Judy Ann Santos: "I miss acting."

IMAGE Noel Orsal

"Kapag tumatanda ka na, di ba, medyo ie-explore mo na rin ang iba-ibang aspeto sa industriyang ito maliban sa pag-arte, kasi marami ng artistang lumalabas," says Judy Ann Santos-Agoncillo about trying out hosting.


Sa kabila ng mga positibong komento ng mga manonood sa unang pagsubok ni Judy Ann Santos-Agoncillo sa paghu-host, sa tingin ng multi-awarded actress ay marami pa siyang kailangang pagbutihin sa kanyang bagong career.

"Nag-e-enjoy ako, pero parang hindi ko alam kung tama 'yong ginagawa ko.

"Parang gusto ko lang na mas maging at home pa ako sa pagiging host.

"Kasi maliban sa masarap siyang gawin, napakagaan niyang trabaho," sabi ni Judy Ann sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media na dumalo sa press conference na inihanda para sa finale ng Junior Masterchef.

Ito ay ginanap kaninang tanghali, Pebrero 15, sa 9501 restaurant ng ABS-CBN compound sa Quezon City.

Ayon kay Judy Ann, malaking tulong na may mga kasama siyang mga chef sa pagiging hurado sa mga batang kalahok sa Junior Masterchef— sina Chef Ferns Aracama, Chef Rolando Laudico, at Chef JP Anglo.

Saad ng aktres, "Malaking bagay din that I have these three chefs beside me, who are always there, telling me what to do, [what] words to use when it comes to culinary.

"It's a good thing na it's not just me doing the show, it's the whole of us."

Bukod dito, nakatulong din daw na mga bata ang mga kalahok sa programa.

Sabi ni Judy Ann, "I guesss mas may lakas ng loob po ako ngayon ng konti kasi nahasa ako sa mga bata.

"Iba kasi kapag bata ang kasama mo, mas nae-enhance ang pakikipag-usap mo nang maayos.

"Kasi with kids, hindi ka naman puwedeng magsalita nang hindi tama.

"Baka naman sa paglaki ng batang ito, ako naman ang maging kontrabida sa buhay nila. Ayoko naman no'n."

UP FOR ANOTHER CHALLENGE. Sa pagtatapos ng Junior Masterchef, susunod namang hosting job ni Judy Ann ang isa pang cooking show franchise—ang Masterchef.

Sa programang ito, mas matatanda na ang magiging contestants.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paano naman niya ito pinaghahandaan?

Sagot ng 33-year-old culinary graduate, "Alam mo, hindi ko nga alam kasi baka sabihin wala akong respeto sa mga matatanda."

Pagdating naman daw sa pagbibigay ng komento, sabi ni Judy Ann, "Siguro hahanap ako ng paraan na maipaparating ko sa kanila 'yong statement na hindi sasasama ang loob nila.

"Pero, of course, ine-expect ko na 'yon.

"May mangyayaring samaan ng loob. May magsasabing wala akong karapatan na ganito, o 'Hindi naman siya chef, bakit siya nagbibigay ng ganyan?'

"E, hiningi nila ang opinyon ko, e, di magsasalita ako."

WORTH THE RISK. Para kay Judy Ann, naging makabuluhan naman ang pagsubok niya sa paghu-host.

Dahil daw dito, nasubukan niyang i-explore ang iba pang posibleng career sa show business.

Sabi ni Judy Ann, "Masyado akong nag-enjoy sa show na ito. Hindi ko nga naisip na puwede akong tumawid sa pagiging host.

"That's the risk that I'm willing to take that time.

"Kasi noong time na 'yon, talagang gusto ko lang ma-experience ang iba namang linya ng trabaho.

"Kapag tumatanda ka na, di ba, medyo ie-explore mo na ring ang iba-ibang aspeto sa industriyang ito maliban sa pag-arte kasi marami ng artistang lumalabas.

"Ang dami ng mas magagaling na bata ngayon.

"So, kailangan ako, as an actress, kailangan ko pang i-explore ang iba pang part ng industriya.

"Nakakatuwa na na-accept ako ng mga tao rito."

"I MISS ACTING." Bagamat nasiyahan siya sa kanyang paghu-host ng Junior Masterchef, hindi naman ikinaila ni Judy Ann na na-miss niya ang pag-arte.

Ang huling teleserye ni Judy Ann ay Habang May Buhay noong 2010.

Subalit naging guest siya sa teleseryeng 100 Days to Heaven noong Setyembre 2011.

Sa pelikula naman, naging kalahok sa nakaraang Metro Manila Film Festival ang pelikula nila ng asawa niyang si Ryan Agoncillo, ang My Househusband: Ikaw Na!.

Sabi ni Judy Ann, imposibleng lisanin niya ang mundo ng pag-arte.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I miss acting kasi doon naman talaga ako nanggaling.

"Ang drama kasi, pusod ko 'yan, e. Kadugtong na ng buhay ko 'yan, kumbaga.

"Hindi rin naman ako magiging part ng show na ito kung hindi ako nagsimula sa pagda-drama.

"Ang pagda-drama ang nagbayad sa aking culinary studies," saad niya.

Ngayong taon, nakatakdang gumawa ng isang teleserye si Judy Ann sa ABS-CBN.

Bukod dito, mayroon din daw siyang independent film project kasama ang kaibigang aktres na si Eugene Domingo.

Ito ay may working title na Mga Munting Lihim.

Makakasama rin umano ni Judy Ann sa pelikula sina Iza Calzado at Agot Isidro.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN