Arci Muñoz admits being martyr girlfriend to ex-boyfriend Kean Cipriano when she was head over heels in love

IMAGE 0


"Hindi naman ako nakikipag-compete. Basta ako, gawin ko lang nang maayos yung trabaho ko. Ipapakita ko sa lahat na iba ako," says Arci Muñoz on being one of the busiest actresses of the Kapatid network..


Muntik nang makalimutan ni Arci Muñoz ang pangalan ng karakter na ginagampanan niya sa kauna-unahang aksyon-serye ng TV5, ang Ang Utol Kong Hoodlum.

Sa presscon kasi ng naturang show na ginanap sa Unilab Bayanihan Center sa Mandaluyong last September 3, ni-request ng press ang cast members na ilarawan ang kanilang roles.

Pagdating kay Arci ay sandali muna siyang nag-isip hanggang sa maalala niyang ang ginagampanan niya ay si Vanessa, ang martir na girlfriend ni Ben Maningding, played by JC de Vera.

"Seryoso, nakalimutan ko yung pangalan ko dito. Ang tagal na kasi nung last akong mag-taping for Utol Kong Hoodlum.

"Nauna ko pa kasi itong tineyping kaysa sa Mga Nagbabagang Bulaklak.

"Five weeks lang ako sa Utol, tapos nag-concentrate na ako sa Nagbabaga," paliwanag ni Arci nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Pero masaya si Arci na finally ay maipalalabas na ang Ang Utol Kong Hoodlum.

"Mabuti nga ipapalabas na ito. Biruin mo, nauna ko itong ginawa, pero natapos na yung Nagbabaga, ngayon pa lang ipapalabas ito.

"Pero siguro way of God na rin ito para mas ma-excite yung mga tao. At saka naniniwala rin ako sa right timing.

"Sa tingin ko, ngayon yung tamang panahon para ipalabas ito."

Sa September 12 ang pilot episode ng Ang Utol Kong Hoodlum.

MARTYR IN REAL LIFE. Martir na girlfriend ang role ni Arci sa Ang Utol Kong Hoodlum. In real life ba ay naranasan na niyang maging martir?

"Oo naman," sagot niya.

So, nakaka-relate siya sa role niya?

"Oo, kaya nga ang bilis kong umiyak sa mga eksena ko, e. May eksena nga ako dun na naka-mascara ako, nag-smudge dahil sa luha ko.

"Naranasan ko na kasing maging martir. Isa pa lang naman ang naging boyfriend ko."

Ibig sabihin naging martir siya sa band vocalist na si Kean Cipriano dahil ito ang first boyfriend niya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Ahhh... ano ba?" gusto pa sanang umiwas sumagot ni Arci.

"Siguro ganun lang talaga pag sobrang mahal mo ang isang tao.

"Pag sobra kang nagmamahal, lahat gagawin mo para sa taong mahal mo.

"So, for that question, oo."

Nakiusap naman si Arci na huwag nang pag-usapan yung tungkol sa nangyari sa kanila ni Kean.

"Parang unfair naman kung isasama pa natin siya sa ganitong usapan.

"Nananahimik na siya and he's happy. And I'm happy for him.

"Hayaan na lang natin yun matagal na yun," sabi niya.

MORE PROJECTS FROM TV5. Thankful si Arci sa TV5 dahil unti-unti niya raw natutupad ang mga pangarap niyang gawin sa career niya.

Mula sa pagiging supporting at pagganap ng kontrabida roles ay naranasan na rin niyang maging bida lalo na at nakatakda siyang maging solo lead sa kauna-unahang afternoon soap ng TV5, ang Felina: Reyna ng mga Pusa.

Dahil sa sunud-sunod niyang projects, hindi ba siya nagwo-worry na ma-insecure ang iba pang talents ng TV5 sa kanya?

"Hindi naman siguro," sagot niya.

"Kasi ang TV5 naman, bina-balance ang work para sa aming lahat, e. Kung bagay sa akin yung role, siyempre sa akin ibibigay.

"Pero lahat naman kaming TV5 princesses may ginagawa.

"Si Ritz [Azul], may ginagawa tapos may movie pa siya. Si Danita [Paner], meron. Si Alex [Gonzaga], araw-araw din siyang napapanood [sa Juicy].

"Everyone, lahat may ginagawa.

"Siguro ako nilalagay lang nila ako sa drama kasi that's my forte."

Wala naman daw sa isip niya ang competition.

"Hindi naman ako nakikipag-compete," sabi niya.

"Basta ako, gawin ko lang nang maayos yung trabaho ko. Ipapakita ko sa lahat na iba ako.

"Sa tingin ko naman, iba-iba kami ng characteristics, e.

"Ako, I have my own identity. Sila rin naman meron.

"Basta I'll do my job. Kung ano yung ibinigay sa akin, inatas sa akin na gawin ko, mas malaki pa run yung ibibigay ko para hindi naman ako mapahiya sa kanila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Napakalaki nung opportunities na nakukuha ko."

FORGOTTEN DREAM? Kung meron mang pangarap si Arci na gusto njya pang matupad, ito ay ang makasali sa Binibining Pilipinas beauty pageant.

Pero nangangamba nga ang aktres na baka hindi na matupad ang pangarap niyang ito.

"E, kasi, di ba, sa ABS-CBN napapanood ang Binibini, tapos nakakontrata naman ako sa TV5.

"Hindi naman ako binabawalan ng TV5 na sumali.

"Kaya lang, nagwo-worry din ako na baka dahil nakakontrata ako sa TV5 ay hindi ako tanggapin sa ibang station na nag-o-organize nung pageant.

"Kaya parang ano na lang siya, forgotten dream.

"Kasi 22 na ako, e. Parang hindi na magandang sumali pag medyo nadadagdagan na ang edad mo."

Matagal na raw kasi niyang balak sumali. Pero naudlot nga ito nang naudlot.

"Kasi ang daming magagandang projects na ang hirap tanggihan kaya hindi rin ako natutuloy sumali.

"Parang ilang years nang naudlot."

Dahil ba rito ay nawalan na siya ng interes na sumali?

"Hindi naman," sambit ni Arci.

"Kaya lang, hindi lang siya maka-settle sa utak ko na gagawin ko siya this year kasi nga ang daming projects na dumadating. Kaya hindi ko pa siya napaplano.

"Pero if not next year, siguro it's never for me. Kung hindi ako makakasali next year, wala na.

"Nakasulat na lang siya sa aking diary na forgotten dream—to be a beauty queen."

Pero umaasa pa rin si Arci na matupad ito.

"Sana matuloy pa rin akong sumali. Kasi it's another feather in your cap pag nanalo ako, di ba?" sabi niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN