"I think may pagsu-shooting-an sila sa Laguna, e.

"Saka, Mom will look different daw. They will look old. Yun kasi ang role.

"So, nakahanda na raw lahat. Mabuti nga, na-convince si Mommy... The irony, 'no? Ang galing.

"Kasi, ready na raw yung costumes ni Mommy. Ready na raw ang makeup."

MOTHER & DAUGHTER BONDING. Anong pakiramdam bilang anak na darating na ang kanyang Mommy?

"Nagkita naman kami noong nasa Amerika ako, e, that was 2009. Yun yung huli naming pagkikita," sabi ni Lotlot.

Ito yung mga panahong solong bumiyahe abroad si Lotlot, nag-"soul searching."

Nakapag-bonding ba sila ng kanyang Mommy?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Oo," aniya.

"Isang linggo ako sa kanya, sa bahay niya. One week. Doon ako nag-Pasko noong 2009. Magkasama kami.

"I left December 31. Dumating ako dito, January 1, 2010. Three months ako doon, nagmuni-muni."

Ito nga ang mga panahong nagkakaproblema sila ng kanyang asawang si Ramon Christopher.

Noong mga panahong yun, nababanggit ba sa kanya ng kanyang Mommy na balak din niyang bumalik sa Pilipinas very soon?

"Oh, yes, nasasabi na niya yun sa akin. Nag-usap na kami ni Mommy na gusto na niyang umuwi.

"Pero ang sabi niya, gusto niyang umuwi na meron na siyang gagawin. Ayaw niyang umuwi na walang gagawin.

"Pero I don't think she plans to stay long, e. Tatlong buwan lang siya dito.

"And then, after no'n, babalik na siya doon [U.S.]. Tapos, babalik na lang siya uli pag may trabaho na uli."

Alam ba niya ang latest sa mga papeles ng Mommy niya sa Amerika?

"Ewan ko lang, hindi ko alam kung ayos na papers niya. Hindi ako sure," sagot ni Lotlot.

FELLOW KAPATID. Ngayong Kapatid na si Nora at nasa TV5 ngayon si Lotlot sa The Sisters, malamang na magkasalubong sila sa isang event ng istasyon ni Manny V. Pangilinan.

Gusto rin ba niyang makatrabaho ang Mommy niya?

"Sana nga, 'no?" sambit ni Lotlot.

"Sana nga, makagawa kami ng project ni Mommy... Si Ian, sila ni Ian, sana... "

Kumusta naman ang mga kapatid niya sa nalalapit na pagdating ng ina nila?

"Okey naman, nagkakausap kami, excited sila. Excited kami siyempre.

"Nakakausap ko si Ian... Si Matet, medyo hindi ko nakakausap dahil busy.

"Pero si Ian, si Kiko, si Ken... Kumpleto kaming apat, mga two weeks ago, nasa bahay namin ang mga kapatid ko.

"Si Kiko kasi, he stays with me. Kiko lives with me. Si Kenneth lives with Matet.

"Si Ian, stays with my dad [Christopher de Leon]. Doon siya kay Daddy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"E, minsan, nagbibiruan, 'Oy, Ian! Si Mommy daw, sa inyo ni Daddy titira!' Hahaha.

"'Ha? Talaga, Ate?' sabi ni Ian. Tawanan kami. Naglolokohan kami."

BOYET'S REACTION. Speaking of her dad, Christopher de Leon, nakakapag-usap naman ba sila tungkol sa pagdating ni Nora?

"A, hindi pa, hindi pa kami nakakapag-usap ni Daddy," aniya.

"I'm sure excited yun! Sila ni Tito Pip [Tirso Cruz III]."

Si Pip ang ka-loveteam noon ni Nora.

Binanggit namin kay Lotlot na may balitang lilipat na rin sa TV5 si Boyet ngayong tapos na ang Captain Barbell ng GMA 7, ang last series ng Drama King sa telebisyon.

Hindi pa nga lang sure kung isang telefantasya ang gagawin ni Christopher sa Singko, o maging guest ito sa mini-series ni Nora.

"A, really?" reaksiyon ni Lotlot.

"So, last na itong Captain Barbell niya? O, e, di mabuti kung sakali... I'm sure gagawa 'yan.

"Kasi, five weeks na mini-series yung gagawin ni Mommy na, di ba?

"Hindi ko lang alam kung kelan ang simula ng taping nila. Kung after ng shooting ng movie...

"Parang one week lang kasi ang shooting ni Mommy ng movie."

MISSES ACTING. Pakiramdam ba ni Lotlot ay na-miss din ng mommy niya ang pag-arteng muli sa telebsiyon at pelikula?

"Oo naman, na-miss niya, at gusto talaga niya. May mga fans pa rin niya na naghihintay na matagal na panahon," sagot niya.

Naniniwala si Lotlot na mapili na sa proyekto ang mommy niya upang mapapayag na gawin niya ito.

"Pinaghandaan niya 'yan," pahayag niya.

"At saka, I think, this must be worth it for her to come back home.

"Kasi si Mommy, namimili na 'yan ng project, e. Hindi lang basta-basta 'yan gagawa.

"Basta kaming mag-anak, dadalawin namin siya kapag hindi na siya nangarag ng ibang tao!" tawa ni Lotlot.

"Kasi I'm sure, dire-diretso ang pag-ano [itinerary o schedule] niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ayokong puntahan siya na maraming tao... Gusto ko, kami lang, yung private.

"Kami lang ng mga bata, para naman makilala niya ang mga apo niya.

"Bonding, ganoon... Bahay lang, wala nang pasyal.

"Hindi mo naman maipapasyal dito [sa Pilipinas] si Mommy! Good luck!" tawa ni Lotlot.

NORANIANS. Lastly, sinabi ni Lotlot, open rin ang communication niya with her Mom's fans and supporters, all these years.

"There have been a few times na I've been to my lola's museleo, sa museleo namin sa Parañaque... Nagpapamisa ako doon.

"Yung mga fans, pupunta sila doon. Magdadala sila ng pagkain.

"Pero siyempre, ang topic for the night is always my Mom. Yun palagi.

"Kaligayahan na nila yun," saad ni Lotlot.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN