Aljur Abrenica surprised by StarStruck batchmate Paulo Avelino's decision to move to ABS-CBN

IMAGE Noel Orsal

"Basta ako, bilang isang kaibigan ni Paulo... ano lang naman 'yan, e... network lang naman yun, e. Ang pagkatao naman ng isang tao hindi naman nagbabago, e... Kung bakit lumipat siya sa kabila, may magandang dahilan, para sa akin," says Aljur Abrenica after confirming the report that his friend and StarStruck batchmate Paulo Avelino has moved to ABS-CBN.


Pagkagulat ang rumehistro sa mukha ni Aljur Abrenica nang tanungin siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa paglipat ng batchmate niya sa StarStruck 4 na si Paulo Avelino sa ABS-CBN.

Nang makausap siya ng PEP sa taping ng finale ng Season 2 ng Mind Master ng mentalist na si Nomer Lasala kahapon, August 17, ay hindi pa pala niya alam na nasa Kapamilya network na si Paulo.

Pumirma ng kontrata sa Paulo at ang manager niyang si Leo Dominguez kasama ang executives ng ABS-CBN noong Lunes, August 15. (CLICK HERE to read related story.)

"Nasa ABS na si Paulo? Pumirma? Totoo ba 'yan?" sunud-sunod na tanong sa amin ni Aljur.

Tila hindi pa rin makapaniwala ang young actor sa balita kaya sabi niya, "Sandali lang... ang balita ko kasi hindi natuloy.

"Pero... sandali lang, wala kasi ako sa posisyon para magsabi muna dahil hindi ko pa alam, e.

"Kailangan ko muna siyang tawagan muna."

Close sila ni Paulo bilang magkaibigan, bakit hindi sinasabi sa kanya ni Paulo ang recent move na ginawa nito sa kanyang career?

"Siguro may mga desisyon siyang ganyan na... baka gusto niya kaming sorpresahin.

"Surprise nga sa akin, e, kasi kumpare ko 'yan. Inaanak ko yung anak niya."

Ninong si Aljur ng anak nina Paulo at LJ Reyes na si Ethan Akio.

Kailan niya huling nakausap si Paulo?

"A, last... matagal na kasi, e.

"Galing akong States. Tapos nung binyag ng anak niya dapat magkikita kami, pero hindi kami nagkita."

Hindi rin daw sila nagkaka-text-an ni Paulo recently.

Ngayong nasa ABS-CBN na si Paulo, ano ang reaksiyon niya?

"Hindi... pero para maging safe, tawagan ko siya," hindi pa rin makapaniwalang tugon ni Aljur.

Pero nalungkot siya?

"Siyempre, siyempre, nakakalungkot naman.

"Tatawagan ko muna," sabi niya ulit.

THE CONFIRMATION. At sa harap nga mismo namin ay tinawagan ni Aljur si Paulo, at nakausap naman niya ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagkatapos ng sandaling pag-uusap ay muling humarap sa amin si Aljur.

Ano ang sabi ni Paulo sa kanya?

"Si Paulo, joker 'yan, e. Uunahan niya ako agad, e. 'Pare, musta?'

"Sabi niya, 'Dos na Dos na!" at natawa si Aljur.

Marahil ay nahulaan agad ni Paulo kung bakit siya tumawag?

"Oo, baka ganun," sambit ng Kapuso hunk.

Pero aniya, "Basta ako, bilang isang kaibigan ni Paulo... ano lang naman 'yan, e... network lang naman yun, e.

"Ang pagkatao naman ng isang tao hindi naman nagbabago, e.

"Tulad ng pagkakakilala ko kay Paulo, sobrang bait niya, sobrang humble.

"Siguro kung lilipat man siya sa kabila, may magandang dahilan.

"Kung bakit lumipat siya sa kabila, may magandang dahilan, para sa akin.

"At kung yun ang gusto ni Paulo, at yun ang desisyon niya, susuportahan ko siya.

"Ganun kami, e, ganun kaming magkakaibigan. Susuportahan ko siya all the way at...

"Pag-uusapan pa namin kung ano'ng mga plano para sa kanya."

KIROT SA PUSO. Nalungkot ba si Aljur sa kanyang nalaman?

"Oo naman!" sambit niya.

"Siyempre, kahit papaano may kirot sa puso ko yun, e.

"Dahil si Paulo, sobrang malapit sa akin 'yan at magkasama kami sa Dapat Ka Bang Mahalin, e.

"Make or break namin yun. Kumbaga, iyon yung break namin e.

"So, kasama ko siya sa tagumpay."

Sa afternoon soap na Dapat Ka Bang Mahalin unang nagbida ang tambalan ni Aljur at ni Kris Bernal. Gumanap dito bilang karibal ni Aljur kay Kris si Paulo.

Bukod dito ay nagkasama rin sina Aljur at Paulo sa early primetime series na All My Life, kung saan kasama rin si Kris.

Patuloy pa ni Aljur, "Yung napi-picture ko kasi magkasama kami, magkakasama kami sa isang network na masaya, na successful.

"Pero siguro hindi lahat talaga na nabibigyan ng ganun... siguro may ibang path sa mga tao, sa nakikita natin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, kung anumang mangyari kay Paulo, kung lumipat man siya, susuportahan ko siya."

Kung bago umalis sa Kapuso network si Paulo ay sinabi sa kanya ang tungkol sa plano nito, ano ang sasabihin niya sa kaibigan?

"Kung noon nasabihan man ako ni Paulo, hindi ko siya pipigilan," sagot ni Aljur.

"Kasi siya ang mas nakakaalam kung ano ang mas makakaganda para sa kanya, e.

"Pero titingnan ko din, tatanungin ko muna at kung mas makakaganda para sa kanya, susuportahan ko siya."


BECAUSE OF ALJUR? May intrigang ang isa sa mga dahilan kung bakit umalis si Paulo sa GMA-7 ay dahil mismo kay Aljur. Na diumano'y nai-insecure si Paulo sa success ng career ni Aljur.

Mariin naman itong pinabulaanan ni Aljur.

"Hindi, hindi totoo 'yan! Para sa akin, kami ni Paulo, magkaiba kami ng image, e.

"Kita n'yo naman, sa itsura pa lang, magkaiba kami ni Paulo, e.

"Sa appearance, si Paulo tisoy, e, ako moreno!" natatawang sabi niya.

Pero iyon nga ang kumakalat na isa sa mga dahilan ng paglipat ni Paulo.

"A, hindi. We all have our chances naman, e," saad ni Aljur.

"Siguro ngayon panahon ko lang. And I know sa ability ni Paulo, sa star quality niya... may quality siya bilang isang artista talaga, e.

"So, tingin ko, naghihintay lang ng oras sa kanya, ng tamang panahon para sa kanya."

Paano kung isa nga siya sa rason?

"Hindi siya ganun, hindi siya ganun," sabi niya.

"Mararamdaman mo sa tao yun. Hindi ko naramdaman kahit minsan kay Paulo.

"Si Paulo, sinusuportahan pa ako. Ganun siya.

"Marami siyang advice sa akin, e, sobrang dami niyang pinapayo sa akin."

Kung si Aljur ang isa sa mga prinsipe ngayon ng GMA-7, maaaring may chance na maging isa sa mga prinsipe ng ABS-CBN si Paulo?

"O di mas maganda! Mas maganda yun," sambit niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dahil pareho silang produkto ng StarStruck?

"Oo!" mabilis na tugon ni Aljur.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN