Edgar Allan Guzman says indie films opened the door to his success

IMAGE Noel Orsal

Edgar Allan Guzman believes that independent films are a “stepping stone, kumbaga aminado naman tayo na maraming mga artista o mga aktor na sinusubukan ang indie film para mapansin sila or mapansin ‘yong talent nila sa pag-arte.”


Matagal na rin sa showbiz si Edgar Allan Guzman.

Nagsimula siya sa showbiz nang manalo siya sa contest na "Mr. Pogi" ng noontime variety show Eat Bulaga! noong 2006.

Ang pinakaunang teleserye niya sa telebisyon ay ang Makita Ka Lang Muli (2006). Nakasama niya rito sina Oyo Sotto, na kasama na niya ngayon sa TV5, at si LJ Reyes.

Isang taon din siyang nakasama sa Daisy Siete (2007-2008) na pinagbibidahan ng Sexbomb Girls.

Ilang supporting roles na rin ang ginawa niya sa mga pelikula, tulad ng I.T.A.L.Y. (2008) at Scaregivers (2008).

Unti-unting mas napansin si Edgar Allan nang lumipat siya sa TV5, at sinabayan pa ito nang mag-lead role siya sa independent film na Ligo na U, Lapit na Me (2011).

Ang indie film na ito’y sinundan ng isang primetime drama series na Sa Ngalan ng Ina (2011), kung saan nakasama niya si Nora Aunor, na matagal nang pinapangarap ng aktor.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Edgar Allan noong Hulyo 2, sa press launch ng YES! Magazine 2012 100 Most Beautiful Stars, na ginanap sa Richmonde Hotel sa Eastwood, Libis, Quezon City.

Isa si Edgar sa nasa listahan ng 100 Most Beautiful Stars ngayong taon, at lubos ang kanyang pasasalamat sa kanyang “Eat Bulaga! family na nagbukas ng oportunidad para sa akin.”

STEPPING STONE. Bukod sa programang naglunsad sa kanya bilang isang artista, isa pang pinasasalamatan ni Edgar ang training niya sa independent film na Ligo na U, Lapit na Me.

Aminado ang aktor na nailabas nito ang kanyang talento sa pag-arte, na agad namang napansin ng kanyang home network.

Ani Edgar Allan, “Kasi sa paggawa ko ng indie, dito nagbukas lahat ng pinto ng opportunities sa akin, e.

“Like sa TV5, mas nabigyan ako ng maraming trabaho, ‘yong inaasam kong teleserye tuwing gabi nabigyan ako, na dati pangarap ko lang, ‘tapos napansin din ako ng Regal [Entertainment] ‘yong kay Mother Lily [Monteverde], ‘tapos ngayon magta-teatro ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, sobrang laki ng nagawa sa akin ng pagi-indie film ko, paggawa ko ng indie films, nagbukas siya ng maraming pintuan ng opportunities para magawa o makuha ko ang mga pangarap ko sa buhay.”

Hindi lamang si Edgar Allan ang unang aktor na binigyan oportunidad ng paggawa ng independent films.

Nariyan si Coco Martin na ilang indie films ni Brilliante Mendoza ang pinagbidahan, tulad ng Serbis (2008) at Kinatay (2009), bago napasama sa afternoon drama series na Ligaw na Bulaklak (2008), kung saan nakasama niya sina Roxanne Ginoo at Sid Lucero.

Gayundin si Mercedes Cabral, ang leading lady ni Coco Martin sa mga nabanggit na pelikula ni Brilliante Mendoza, ay nagsimula sa indie films bago napasok sa Precious Hearts Romances Presents: The Bud Brothers (2009).

Kaya naman sa tingin ni Edgar Allan, malaki ang nagiging “advantage” kapag ang isang artista ay nagsimula sa paggawa ng indie films, bago pasukin ang mainstream mapa pelikula man o telebisyon.

Paliwanag niya, “Kasi ‘yon ang stepping stone, kumbaga aminado naman tayo na maraming mga artista o mga aktor na sinusubukan ang indie film para mapansin sila or mapansin ‘yong talent nila sa pag-arte.

“Ako, naging example din ako para sa kanila, uhm, ginawa kong stepping stone ang indie film, at sinabi ko nga sa speech ko noong nanalo ako ng award, pangarap ko talagang makaabot sa mainstream.

“So, naniniwala ako na ito ‘yong isa sa mga dahilan or isa sa mga stepping stone ‘yong indie film para sa akin, para makarating ka sa mainstream.”

LESSONS FROM INDIE FILMS. Iba raw talaga ang training kapag gumagawa ka ng independent films.

Ang hindi kalakihang budget ang isa sa mga dahilan kung bakit ang mga gumaganap dito’y hindi nakakapag-workshop, limitado ang mga kagamitan at oras upang makabuo ng isang pelikula.

Pero hindi naman daw matatawaran ang mga bagay na matututunan mo dito, dala na rin ng mga karanasan mo habang ginagawa ang isang indie film.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung si Edgar Allan ang tatanungin, ang tatlong pinakaimportanteng natutunan niya raw sa paggawa ng indie films, “unang-una maging natural. Kung ano ang nararamdaman ko sa eksena, maging natural lang.

“Pangalawa, mag-succeed, kumbaga maging successful, matapos ko ‘yong pelikula nang maayos.

“At pangatlo, siguro mas nagkaroon ako ng confidence sa sarili, na maging ako. After ko gawin ‘yon, alam ko may kasunod pa, so mas magagawa ko nang mabuti.

“So, ‘yon ‘yong tatlong bagay na nakatulong sa akin, o kumbaga naging tulay upang maging ako ngayon.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN