Coco Martin remains "ordinary" despite his popularity; says "Kasi simple lang akong mangarap."

IMAGE Noel Orsal

Coco Martin, on maintaining his privacy: "Sabi ko nga, ang pinaka-ayoko yung ma-involve ang pamilya ko sa trabaho ko. Every time na umuuwi ako sa bahay, never na nagtanong sa akin ang lola ko about sa trabaho ko. Kung maganda ba si ganyan, mabait, mabango? Ayokong pinag-uusapan yun. Kahit sa showbiz, hangga't maaari, iniiwas ko namang pag-usapan ang personal life ko or ang pamilya ko. Hangga't maaari."


Tila naging tribute kay Coco Martin ang live guesting nito sa The Buzz noong Linggo, January 15.

Bago kasi ang interview sa kanya ng The Buzz-host Boy Abunda, nagpalabas muna ng VTR ng mga pahayag ng mga direktor at artistang nakasama na ni Coco sa iba't ibang proyekto.

Kabilang sa mga ito sina Direk Brillante Mendoza (direktor ni Coco sa indie films na Masahista, Tirador, Serbis, at Kinatay), Cherry Pie Picache (co-star ni Coco sa pelikulang Noy at sa teleseryeng Tayong Dalawa)...

Direk Jerry Sineneng (direktor ng Minsan Lang Kita Iibigin), Gerald Anderson (co-star niya sa Tayong Dalawa), at Direk Trina Dayrit (direktor ng Tayong Dalawa).

Lahat sila ay nagsabi kung gaano kahusay si Coco bilang isang aktor.

Naging inspirasyon din si Coco ng karamihan, mula sa paglabas niya sa mga indie films at sa matagumpay na pagpasok sa mainstream movies at television.

Reaksiyon naman ni Coco rito: "Sobrang sarap na marinig lalung-lalo na po sa mga kasamahan kong artista, direktor.

"Ano, e, sila yung mga naghasa sa akin kung nasaan man ako ngayon.

"Sila ang mga naging inspirasyon ko kung bakit ako nandito ngayon."

PHENOMENON. Sa VTR ay nagdeklara si Cherry Pie na: "I think Coco Martin is a phenomenon."

Ito ay dahil si Coco lang daw ang "nakatawid" mula independent films papuntang mainstream.

"Sobra yun!" nakangiti at tila nahihiya namang sabi ni Coco nang hingan siya ng reaksiyon sa tinuran ni Cherry Pie.

Dagdag pa ng aktor, "Nakakalaki ng puso, siyempre.

"Pero para sa akin po, hindi naman po.

"Siguro kung may ganoon po, si Nora Aunor po yun, hindi po ako."

Pero ayon kay Boy, marami ang nagsasabi na si Coco Martin ang Nora Aunor ng bagong henerasyon.

At kahit isang Noranian si Boy, napapangiti pa raw siya kapag naririnig ito.

"Sobra," nakangiti namang sagot ni Coco.

Ayon naman kay Direk Jerry Sineneng, mahal na mahal ng mga manonood si Coco—ke mayaman o mahirap.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa kanya namang palagay, bakit siya mahal ng tao?

Sagot ni Coco, "Siguro po, ipinapakita ko pong talaga kung ano ko.

"Ang pagiging sincere ko sa tao, mga katrabaho ko.

"And then, siyempre, sa pag-arte ko, lumalabas yun, e.

"Ayokong mag-pretend kung hindi man ako magustuhan. Kung ang tingin man sa akin ng tao, jologs.

"Kasi kapag nakita ng tao na maayos ka at malinis ang puso mo, marunong kang makisama, napapamahal ka sa kanila.

"And then, siguro sa mga taong nakakapanood sa akin, sabi nga ni Direk Trina [Dayrit], tumatagos yun sa mga viewer. Tumatawid."

HOW MUCH IS HE WORTH? Sa usaping pera, gaano na kayaman ngayon si Coco?

Natawa si Coco, sabay sabing, "Sapat lang, Tito Boy. Nakakaipon kahit magkano.

"Matulungan ko ang mga kaibigan ko at matupad yung ilang munting pangarap ko."

Galante ba siya o kuripot?

"Kuripot ako, Tito Boy!" natatawang sagot ni Coco.

MAINTAINING HIS PRIVACY. Bagamat "publicized" na halos lahat ng tungkol sa buhay ng mga artista, kapansin-pansin na sa kaso ni Coco ay napapanatili nitong pribado pa rin ang kanyang buhay.

Paano niya ito nagagawa?

Ayon kay Coco, "Yun po talaga ang gusto ko hangga't maaari.

"Sabi ko nga, ang pinaka-ayoko yung ma-involve ang pamilya ko sa trabaho ko.

"Every time na umuuwi ako sa bahay, never na nagtanong sa akin ang lola ko about sa trabaho ko.

"Kung maganda ba si ganyan, mabait, mabango? Ayokong pinag-uusapan yun.

"Kahit sa showbiz, hangga't maaari, iniiwas ko namang pag-usapan ang personal life ko or ang pamilya ko.

"Hangga't maaari."

THE REAL COCO. Ang tunay na pangalan ni Coco ay Rodel Luis Nacianceno.

Kumusta ba si Rodel sa bahay?

"Ay, naku, tatay!" natatawa niyang sabi.

"Siyempre po, ako lahat ang nag-aano sa mga kapatid ko.

"Sabi ko nga, ako ngayon ang pundasyon. Ako ngayon ang nagtatrabaho. Ako ang inaasahan nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kumbaga, habang ako ang nagtatrabaho, ako ang kailangang bumuo sa nasira kong pamilya."

Sa bahay ba ay naka-shorts, naka-tsinelas, naka-sando siya?

"Normal. As in, pambahay.

"Sa lugar po namin, ordinaryong-ordinaryo lang ako. Naglalakad lang ako.

"May tindahan doon na tinatambayan namin ng mga pinsan ko.

"Minsan, tumatambay pa rin ako."

Pero natatawang dugtong niya, "Kaso, minsan nga, dumating yung time na from 5 p.m. hanggang 11 p.m., pictorial! Wala, e.

"Sinubukan kong tumambay, lahat ng dumaraan, piktyuran nang piktyuran.

"Ako naman, gusto kong pagbigyan kasi gusto kong maging ordinary sa mata nila.

"Sabi ko nga, kung saka-sakali, paano kung wala na 'to, mahihirapan akong mag-adjust, which is, yun ang ayokong mangyari.

"Gusto ko, kung saka-sakaling hindi na ako ganito [kasikat], kung hindi na ganito ang trabaho ko, makakabalik ako sa normal kong buhay."

Kaya raw nasasabi ni Coco ang mga bagay na yun dahil matagal siyang naghintay, nagtiyaga, at namuhunan bago niya narating ang mga bagay na nae-enjoy ngayon.

LESSONS FROM HIS LOLA. Hanggang ngayon ay nakatira pa rin si Coco sa kanyang lola.

Pero, ano nga ba ang baon niyang mga leksiyon mula sa kaniyang lola para sa pang-araw-araw niyang pakikisalamuha sa tao?

Ayon kay Coco, "Siyempre po, dapat una yung pagrespeto at pagmamahal mo sa kapwa mo.

"Kasi, kapag may respeto, ibabalik nila.

"Kaya nga sabi ko, yun ang hirap.

"Halimbawa, may naririnig akong whatever tsismis or paninira sa kapwa ko artista, hindi ko pinapatulan.

"Kahit ilang beses itanong sa akin yun, hindi ko sinasagot, kasi ayokong mangyari sa akin yun.

"What more kung sa akin dumating yun at ako ang pag-usapan, hindi ba ang sakit?

"Hindi mo maidepensa ang sarili mo.

"Ang itinuro sa akin ng lola ko, pagrespeto sa kapwa, at saka dapat ma-achieve mo yung goal mo.

"Yung pangarap mo sa buhay, dapat laging karga-karga mo ang pamilya mo, kasi yun ang magbibigay sa 'yo ng tamang direksiyon."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

DOG LOVER. Isa raw sa hilig ni Coco ay aso.

Bakit napakahilig niya sa aso?

"Sabi ng lola ko dati, 'Kapag mahilig ka sa hayop...'

"Ayoko, nahihiya ako..." biting sagot ni Coco.

Pero inudyukan siya ni Boy na ituloy nito ang sinasabi.

Pagpapatuloy naman ni Coco, "Sabi kasi, kapag mahilig ka sa hayop, mabait ka, kasi mapagmahal ka, e. Maalaga."

Totoo ba na kapag may sakit ang isang tao, inaangkin ng mga alagang aso ang sakit?

"Opo, totoo po yun," sabi ni Coco.

"Sa bahay namin, may lima kaming alagang aso.

"Pero sa kabilang compound, nasa twenty, mga ganoon karami."

Natatawang sinabi pa ni Coco na kung ano ang mga pangalan niya sa nagiging soap opera niya, yun din ang pangalan ng mga aso niya.

"Halimbawa, pangalan ko sa Tayong Dalawa, Ramon.

"May aso akong Ramon, Javier, Alexander."

SIMPLE LIFE. Ano ang nami-miss niya sa simpleng buhay niya noon?

Sagot ni Coco, "Honestly, wala akong nami-miss, e.

"Kasi, pakiramdam ko, yun pa rin ako. Nandoon pa rin ako.

"Siguro, ang nagbago lang sa akin, naging busy ako sa trabaho.

"Pero kung sino ang mga kaibigan ko, kung sino ang mga lagi kong kasama, sila pa rin.

"Walang nagbago sa akin."

COCO'S LOVELIFE. Sa usaping pag-ibig, kailan siya huling nabaliw sa pag-ibig?

"Matagal na, e," nakangiti niyang sabi.

Hindi ba niya nami-miss ang umibig?

"Siyempre, masarap ang umibig.

"Siyempre, may kapalit 'yan.

"Lahat naman ng umiibig, nagmamahal, nasasaktan.

"Hindi ko pa plano. Pero, darating kung darating."

Ano ang masarap sa umibig?

"Siyempre, yun ang nagbibigay sa 'yo ng inspirasyon. Sa pang-araw-araw na buhay mo, sa pamumuhay mo."

WHAT ELSE? Thirty years old pa lang si Coco, pero ano pa ang gusto niyang maabot sa puntong ito ng kanyang career?

"Sa totoo lang, kung anuman ang meron ako ngayon sa career, para sa akin, sobra-sobra pa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi, simple lang akong mangarap.

"Pinangarap ko nga lang dati, magkaroon lang ako ng regular na trabaho.

"Ngayon, kung anuman ang dumarating na blessing sa akin, para sa akin, sobra-sobra na ito.

"Sana lang, palagi akong ma-guide nang tama para huwag akong mawala," saad niya.

Ano naman ang dasal ng isang Coco Martin?

"Siyempre para sa pamilya ko, lalo na sa lola ko, na sana humaba pa ang buhay niya.

"Sana kung ano pa ang tatakbuhin ng career ko, or kung ano pa ang mangyari sa akin, sana masaksihan niya.

"At sana, nandiyan pa rin siya palagi sa akin."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN