Nora Aunor and Kuya Germs wax nostalgic about Superstar's place in local showbiz history; Nora acknowledges debt of gratitude to fans

IMAGE 0


German Moreno on his loyal friend and long-standing showbiz colleague Nora Aunor: "... ipinagtanggol ako ng babaeng ito. 'Yun ang isang bagay na hindi ko makakalimutan sa kanya. At ang programang tinutukoy ko, na umabot ng dalawampu't dalawang taon dahil kinagiliwan, tinangkilik, at naging number one... ang Superstar."


Nag-uumapaw ang kagalakan at kasiyahan ni Nora Aunor sa pinakahuling parangal na naipagkaloob sa kanya ng katatapos lang na 25thStar Awards for Television.

Ginanap ang awarding noong Nobyembre 22 sa Newport Performing Arts Theater ng Resorts World Manila.

Ang nasabing parangal ay iginawad ng Philippine Movie Press Club (PMPC).

Ang parangal ay para sa kanyang dating programang pang-telebisyon, ang Superstar, na kinikilala pa rin bilang isa sa pinaka-impluwensyal at pinaka-tinangkilik na musical variety shows sa kasaysayan ng lokal na telebisyon.

Tumagal ng mahigit dalawang dekada—eksaktong dalawampu't dalawang taon nang walang patlang na pagsasahimpapawid—ang programa.

Ito ay pinagsamahan nina Ate Guy (main host) at Kuya Germs (German Moreno, co-host), kaya napagkalooban ang mga ito ng nasabing parangal.

Sa kanilang mga talumpati, bilang pagtanggap ng kani-kaniyang parangal, parehong naging emosyonal sina Kuya Germs at Ate Guy.

Bukod sa pagiging bahagi ng Superstar, ginawaran din ng special award si German Moreno bilang Master Star Builder.

KUYA GERMS CRIES. Sa kanyang pagpapakilala kay Nora, at nang kapwa na silang nakatayo sa entablado at nagsasalita si Nora, hindi na napigilan ni Kuya Germs ang maluha.

Sa kanyang introduksyon kay Nora binanggit muna ni Kuya Germs ang mga katangian ni Nora.

Ito ang babaeng aniya'y "malawak na ang aming pinagsamahan."

"Naiba man siya ng bakuran, nandito pa rin ako na nagmamahal sa kanya," sabi ni Kuya Germs, na nananatiling talent pa rin ng GMA-7 habang nasa TV5 naman si Nora.

Muli niyang binanggit ang mga krisis na dumaan sa buhay ng superstar.

"Ang babaeng ito," dagdag pa niya, "ay dumaan din sa pagsubok.

"Maraming nangyari, noon at ngayon, nilalait pa rin siya.

"Pero sinong tao ang walang pagkukulang at walang pagkakamali at pagkakasala?

"Lahat tayo, dumaan diyan. Patibayan lang ng kalooban."

Gayunpaman, hindi kinakalimutan ni Kuya Germs ang naging pansariling karanasan sa Superstar noon. Ang binanggit niya sa partikular ay ang pagkaka-tanggap daw niya ng dalawang sulat mula sa RPN-9 management.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang isang sulat, binabati siya sa pagiging number one sa ratings at sa advertisers' support sa show.

Samantalang sa pangalawang sulat, tine-terminate naman ang kanyang serbisyo sa programa.

"Can you imagine ang experience ko sa show?" hindi maubos-maisip ni Kuya Germs.

"Pero ipinagtanggol ako ng babaeng ito. Hindi siya pumayag.

"'Hindi puwedeng mawala sa tabi ko si Kuya Germs...'" pagbanggit din ni German sa naging pagtanggol sa kanya ni Nora Aunor.

"'Yun ang isang bagay na hindi ko makakalimutan sa kanya.

"At ang programang tinutukoy ko, na umabot ng dalawampu't dalawang taon, dahil kinagiliwan, tinangkilik, at naging number one,′ ang Superstar."

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin naman ni Nora ang mga katangian ni German Moreno na hanggang ngayo'y hinahangaan niya.

"Si Kuya Germs, matibay po 'yan.

"Pag may problema, kahit matitindi, lahat, nakakaya niya," banggit ni Ate Guy sa kaibigang hindi naiwasang maluha sa entablado sa isang punto ng kanilang acceptance speech.

"Lahat 'yan ay eksperyensiya," tugon naman ni Kuya Germs. "At kung meron kang dapat i-share, i-share mo.

"Huwag kang magkait ng anumang matututunan. Ituro mo, as long as... tama ang itinuturo mo."

Ang tinutukoy ng TV host—na mayroong late night program sa GMA-7, ang Walang Tulugan With The Master Showman—ay ang patuloy niyang pagtuklas at pag-manage ng mga kabataang artista sa iba't ibang larangan ng showbiz.

Kabilang dito sina Jhake Vargas, Hiro Magalona, at Teejay Marquez, na nanalo din ng parangal (Best New Male TV Personality) sa 25th PMPC Star Awards for TV.

Tulad din daw ito ng mga ginawa ni Nora, noon at sa kasalukuyang panahon, na nagbalik sa aktibong pagganap para maibahagi ang angking kakayahan sa pag-arte sa mga nakababatang artista.

SPECIAL AWARD FOR SUPERSTAR. Sa isang hiwalay at nauna nang interview ng PEP bago ng awarding ceremonies, sinabi ni Nora Aunor na hindi niya inasahan ang magiging sunud-sunod na Lifetime Achievement at Special Awards/Recognition sa kanyang pagbabalik.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Binigyang parangal si Nora sa iba't ibang larangan—bilang singer (OPM at 3rd Star Awards for Music); aktres at independent movie producer (13th Cinemanila International Filmfest at 8th Cinema One Originals); at TV host (para sa Superstar ng RPN-9, sa 25th Star Awards for Television).

Noong kalagitnaan ng dekada '90, si Nora ang pinakabatang naging recipient ng Lifetime Achievement Award na ipinagkaloob ng Film Academy of the Philippines (FAP) sa taunang FAP Luna Awards.

Ngayong Disyembre, nakatakda ring pagkalooban ng Lifetime Achievement Award si Ms. Aunor ng FAMAS (Filipino Academy of Movie Arts and Sciences), ang itinuturing na oldest award-giving institution sa local movie industry.

Para sa mga fans at taga-industriya, ang mga parangal kay Nora Aunor ay long-overdue at karapat-dapat lamang para sa singer-aktres, ayon sa mga naging kontribusyon niya sa iba't ibang larangang napagtagumpayan.

"Hindi ko ini-expect, kasi nu'ng araw, wala akong feeling na magkakaroon ng ganito. Basta, ginagawa ko lang ang trabaho ko," pahayag din ng superstar.

PASASALAMAT SA FANS. Masaya si Ate Guy, lalo sa parangal sa kanila ni Kuya Germs, para sa programang Superstar.

Ito raw ay pagpapasalamat na rin niya sa mga tagahangang patuloy na sumusuporta sa kanyang showbiz career.

"Kulang ang pasasalamat, kahit ilang pasasalamat ang gawin ko, kulang pa 'yan.

"Ang aking tinutukoy ay ang mga fans, dahil hindi mababansagang Superstar ang show, na dati The Nora Aunor Show, kung hindi dahil sa fans.

"Dahil sa kanila nag-umpisa 'yan, e. Sa Pasay pa noon, Nora-Eddie show pa yan," pagtukoy din ni Nora sa programang una niyang tinampukan sa KBS Studios bilang main-host.

Katuwang niya sa show ang yumaong late-'60s and early-'70s na mang-aawit na si Eddie Peregrina.

"Nu'ng nawala si Eddie, inilabas ang show mula sa loob ng studio dahil sa dami ng mga tao, umaabot na sa kalsada.

"Du'n nag-umpisa na mabansagang Superstar ang show.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kung hindi dahil sa kanila, na noon hanggang ngayon, talagang nandiyan pa rin sila.

"Hindi ko rin nga in-expect, na pag-uwi ko rito last August 2011, kung gaano naman naging kasaya rin ang mga fans, ang kanilang pagmamahal at pagkasabik," sabi pa ni Ate Guy.

KITCHIE BENEDICTO. Ang unang naging producer at direktor ng musical-variety shows ni Nora ay si Kitchie Benedicto-Paulino—anak ng tinaguriang "crony" ng dating Pangulong Ferdinand Marcos na si Roberto S. Benedicto.

Ayon sa mga ulat sa showbiz, si Kitchie Benedicto ang unang nagsabi na gawing Superstar ang titulo ng The Nora Aunor Show, dahil sinabi raw ni Kitchie kay Ate Guy: "Nora, you're not just a star. You're a superstar!"

Pero ayon din sa naging mga kaganapan, malaki ang lugar ng pulitika sa naging kapalaran at tunguhin ng tinangkilik na programa ni Nora.

"Well, kung mangyayari 'yon, mangyayari talaga," sambit din ni Ate Guy, bilang pagbabalik-tanaw.

"E, ang pinanghawakan kong salita noon, na 'mawawala lahat, pero ang Superstar ay hindi mawawala...'"

Bahagi ng mahabang acceptance speech ni Ate Guy, kagabi rin, ang tungkol sa naging damdamin niya sa pagkawala ng Superstar.

"Ang sama-sama ng loob ko nang mawala ang Superstar... may mga pangyayari na hindi natin alam din, kaya po nawala...

"Ang ikinasama ng loob ko noon, dahil sa mga fans, na kahit saan nanggagaling ay pinipilit na magpunta sa studio," banggit pa ni Ate Guy.

Naging pagkakataon noon na makapiling niya nang madalas ang hukbo ng kanyang mga tagahanga sa weekly live airing ng show sa KBS Studio, sa Pasay City, at sa Studio 2 sa Broadcast City, Quezon City.

At sa pagtanggap niya ng sunud-sunod na parangal ngayon, lagi ring naroon ang kanyang fans, malakas na pumapalakpak, tumitili at nagkakagulo.

Gayundin ang local showbiz media na paborito pa ring subject ng interview at photo-ops si Nora.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaya laging may pagma-mob, tulad nang nangyari kagabi, sa lobby pa lang ng Newport Theater ng Resorts World bago mag-umpisa ang awarding ceremonies.

Muling nagkagulo ang mga naroon, na mula sa iba't ibang grupo o sektor—karaniwang fans at showbiz media—na nahirapang i-kontrol ng PMPC members at production staff ng Airtime Marketing Phils., Inc. ni Tessie Celestino-Howard.

"Sa lahat po, thank you! Maraming salamat po!" tuwang-tuwang sabi ni Nora, na hindi pinasalamatan din ang kanyang pamilya, mga kaibigan, at mga dating tauhan.

Kabilang sa crew ng Superstar ay ang head writer nitong si "Mama" Edith del Rosario, at mga naging direktor nito na sina Kitchie Benedicto, Al Quinn, at Lupita Kashiwahara.

At ang pangwakas niyang bungad para sa mga Noranians: "Sa mga pagkukulang ko po sa inyo, humihingi po ako ng pang-unawa... ng mahabang pang-unawa, mahal na mahal ko po kayong lahat!"


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN