Janelle Manahan wants to visit grave of boyfriend Ramgen Revilla

IMAGE 0


Janelle Manahan's message to boyfriend Ramgen Revilla: "I will always love you. Thank you sa lahat-lahat. I will never forget you and will not stop, never akong titigil 'til I find you justice. You didn't deserve to die that way kaya ilalaban kita. No matter what it takes."


Patuloy na nagpapagaling sa ospital si Janelle Manahan, ang nobya ng pinaslang na aktor na si Ramgen Revilla.

Bumubuti na nga ang lagay ni Janelle dalawang linggo matapos siyang operahan para ayusin ang tinamong facial fractures na dulot ng tama ng bala sa ilalim ng kaliwang mata na tumagos sa kanang panga.

May tama rin siya ng bala sa kanang balikat.

JANELLE'S RECOVERY. Pinaunlakan ni Janelle ang hiling ng GMA News na makunan siya ng video sa kanyang kuwarto sa loob ng ospital habang isinusulat ang kanyang mga sagot sa ilang katanungan.

Bawal pa kasing magsalita si Janelle kaya naman ipinapahayag niya ang kanyang mga nais sabihin sa pamamagitan ng pagsulat.

Sa video na ipinalabas sa primetime news program ng GMA-7, ang 24 Oras, na napanood kagabi, November 21, wala na halos maaninag na tama ng bala sa mukha ng 22-anyos na dalaga.

Tanging ang maliit na drain pipe sa kanang panga na lang ang nakakabit kay Janelle.

Paraan daw ito para maghilom nang maayos ang bone grafting sa lubos na napinsalang panga niya.

Ito ang dahilan kaya hindi pa siya ma-discharge sa ospital.

Hindi na nakasuwero si Janelle, pero naka-arm sling pa rin siya dahil sa tama sa kanyang balikat.

Nakakakain na rin daw ng nais niya si Janelle, basta pinapaliit ito o isinasama sa tubig.

WANTS TO VISIT RAMGEN'S GRAVE. Ayon kay Janelle, paglabas niya ay gusto niyang dumalaw sa puntod ng nobyong si Ramgen kung papayagan siya ng doktor at kanyang pamilya.

"I wanna visit Ram sa cemetery but I don't know if I'll be allowed to by my doctors and family for security reasons.

"Gusto ko rin sanang makapagbakasyon kapag natapos ko na lahat ng rehab sessions ko," sabi ni Janelle sa kanyang sulat.

Inilibing si Ramgen noong November 2 sa Angelus Eternal Gardens sa Imus, Cavite.

Handa rin daw siyang tumestigo upang bigyan ng hustisya ang pagkamatay ng nobyo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pahayag ni Janelle, "Kung kinakailangan, oo naman.

"Handa akong gawin ang lahat para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Ramgen."

JANELLE'S MOM TALKS. Sa interview pa ng GMA News reporter na si Ian Cruz sa ina ni Janelle na si Rosario Quintano, sinabi nitong labis na nami-miss ng anak niya si Ramgen.

Ayon kay Rosario: "Marami siyang nami-miss about Ramgen, siyempre.

"Like yung pagiging protective ni Ramgen, yung pagiging malambing, yung mga ganun, yung pagiging makulit."

Bagamat mabilis ang paggaling, may mga pagkakataon daw na naguguluhan si Janelle sa mga nangyayari.

Sabi ng ina ng dalaga, "She never thought na yun nga, yung kapatid ang involved. So, medyo naguguluhan talaga siya.

"Kasi ang pagkakaalam niya, very close nga sila."

Idinadawit sa pagpaslang kay Ramgen ang tatlo nitong kapatid—sina Ramon Joseph, Ramona, at Gail Bautista.

Pagbibigay daw ng halaga sa ikalawang buhay at pananalig sa Diyos ang laging habilin ng kanyang mga magulang kay Janelle.

TRYING TO BE STRONG. Sa report naman ng late-night news program ng ABS-CBN, ang Bandila, na napanood din kagabi, ibinahagi ni Janelle sa pamamagitan pa rin ng pagsulat ang kanyang saloobin sa itinatakbo ng kaso.

Kuwento ni Janelle, bagamat mahina pa rin siya ay mas bumubuti na ang kanyang lagay.

Pilit daw niyang tinatatagan ang kanyang kalooban.

Ani Janelle, "Mas mabuti na po ang pakiramdam ko ngayon, although physically weak pa po ako.

"So, kailangan ko ng tulong from simply sitting down, standing up, etc.

"Emotionally naman po, so far I'm trying to be strong on my own.

"They say I might need a psychiatrist, if gusto ko."

MESSAGE FOR RAMGEN'S FAMILY. Inamin ni Janelle na nasasaktan siya sa pagkakasangkot ng pamilya ni Ramgen sa krimen.

Alam niya kasing mahal ng nobyo ang pamilya nito.

"Nasaktan ako ng malaman ko at patuloy na nasasaktan every time na mapanood ko sa news.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Alam ko kung gaano kamahal ni Ramgen ang pamilya niya, how clean his intentions are, at kung gaano siya kabuti bilang tao."

Hiling niya sa pamilya ni Ramgen, ituloy ang paghahanap ng katarungan sa nangyaring trahedya.

"Mahal na mahal kayo ni Ramgen.

"Sana 'wag kayong titigil hangga't hindi nahahanap ang hustisya na nararapat para sa kanya."

Nagpapasalamat din si Janelle sa suporta ng pamilya ni Senator Bong Revilla, Jr. at sa lahat ng mga taong patuloy na nagmamahal at nagdarasal para sa kanya.

Saad ni Janelle, "Maraming salamat po for the support and prayers.

"I am truly grateful for everything and I will always be grateful.

"Salamat sa pagmamahal ninyo kay Ramgen at for seeking justice for Ramgen."

MISSING RAMGEN. Hindi rin itinago ni Janelle ang labis na pagka-miss kay Ramgen, na para sa kanya ay hindi lang boyfriend kundi isang mabuting kaibigan.

"Lahat po talaga mami-miss ko.

"Yung pagiging sweet niya, makulit, at yung mga bonding namin.

"Malaking bahagi siya sa buhay ko kaya I will truly miss him.

"He is not only my boyfriend, but my best friend and sometimes even like a big brother to me."

Kung puwede lang daw ay gusto niyang mabigyan ng maikling sandali kasama ang nobyo at makapagpaalam dito sa huling pagkakataon.

Pero sa mga sandaling ito, ang inaasam-asam niya raw ay:

"Sana po gumaling na ako at hustisya para kay Ramgen.

"Makasama ko si Ramgen kahit sa huling pagkakataon, kahit sandali.

"I just wanna see, hug, kiss, touch and hear his voice for the last time."

Nagpapasalamat din si Janelle sa lahat ng masasayang alaala nila ni Ramgen at nangakong hindi titigil para ilaban ang kaso.

"I will always love you. Thank you sa lahat-lahat.

"I will never forget you, and will not stop, never akong titigil 'til I find you justice.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"You didn't deserve to die that way kaya ilalaban kita. No matter what it takes," deklara ni Janelle.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN