Nora Aunor fulfills promise to guest on Gladys Reyes's talk show

IMAGE Courtesy of Gladys Reyes

A few weeks after her return to the country, Nora Aunor (right) made sure to fulfill her promise to appear on Gladys Reyes's (left) show, Moments. The Superstar was originally scheduled to guest last January but she had to cancel because of her throat problem.


Natuloy na rin ang pagge-guest ng Superstar na si Nora Aunor sa programa ni Gladys Reyes sa Net 25, ang Moments. Ginanap ang taping nila kahapon, March 8.

Matatandaang nagkaroon ng alingasngas ang hindi pagkakatuloy ng naka-schedule na sanang paglabas ni Nora sa programa ni Gladys noong Enero 3.

Hindi kasi nakasipot ang Superstar. Ang sinasabing matinding dahilan sa hindi niya pagdating ay ang kanyang health problem.

Ayon sa kanyang personal manager na si Boy Palma, noong araw raw kasi na yun ay lumala ang hika ng aktres. Inatake rin daw ito ng matinding ubo kaya nagdesisyon na lang daw si Nora na huwag munang ituloy ang kanyang paglabas sa Moments.

Pero bago pa man umalis ang aktres papuntang Amerika noong January 8 ay nangako itong babawi sa kanyang pagbabalik. Nag-text siya din siya kay Gladys at humingi ng paumanhin.

At sa kanyang pagbabalik mula Amerika noong February 24 ay kaagad inasikaso ni Nora ang guest appearance niya sa programa ni Gladys, na nangyari nga kahapon sa studio ng Net 25.

Pagpasok pa lang ng Superstar sa dressing room ng istasyon ay sinalubong na agad siya ni Gladys ng matinding yakap at halik.

Mangilid-ngilid ang luha ni Gladys habang kayakap ang isa sa pinakaaasam-asam niyang panauhin sa kanyang programa.

Sabi ni Gladys, habang yakap-yakap pa rin si Nora, "This time, yung pag-iyak ko ay iyak ng kaligayahan. Finally narito na siya [Nora].

"Hindi ko po alam kung ano ang nararamdaman ko ngayon dahil ang matagal ko na pong pinangarap ay 'eto na, totoo na.

Ayon naman kay Nora, "Gladys, sorry talaga sa hindi ko pagkakatuloy noon.

"Humihingi ako sa 'yo ng dispensa at sa buong staff. Sorry po talaga."

Sagot naman ni Gladys, "Naku po, wala po yun.

"Ngayong nandito ka na po, wala po akong masabi kundi maraming salamat po sa pagpapaunlak po ninyo sa amin."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagkatapos ng yakapan, picture-taking, paliwanagan, at konting retouch sa makeup ng Superstar, mula sa dressing room ay dumiretso na agad sila sa studio.

Napuno ng mga loyal fans ni Nora ang lugar. Halos hindi na magkasya ang mga tao dahil sa may kaliitan ito.

Siyempre pa, bago sumalang sa interview si Nora ay isa-isa niyang nilapitan ang kanyang mga tagahanga na panay ang sigaw ng pangalan niya.

Nagmistulang fans day ang araw na yun at bakas na bakas sa mukha ng mga tagahanga niya ang kasiyahan sa muli nilang pagkikita.

Naging masaya ang kabuuan ng interview ni Gladys sa aktres.

Napag-usapan ang personal na buhay, pamilya, at career ng multi-media Superstar. Napiga ni Gladys ang dapat pigain kay Ate Guy.

Itinuturing ni Gladys na isang hindi malilimutang karanasan ang maka-one-on-one ang Superstar.

Sulit na sulit daw ang ginawang pagbawi ng beteranang aktres sa naudlot nitong paglabas sa kanyang programa.

MOVIE WITH BRILLANTE. Samantala, pagkatapos ng taping ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang Superstar at nagpaunlak naman sa ilang katanungan namin.

Tinanong namin siya sa napabalitang paggawa niya ng pelikula kay Brillante Mendoza. Medyo matipid pa siya sa detalye, pero may linaw na ang proyekto.

Sabi ni Nora, "Totoo yun. Gagawa ako ng pelikula kay Direk Brillante at magsisimula na kami ng shooting sa March 17.

"Maganda ang istorya. Nagustuhan ko at hindi ko talaga puwedeng tanggihan.

"'Tsaka nami-miss ko na rin ang paggawa ng pelikula. Ang tagal ko na ring hindi nakakagawa."

Sinu-sino naman kaya ang makakasama niya sa pelikula?

"Hindi ko pa alam kung sinu-sino makakasama ko, pero isa si Lovi Poe sa mga sure na.

"Napakabait ng bata. Malambing at magalang. Panay yakap sa 'kin nang magkita kami."

TV5 SHOW. Ibinahagi rin ni Nora ang proyektong gagawin niya sa kanyang mother studio, ang TV5.

Balitang isa raw teleserye ang nakatakdang gawin ni Nora na pagsasamahan nila ni Lorna Toelentino. Totoo ba ito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"May mga nakarating sa aking balita na si Lorna raw makakasama ko.

"Ngayon pa lang ay sobrang excited na ako kung totoo man yun dahil matagal na rin kaming hindi nagsama sa isang project ni LT.

"Sana matuloy kung yun man ang plano," sabi ni Nora.

Huling nagkasama sina Nora at Lorna sa pelikulang Uod at Rosas noong 1982.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN