Judy Ann Santos ignores "womanizing" rumors about hubby Ryan Agoncillo

IMAGE 0


"Nakakatawa na lang isipin kasi ang galing nilang magsulat. Ang galing nilang gumawa ng kuwento, ang galing nila. Puwede silang maging writer ng teleserye, in fairness," says Judy Ann Santos about rumors that her husband Ryan Agoncillo is having an affair with another woman.


Tinatawanan lang ni Judy Ann Santos ang mga bali-balita tungkol sa pambababae diumano ng kanyang asawang si Ryan Agoncillo.

Sa press conference ng bago niyang show na Junior Masterchef, na ginanap kahapon, Agosto 10, inamin ng aktres na alam niya ang mga kumakalat na ganitong uri ng kuwento kahit wala siyang personal account sa anumang social networking site.

"Aware naman ako," sabi ng aktres.

"Kasi, di ba, sa panahon ngayon, hindi ka man mahilig mag-social networking, dapat kahit papaano aware ka rin sa mga sinasabi ng mga tao?

"Para naman hindi ka tatanga-tanga pagdating ng panahon."

Sa halip na mag-alala, napapabilib na lamang daw si Judy Ann sa kanyang mga nababasa, lalo na sa microblogging site na Twitter.

"Nakakatawa na lang isipin kasi ang galing nilang magsulat. Ang galing nilang gumawa ng kuwento, ang galing nila.

"Puwede silang maging writer ng teleserye, in fairness.

"Nakakabilib kung paano nila i-push ang mga pinaniniwalaan nilang mga bagay at ang galing ng imahinasyon."

Pinili na rin ng 33-year-old celebrity mom na huwag nang magbigay ng komento sa mga naglalabasang isyu na ito.

Aniya pa, "Hinahayaan ko na lang kasi lahat naman tayo may opinyon, e. At ang opinyon ko, nahuhusayan ako sa kanila."

Siniguro naman niya na hindi siya nagpapaapekto sa ganitong klase ng tsismis dahil, "Kampante ako sa asawa ko, hindi siya 'yong gano'n.

"At very honest na tao si Ryan. Masaktan ka man o hindi, sasabihin niya sa 'yo lahat-lahat.

"'Yong totoo, ilalatag niya lahat sa harapan mo, so hindi ako nadadala sa mga ganyan.

"Kung noon nga hindi ako nadadala sa mga ganyan, ngayon pa na relax na relax ako sa buhay ko?"

Nang tanungin kung balak ba niyang gumawa ng sariling account sa Twitter, umiling ang aktres.

Paliwanag niya, "Hindi ko kaya 'yong maya't mayang nag-a-update. Sa asawa ko lang ako gano'n.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"'Yong responsibilidad na gano'n, sa kanya ko na lang binibigay.

"Pero nakakatuwa na nababasa ko ang opinyon ng mga tao.

"Nakakatuwa na nakakakita ka ng mga iba't ibang klase ng kuwento.

"Okay na ako na aware ako sa lahat ng mga nangyayari.

"May mga kanya-kanya tayong mga opinyon pagdating sa Twitter—may mga nag-aaway, nagbabati, may mga nagliligawan.

"Teleserye ang Twitter para sa akin.

"Maraming istorya, maraming opinyon. Sakto lang.

"Ano pa kaya ang maaaring mangyari pagdating ng panahon? Paano pa?

"Baka mas hi-tech pa kaysa ngayon."

RUMOR ABOUT RYAN AND DAIANA. Matatandaan na bukod sa diumano'y pambababae, may lumabas ding balita na nagli-link kay Ryan sa Eat Bulaga! co-host niya na si Daiana Menezes.

Sa interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noon, pinabulaanan na ito ni Daiana. (CLICK HERE to read related article.)

Halos ganito rin naman ang naging paniniwala ni Judy Ann, na hindi totoo ang mga lumabas na balita.

Sa katunayan, nakiusap pa siya sa press na tigilan na rin ang pagpapakalat ng ganitong isyu.

Paliwanag ni Judy Ann, "Unfair naman din sa mga co-host ni Ryan kasi, talagang parang pamilya sila doon.

"Huwag na lang nating lagyan ng malisya dahil masayang-masaya bilang isang pamilya.

"At saksi ako, talagang kung magturingan sila, parang barkada lang. Mahal nila ang isa't isa.

"Huwag na nating lagyan ng dahilan para magkailangan pa sila."

Bukod dito, sa pagkakaalam ng PEP, ang boyfriend ni Daiana ay ang direktor na si GB Sampedro.

Bagamat hindi na tinatablan si Judy Ann ng mga tsismis na tulad nito, hindi naman naitanggi ng aktres na mayroon pa rin kaunting selosan o tampuhan sa pagitan nilang mag-asawa.

"Pampa-cute lang. Pampa-texture lang ng pagsasama.

"Pero hindi 'yong talagang dumarating na sa punto na maghihiwalay na dahil sa selos!" medyo natatawa niyang sabi.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN